Palaging Nagpupuslit ng Ayuda ang Ginang; Bigla Siyang Nakonsensiya Nang Masaksihan ang Hirap ng mga Tunay na Nangangailangan

Palaging Nagpupuslit ng Ayuda ang Ginang; Bigla Siyang Nakonsensiya Nang Masaksihan ang Hirap ng mga Tunay na Nangangailangan

InspiringLoveStories

“Mars, nand’yan na raw yung mga pagkaing idodonasyon ng ating barangay sa mga nasunugan sa kabilang barangay! Halika na, baka hinahanap na tayo ni Kap para magbalot!” sigaw ni Sonie, isang kagawad sa naturang barangay. 

“Ay, hindi pa ba nakabalot ‘yon? Naku, paniguradong may mauuwi tayo d’yan!” natatarantang sambit ni Mariz saka nagmadaling mag-ayos ng sarili. 

“Bakit naman tayo mapapartehan? Hindi naman tayo nasunugan! Ikaw talaga, Mariz! Halika na!” sambit pa ng kaniyang kapwa kagawad, agad naman siyang lumabas ng bahay nang matapos mag-ayos, kumuha ng isang bag at agad na hinila ang kumareng kagawad. 

“Aba, sari-sariling tago na lang ‘yan, mare! Ikaw talaga, kaya wala ka laging uwi sa pamilya mo, eh. Kita mo ako, palagi kaming may pagkain, magaling kasi ako magtago!” bulong niya pa, habang mabilis silang naglalakad patungong barangay. 

“Naku, ganoon ba? O, sige, mamaya magtatago na rin ako. Akala ko kasi bawal, eh, pwede naman pala, edi sana noon pa man may uwi na ako samin,” walang muwang na sambit nito, bakas sa mukha ang paghihinayang sa mga nakaraang bigayan ng donasyon. 

“Bawal talaga, huwag ka lang papakita!” nguso niya pa sabay kindat, saka na sila tuluyang pumasok ng barangay. 

Isang kagawad sa naturang barangay ang ginang na si Mariz. Dahil nga sa angking kabibuhan at palaging aktibo sa mga gawaing pang-barangay, makailang taon na siyang nananalo sa eleksyon at naninilbihan sa naturang barangay. 

Buong puso naman niya talagang ginagawa ang kaniyang tungkulin noong kaniyang mga unang taon sa paninilbihan. Halos buong araw, nasa barangay lamang siya’t nakikiisa sa mga gawain doon kasama ng kanilang kapitan dahil upang tuluyan niyang makuha ang loob at tiwala ng mga tao dito. 

Ngunit lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kabarangay ang kababalaghang ginagawa niya para sa kaniyang pansariling pangangailangan. 

Nang araw na ‘yon, nadatnan nila ng kaniyang kumare ang kanilang kapitan pati na ang ibang kagawad na abala na sa paghihiwa-hiwalay ng mga pagkaing kanilang ipapamigay. May mga delata, kape, biscuit, instant noodles, bigas at marami pang iba dahilan upang kuminang ang mga mata niya. Ika niya, “Mukhang marami akong mauuwing grocery ngayon, ha?” saka siya patagong humagikgik. 

“O, ano pang tinatayo-tayo niyo d’yan? Tumulong nakayong magbalot. Mamayang alas tres dapat mapamigay na natin lahat ‘yan,” ika ng kanilang kapitan dahilan upang agad silang tumulong. 

Agad siyang pumuwesto sa isang sulok, at inihanda sa kaniyang likuran ang kaniyang dalang bag na paglalagyan niya ng mga kukupitin niyang pagkain. 

Pasimple siyang kumukuha ng pagkain habang lahat ay abala sa pagbabalot. Bigla siyang nasipat ng kaniyang kumare, kinindatan niya lamang ito’t pasimpleng binigyan ng isang malaking plastik bag upang paglagyan niya rin ng mga pagkain. 

Saktong alas dos ng hapon nang matapos silang magbalot. Agad silang niyaya ng kanilang kapitan na magtungo na sa kabilang barangay. Agad niyang sinukbit sa kaniyang likuran ang kaniyang bag habang itinago naman ng kaniyang kumare ang plastik bag nitong puno ng pagkain sa likod ng pintuan. 

Pagdating nila sa kabilang barangay, nadatnan nila ang dami ng taong halos umiiyak na dahil sa nangyaring sunog. Halos nalimas ng apoy ang buong barangay na ito.

Agad nilang pinapila ang mga ito upang mabigyan na ng tulong. Nakita niya ang isang mamang nakatungo lamang sa isang tabi, tila nanlalambot ito dahilan upang kausapin niya ito. 

Doon niya nalamang simula pala nang mangyari ang sunog, dalawang araw na ang nakakaraan, hindi pa ito kumakain. 

Agad siyang kumuha ng tatlong balot ng pagkain at binigay sa naturang matanda ngunit laking gulat niya nang hindi ito lahat tanggapin ng matanda. “Maraming salamat, ineng, pero hindi lang ako ang hindi pa kumakain simula noong isang araw. Maraming nangangailangan ng tulong, ayos na ako dito sa isang balot,” nakangiting sambit nito saka agad na kinain ang isang biscuit. 

Tila natulala ang ginang sa sinabi nang matanda. Labis siyang humanga sa kabutihang mayroon ito. Napagtanto niyang labis siyang naging makasarili sa kaniyang ginawa. 

“May mga tao ngang mas nangangailangan kaysa sa pamilya ko, dapat sa kanila ang mga pagkaing nasa loob ng bag ko,” ika niya saka nagtungo sa tumpok ng mga nasunugan at ibinahagi ang kaniyang mga tinago.

Labis ang kaniyang saya nang masaksihan niyang paano nabago ng kaniyang ginawa ang mga lugmok na lugmok na mga mukha ng mga nasunugan at napalitan ng ngiti’t hagikgikan. 

Ika niya, “Wala pa rin palang mas sasaya pa sa pagtulong sa mga nangangailangan.” 

Simula noon, nanumbalik ang katapatan niya sa kaniyang paglilingkod sa kaniyang mga kabarangay. Ginawa niya ang lahat upang makabawi sa kaniyang pagiging makasarili. 

Pinagsabihan na niya rin ang kaniyang kumare at sumang-ayon naman ito sa lahat ng kaniyang sinabi dahilan upang pareho na sila muling magsilbi ngayon nang may katapatan. 

Madalas, nalilihis ang ating landas nang dahil sa mga materyal na bagay. Mangyari lamang na manatili tayong matapat at isipin ang kapakanan ng iba kaysa sa ating sariling temptasyon. 

More Stories