Laging Nagpupunta sa Tindahan ng Salamin ang Matanda Kahit Wala Siyang Pambili; Hindi Siya Makapaniwala sa Sorpresang Naghihintay sa Kaniya

“Ma’am, nandiyan na naman yung lola oh…”

Tiningnan ni Victoria, may-ari ng eye wear shop, ang itinuro ng kaniyang sales lady na si Jen. Napangiti si Victoria. Nariyan na naman pala ang kanilang customer na matandang babae, na nagngangalang Lola Guada. Gaya ng dati, tumitingin-tingin ito ng mga salamin sa mata. Sinusukat-sukat.

Dalawang buwan na halos na laging ganito ang matanda, kaya kilala na siya ng kaniyang mga tauhan. Nasa loob ng isang sikat na mall ang shop ni Victoria. Kung tutuusin, mura na ang bigay niya sa mga salamin sa mata na itiniitinda niya; may libreng check up pa sa mata.

Tuwing hapon, dumarating na si Lola Guada at inisa-isa ang mga salaming matagal na rin niyang tinitingnan-tingnan. Lagi rin nitong tinatanong ang presyo. Tumatanggi naman ito sa libreng konsultasyon. Laging si Jen ang nakakausap nito dahil nagkakataong abala si Victoria sa pag-estima sa iba pang mga customer.

Sa pagkakataong iyon, walang ibang customer kaya si Victoria ang nag-asikaso kay Lola Guada.

“Hi Ma’am! Ano pong gusto nila? May napili na po ba kayo?” nakangiti at magiliw na bati ni Victoria sa matanda. Para naman itong nagulat sa kaniyang presensiya.

“Ah, wala naman… nagtitingin-tingin lang ako. Pasensiya na ah, hindi naman ako magnanakaw,” turan naman ni Lola Guada.

Natawa naman si Victoria sa pagiging taklesa ni Lola Guada. Napatingin sa kaniya si Jen. Sumenyas siya rito na kaya na niya at siya na ang bahala.

Advertisement

“Gusto po ninyong tingnan natin ang grado ng mga mata ninyo?” alok ni Victoria.

“Naku, ayoko, ayoko… hindi naman ako bibili para sa sarili ko eh,” nahihiyang sabi ni Lola Guada.

“Para kanino ho ba ang bibilhin ninyong salamin? Hindi po ba sa inyo?” naitanong ni Victoria.

“Hindi. Para sa apo ko. Pinag-iipunan ko pa eh. Nagrereklamo sa akin na nanlalabo na raw ang mga mata niya. Mahilig kasing magbasa at mag-aral ang apo ko na iyon! Kahit madilim na nagbabasa pa rin. Sabagay, wala naman siyang pamimilian kasi wala naman kaming kuryente,” kuwento ni Lola Guada.

May kurot sa puso ang kuwentong narinig ni Victoria. Ipinagpatuloy niya ang pagtatanong sa matanda.

“Ano po bang trabaho ninyo? At bakit nagtatrabaho pa po kayo?”

“Nagtitinda lamang ako ng panyo sa may bangketa. Minsan mga basahan. Namat*y nang maaga ang anak ko. Naiwan sa pangangalaga ko ang apo ko… kaya ako na ang nagtataguyod sa kaniya,” nasabi ni Lola Guada.

“Ma’am, ganito po, dalhin po ninyo ang apo ninyo bukas para malaman natin ang grado ng mga mata niya. Libre naman ho,” sabi ni Victoria.

Advertisement

“Hindi ba nakakahiya, ineng? Wala pa akong pambayad. Medyo mahal ang mga salamin ninyo rito. 700 piso pa lang ang pera ko eh,” nahihiyang pagtatapat ni Lola Guada.

“Huwag po kayong mahiya, ma’am. Bibigyan ko po kayo ng discount. Asahan ko po kayo bukas ha?” nakangiting sabi ni Victoria. Tuwang-tuwa naman si Lola Guada at nangakong dadalhin ang apo sa shop.

Kinabukasan, bitbit na nga ni Lola Guada ang apong si Gerald, 8 taong gulang. Sinuri nila ang mga mata ni Gerald. Masyado na ngang malabo para sa isang batang gaya niya. Pinapili nila ang bata sa kung ano ang gusto nitong disenyo ng salamin. Sa kapipilit din nila, nakuhanan din nila ng pagsusuri si Lola Guada kahit todo-tanggi ito.

“Naku ineng wala pa akong pambayad. Wala akong maibabayad diyan, nag-iipon pa lamang ako,” nababahalang sabi ni Lola Guada.

“Ma’am… okay na po. Libre ko na po iyan sa apo ninyo dahil masipag siyang mag-aral,” nakangiting turan ni Victoria sa matanda.

“Ha? Bakit po? Naku nakakahiya naman. Hamo’t may 700 piso ako rito. Kunin na lamang ninyo at babayaran ko na lamang ang mga nalalabi bilang utang,” tinangkang dumukot sa kaniyang bulsa ang matanda subalit pinigilan na ito ni Victoria.

“Huwag na po, ma’am. Magagalit po ako sa inyo kapag ginawa ninyo iyan. At siyempre, dahil malabo na rin ang mga mata ninyo, narito naman po ang sa inyo,” at inilabas ni Victoria ang salaming laging pinagmamasdan ni Lola Guada. Namilog ang mga mata ng matanda. Halos maiyak ito sa tuwa.

“Maraming salamat, ineng. Hindi ninyo alam kung paano ninyo kami napasaya. Binigyang-linaw ninyo ang mga paningin namin,” naiiyak na pasasalamat ni Lola Guada.

Advertisement

“Wala po iyan, ma’am. Basta’t lagi ninyong aalagaan ang inyong sarili! Ingat po kayo ni Gerald,” nakangiting tagubilin ni Victoria.

Masaya sa pakiramdam. Iyan ang naramdaman ni Victoria sa ginawa niyang pagtulong sa nangangailangan. Kahit paano, nakatulong siya upang mabigyang-linaw ang nanlalabong paningin ng maglola. Ipinakita niya nang malinaw na may pag-asa pa.