Lalayas ang Misis na Ito Dahil sa Inis Niya sa Kaniyang Biyenan, Habulin Kaya Siya ni Mister?

“Riza! itong luto mong kare-kare ay kulang sa lapot kaya naman dadagdagan ko na. Tapos kulang din sa anghang ang alamang mo kaya naman aayusin ko na rin. Hindi ba’t maanghang ang gusto ni Rolly? Paano ka niyang magiging magaling na asawa kung simpleng luto ay hindi mo magawa!” pabirong wika ni Aling Sheila, biyenan niya habang ito ay nasa kusina.

“Ako ho kasi ang hindi mahilig sa maanghang, hindi lang naman ang asawa ko ang kakain niya,” mataray na sagot naman ng Riza sa ale.

“Uy, ikaw naman nagbibiro lang ako, anak. Huwag kang magalit, ganito talaga ako,” sabay wika naman kaagad ng ale ng mapansin niyang nainis ang manugang niya.

Hindi naman na sumagot pa si Riza at pumasok na lamang ito sa kwarto.

Dalawang taon pa lang na kasal sina Riza at Rolly nang umuwi galing sa abroad ng nanay ng lalaki. Nakiusap ang mister niya na sa kanila na tumira ang nanay nito at pumayag naman si Rizza. Wala namang problema para sa babae na makasama ang biyenan niya dahil sa alam niyang mabait naman ito at palagi niyang nakakausap sa Facebook noong nagtratrabaho pa noon sa ibang bansa.

Kaya lamang ay nagbago ang lahat ng makasama na niya ang ale. Naging napakapakialamera ng kaniyang biyenan sa lahat ng bagay.

“O, kakauwi ko lang, bakit nakasimangot ka na naman diyan? Nag-away na naman ba kayo ni mama?” tanong ni Rolly nang makapasok ito sa kanilang kwarto at naabutan ang misis niyang nakabusangot habang hawak ang telepono.

“Yung nanay mo!” inis nitong sagot.

Advertisement

“Ano na naman bang problema mo kay mama?” inis ding balik na tanong ni Rolly sa kaniya.

“Diyos ko naman, Rolly! Dalawang taon palang tayong kasal pero napakamiserable na ng buhay ko sa’yo! Hindi ko kailanman pinangarap na magkaroon ng problema sa biyenan dahil alam mong napakabait kong anak sa mga magulang ko pero ‘yung nanay mo, sobra! Lahat na lang ng ginawa ko rito sa bahay natin ay napapansin niya. Mabuti sana kung napapansin lang, e, hindi!

Lahat na lang binabago niya, lahat nireretoke niya. ‘Yung luto ko, ‘yung simpleng lagay ko sa mga plato na dapat daw ay nasa sukat ang pagkaka-ayos. ‘Yung simpleng pagsasampay ko ng mga salawal at paggamit ko ng tubig. Lahat na lang, Rolly! Lahat na’y ginalaw at pinakialaman ng nanay mo!” sigaw ni Riza sa kaniyang asawa. Sinadya niyang isigaw ang lahat ng iyon at siniguradong maririnig iyong ng kaniyang biyenan na nasa salas.

“Simpleng bagay, Riza, kinagagalit mo sa nanay ko? Gusto ka lang naman tulungan ng matanda, mabuti nga at kumikilos ang nanay ko,” baling naman din ni Rolly sa mas mataas pang boses.

“E ‘di magsama kayo ng nanay mo! Tang*nang ‘yan! Sinisigawan mo ako dahil sa kaniya? Magsama kayo!” gigil na gigil na wika ng babae at mabilis na kinuha ang kaniyang pitaka at telepono saka umalis ng bahay. Hindi niya pinansin ang aleng nakayuko lamang sa salas nila at alam niyang narinig nito ang kanilang away mag-asawa.

“Pasensiya ka na, ‘ma, kay Riza,” wika kaagad ni Rolly sa kaniyang ina.

“Habulin mo ang asawa mo, huwag mo siyang hayaang umalis,” malungkot naman na tugon ni Aling Sheia sa kaniyang anak.

“Hayaan mo ‘yun, babalik din iyon. Dami niyang arte sa inyo, tumutulong lang naman kayo. Hayaan niyo siya,” pabalang na sagot naman ni Rolly sa kaniya.

Advertisement

“Anak, alam kong mahal mo ako at alam kong nanay mo ako at anak kita kaya ka ganyan sa akin. Pero asawa mo na siya at lagi mo sanang tatandaan na palagi mo siyang pipiliin sa kahit anong sitwasyon dahil siya ang magiging kasama mo hanggang sa pagtanda. Alam mo, aminado naman ako na totoo lahat ng sinasabi niya. Baka nahihirapan na siyang kumilos dahil sa mga ginagawa ko. Mahirap ang manirahan na may kasamang ibang tao lalo na kapag biyenan mo. Kaya, anak, habulin mo siya. Humingi ka ng tawad sa kaniya,” naiiyak na pahayag ni Aling Sheila sa kaniya. Hindi naman nakapagsalita si Rolly at napayuko na lamang ito saka hinabol ang asawa.

Laking gulat namang niyang nasa labas lamang pala ng pinto si Riza at narinig niya ang lahat ng sinabi ng kaniyang biyenan na siya namang nagpahupa sa kaniyang inis at napaiyak na lamang ito. Mabilis siyang pumasok sa loob at niyakap ang kaniyang biyenan.

“Sorry , ‘ma,” mahina nitong sabi.

“Itong batang ‘to talaga, alam ko naman na mali rin ako kaya patawarin mo ako, Riza. Sabik na sabik lang kasi akong alagaan si Rolly dahil hindi ko iyon nagawa noong bata pa siya hanggang sa ngayon. Mas pinili ko kasi noon ang magtrabaho kaya ngayon na kasama na niya ako ay parang gusto kong ako ang gumawa ng lahat pero baka nababastos na pala kita bilang asawa. Wala akong intensyon na masama para sa’yo,” sagot naman ng ale sa kaniya.

Hindi na nagsalita pa ang babae at niyakap na lamang ng mas mahigpit ang kaniyang biyenan. Ngayon niya mas nakikita na walang hindi nadadaan sa maayos na usapan at hindi kailangan laging makipagtaasan ng ugali sa kaniyang biyenan para lamang manalo sa kaniyang asawa. Mas naintindihan na rin ni Aling Sheila na may limitasyon ang paggalaw niya sa bahay at ngayon ay mas nagsasama ang dalawa ng matiwasay. Si Rolly naman ay mas napahalagahan niya ang konsepto ng pagkakaroon ng nanay sa kaniyang tabi at ang pagkakaroon ng asawa. Walang masama kung magkasama sila basta’t nababalanse raw niya ang lahat.