Malakas ang Loob ng Ale na Angkinin ang Bahay ng Yumaong Kapatid Dahil Wala raw Alam sa Batas ang mga Tao sa Probinsya, Magtagumpay Kaya Siya?

Unang araw ngayon ng lamay ng nanay ni Theo at dumating na ang mga tiyahin niya galing sa Maynila.

“Tita, anong ginagawa niyo sa mga gamit namin?” tanong ni Theo sa kaniyang Tita Fe.

“Nagliligpit lang ako, alam mo naman, wala na ang mama mo kaya hindi niyo na magagamit ito. Kukuhanin ko na rin pala ‘yung ibang lutuan ha. Sa amin na lang ‘yun, Theo,” sagot naman ng babae sabay sako sa ilang kawali at kasangkapang pang kusina na gamit noon ng kaniyang nanay sa negosyo nitong karinderya sa bayan.

“Hindi ho ba pwedeng saka niyo na lang gawin iyang pagliligpit kapag nailibing na si mama? Parang pumunta lang kayo lahat dito para hakutin ang mga gamit namin. Akala ko pa naman kaya kayo nagpunta rito ay dahil sa pagmamahal niyo sa nanay ko,” matapang na saad ng binata.

“Hay naku, Theo, saka mo na ako dramahan ng ganyan. Ayaw ko na ring tumagal sa lugar na ito at aalis na rin kami kaagad kapag nailibing na ang kapatid ko. Marami pa akong dapat asikasuhin kaya dapat ikaw rin ay kumikilos ka na,” mataray na sagot sa kaniya ni Aling Fe.

“Teka, kanino ka ba sasama? Sa amin o kay tita Anna mo sa Maynila? Kung sa amin ka titira ay pwede ka namin patuluyin doon sa bakery, ikaw na ang tumao doon para makabawas na rin ako sa binabayarang tao,” dagdag pa nito.

“Ho? Anong sasama? Bakit? Hindi naman ho ako aalis dito. Bahay namin ito ni mama at wala akong balak na ibenta ito. Ito na raw ang pamana niya sa akin at nangako rin akong iingatan ang bahay na naipundar niya,” sagot kaagad ng binata.

“Diyos ko, Theo! Sino mag-aalaga sa’yo rito? E, ni wala ka pa nga sa wastong gulang para magtrabaho. Sino ang magpapakain sa’yo? Mas lalong hindi kami titira sa probinsyang ito. Nanay mo lang naman ang gusto dito! Tsaka anong napundar na bahay niya? Bahay namin itong magkakapatid at nakapagdesisyon na kami kung kanino ibebenta kaya mamili ka na lang ng sasamahan. Huwag mo na akong dramahan pa!” iritang wika ng ale sa kaniya.

Advertisement

“17 anyos na ako at ilang buwan na lamang ay makakapagtrabaho na ako. Isa pa, kay mama nakapangalan ang bahay na ito, siya rin ang nagpagawa nito gamit ang lahat ng kinita niya noong nagtratrabaho pa siya. May mga binigay nga kayong pera para sa pagpapagawa pero hindi ba’t tulong ninyo iyon sa amin? Wala kayong karapatan sa bahay na ito!” sigaw pang muli ni Theo saka siya lumabas at mabilis na nagligpit ng mga importanteng dokumento.

Panganay sa magkakapatid ang nanay ni Theo na si Aling Mabel na pumanaw dahil sa malubhang sakit. Ampon lamang ang ale kaya naman malayo ang loob ng dalawa niyang kapatid sa kaniya. Noong nakaahon ito sa hirap ay saka lamang siya kinausap muli at katulad ng bilin ng kaniyang nanay ay nagkatotoo nga ang sinabi nitong pag-aagawan ang bahay na naipundar niya lalo na kapag nawala na raw ang ale.

“Anong gagawin natin sa bahay? Kailangan nating makausap ng maayos si Theo para naman iwas gulo rito. Ayaw ko nang may eksena at drama pa!” inis na wika ni Aling Anna kay Aling Fe.

“Hayaan mo na ‘yun. Kapag nahakot na natin ang mga gamit at naibenta na rin ‘yung bahay ay wala ng magagawa ‘yun kung ‘di ang umiyak. Ako na bahala sa mga papel na kailangan lakarin sa barangay. Probinsya naman ito kaya mga mahihina ang kokote ng mga tao na nadoon,” sagot naman ni Aling Fe sa kaniya.

Simula noong nakapagtapos ng hayskul ang magkakapatid at pumanaw ang mga magulang nila ay kaagad na nagsiluwas ng Maynila sina Aling Fe at Aling Anna upang doon na manirahan. Naiwan ang kanilang ate na si Aling Mabel sa kanilang probinsya. Nakakapagpaabot ang dalawa ng tulong pinansiyal noong nagpapagawa pa lamang ito ng bahay kaya para sa kanila ay may karapatan sila sa kung anumang mayroon ang kanilang ate.

Mayroon din itong negosyo sa bayan at aminado silang maganda ang pagkakagawa ng bahay na hindi nila inaasahan. Isa pa nga ang bahay nila Theo sa may pinakamagandang bahay sa lugar kaya naman naisip kaagad ng dalawang magkapatid na ibenta ito at paghatian ang pera nang mabalitaang pumanaw na ito. Simula rin noong naging mas matagumpay ang buhay ni Aling Mabel kaysa sa dalawa ay umusbong na rin ang inggit sa magkakapatid.

“Tao po, ako nga po pala si Kapitan Danny, ang kapitan sa lugar na ito. Humingi ho kasi ng tulong si Theo sa akin at sinabi niyang hinahakot niyo na raw ang mga gamit nilang mag-ina. Hindi po ba’t hindi naman yata tama iyan,” wika kaagad ng lalaki.

“Naku, pasensya na ho kayo kung nakarating pa sa inyo ang problema sa pamilya namin. ‘Wag ho kayong mag-alala, ayos naman ang lahat dito sa amin. Lilipat na ho kasi kami ng Maynila, baka hindi pa lang handa ‘yung bata,” sagot naman kaagad ni Aling Anna sa kapitan.

Advertisement

“Pasensya na ho kayo kung nangingialam ako, pero hindi niyo po maaring ibenta ang bahay kasi hindi naman ho sa inyo ito,” diretsong wika ng lalaki.

“Pasensya na rin ho kayo, alam kong kapitan kayo rito pero wala kayong alam sa batas ng lupa, saka isa pa ang alam niyo lang naman ay magblotter at kung ano pa man. Aasikasuhin namin ang lahat ng may kasamang abogado kaya hindi niyo na kailangan pang manghimasok sa buhay namin,” mataas na boses ni Aling Fe sabay tayo sa harapan ng kapitan.

Saglit naman na napayuko si Mang Danny at hindi nagsalita.

“Pasensya na rin ho kayo dahil may abogado na si Theo,” mahinang sabi ng lalaki.

“Naku, sabi-sabi niya lang ‘yan kasi ayaw sumama sa akin! Ako na ho ang bahala sa problema namin, pwede na kayong makaalis,” taboy pang muli ni Aling Fe.

“Abogado ho ako, abogado ni Theo at ng nanay niyang pumanaw na. Hawak ko rin lahat ng legal na dokumentong makakapagpatunay na wala kayong karapatan sa bahay na ito,” bunyag ni Kapitan Danny na siyang nagpalaglag sa panga ng ale.

Dali-daling humingi ng tawad ang dalawang tiyahin ni Theo sa kaniya at sa kapitan. Mabilis din nilang ibinalik ang mga kinuhang gamit at hindi na pinilit pa ang binata na sumama sa kanila. Doon din nila nakita na mas malaking pamilya pa pala ang mayroon si Theo sa probinsiya dahil minamahal siya ng lahat ng taga roon. Naging napakabuti raw kasi ni Aling Mabel sa lahat noong nabubuhay pa ang ale. Ngayon sila nagsisisi kung bakit hindi nila minahal ang kapatid na walang anumang masamang naidulot sa kanila.