Nakakariwasa na sa Buhay ang Dalaga Pati na Rin ang Kaniyang Pamilya nang dahil sa Mayamang Nobyo; Magawa Niya Kayang Iwan Ito Kapag Nabunyag na ang Isang Sikreto?

Nakakariwasa na sa Buhay ang Dalaga Pati na Rin ang Kaniyang Pamilya nang dahil sa Mayamang Nobyo; Magawa Niya Kayang Iwan Ito Kapag Nabunyag na ang Isang Sikreto?

FamilyLoveStories

Limang taon na rin ang nakakalipas simula nang maghiwalay si Grace at ang nobyo niya dati na siyang tatay ng kaniyang anak. Hindi na niya hinabol pa ang lalaki at mas piniling buhayin na lamang nang mag-isa ang bata. Ngunit katulad ng ibang babae ay naging marupok din siya pagdating sa pag-ibig dahil may nobyo siyang bago ngayon at nagsasama na sila sa iisang bubong.

“Akala ko ba ayos ‘yang si Henry kahit na matanda? E, bakit ka umiiyak ngayon?” tanong ni Bea, kaibigan ng babae.

“Anim na buwan palang kaming magkasintahan pero pakiramdam ko kasi ay sumasandal na ang buong pamilya ko sa kaniya. Alam mo naman na nagsasama na kami sa bahay, hindi ba? Siya ang sumasagot sa lahat ng gastusin na siyang nakapagpagaan naman sa buhay pinansiyal ko. Hindi naman sa pera lang ang habol ko sa kaniya pero parang nagiging ganun ang lumalabas ngayon,” malungkot na pahayag ni Grace.

“Hindi mo naman hiningi ‘yun sa kaniya ‘di ba? Pwes, wala kang dapat na ikabahala kasi siya naman ang nag-alok ng tulong. Baka para sa kaniya ay doon niya napapakita ang pagmamahal niya sa’yo,” sagot naman muli ni Bea sa kaniya.

“Pero kailangan na namin maghiwalay,” iyak ni Grace sa kaniya.

“Ang tanga-tanga ko kasi! Naturingan akong may anak na pero hindi man lang ako marunong kumilatis ng tao. Nakita kong may isang pitaka siya at doon ko nalaman na may pamilya na siya, Bea! Pamilyado ang kinakasama ko ngayon. Hindi lang ako basta single mother kung ‘di para na rin akong kabit! Kailangan ko nang makipaghiwalay at ayaw kong makasira ng pamilya,” siwalat ni Grace sa kaibigan.

“Wala kang dapat na iniiyak ngayon, Grace, dahil iyon lang ang tanging dapat mong gawin, ang makipaghiwalay! May pamilya ‘yung tao kaya naman sa madaling sabi, kabit ka talaga,” mabilis na sagot ng kaibigan niya.

“Paano ang mga magulang ko? Paano ‘yung bagong bahay na nilipatan nila na si Henry ang nagbabayad? Hindi ko iyon kayang sagutin. Nakasandal silang lahat sa kaniya dahil sa pera, ayaw ko man aminin pero ngayon lamang namuhay ng matiwasay ang pamilya ko,” iyak pang muli ng babae at hindi na sumagot pa ang kaibigan niya sa kaniya. Hinayaan na lamang niyang umiyak ng umiyak si Grace hanggang sa mapagod ito at umuwi.

Dumiretso ang babae sa bagong apartment na tinitirahan ngayon ng kaniyang nanay at mga kapatid.

“Kailangan niyo nang magbalot ulit ng gamit, aalis na tayo rito. Hindi ko ito kayang bayaran,” saad kaagad ni Grace sa kaniyang pamilya na nasa salas, nanunuod ng telebisyon.

“Hala! Nag-away kayo ni Henry? Huwag kang makipaghiwalay, paano ang anak mo? Paano kami kapag naghiwalay na kayo? Mag-isip ka nga, Grace! Sayang naman ‘yang ganda mo kung puro puso lagi!” baling kaagad ni Ara, panganay na kapatid ng babae.

“May pamilya na ‘yung tao at ayaw kong maging kabit!” siwalat nito sa kanila.

“Sus! Akala ko naman ano na, ayos lang ‘yan! Uso naman ‘yan ngayon, sabi nga sa mga palabas ay kung sino ‘yung kabit ay siya ‘yung mas mahal. Mas mahal ka nun ni Henry kaya nga pati kami ay inaalagaan niya. Ipaglaban mo siya, sister!” aktibong suhestiyon pang muli ni Ara sa kaniya.

“Ma, magligpit ka na,” wika na lang muli ni Grace sabay tuon ng pansin niya sa kaniyang nanay.

“Alam mo, anak, may punto naman ang ate mo. ‘Wag ka na makipaghiwalay, sayang ang ganitong kasarap na buhay,” baling naman ni Aling Gemma, nanay ng babae habang sarap na sarap ito sa facemask na ginagamit.

Mas pinili ni Grace ang pumasok sa kwarto ng kaniyang anak at doon ito umiyak. Hindi niya magawang makapagsalit sa kaniyang pamilya dahil aminado siyang napakalaking ginhawa ang natatamasa nila sa piling ni Henry. 

“Hindi ko naman alam na may pamilya siya noong una, kaya dapat hindi ako maging kabit. Pero kabit pa rin ako kasi may pamilya nga siya,”

“Ma, ‘wag ka nang umiyak. Tara na, alis na tayo rito,” bulong sa kaniya ni Eric, ang anak ni Grace.

“Kanina ka pa bang gising, anak?” sagot naman kaagad ni Grace sa bata sabay punas sa mga luha nito.

“Huwag ka na makinig kina tita at lola, basta alis na tayo dito para hindi ka na umiyak, mama. Ayaw ko umiiyak ka,” malungkot na pahayag nito sabay yakap sa kaniya. Nung mga sandaling iyon ay nasagot kaagad ang mga katanungan ni Grace at iyon ay ang unahin ang kapakanan ng kaniyang anak.

Nabubulag man siguro silang lahat sa ginhawang natatamasa ngayon ngunit hindi ang kaniyang pagiging ina sa anak.

Hindi nagtagal ay naghiwalay sina Henry at Grace, doon rin niya nalaman na hindi lamang siya ang nag-iisang binabahay nito at napakarami pang ibang katulad niya na umasa sa totoong pag-ibig ng lalaki. 

Mabilis din na humingi ng tawad ang kaniyang pamilya at ngayon ay nagtratrabaho nang muli upang mabuhay ang bawat isa. Wala pa rin daw makakatumbas sa katas ng sariling pagod at pawis.

More Stories