Galit na Galit ang Babae sa Ina Noong Nakipagtanan Ito at Iniwan Sila; Lingid sa Kaalaman Niya ang Tunay Nitong Dahilan

Galit na Galit ang Babae sa Ina Noong Nakipagtanan Ito at Iniwan Sila; Lingid sa Kaalaman Niya ang Tunay Nitong Dahilan

InspiringLoveStories

“Papa, nasaan po si mama?” Nagtatakang tanong ni Anna dahil kanina pa niya hindi nakikita ang ina. Nasanay siyang tuwing umaga ay naroroon ito at pinaghahandaan sila ng makakain, ngunit kataka-takang wala ito ngayong araw.

“Umalis na ang iyong mama, anak. Iniwan niya na tayo at sumama na siya sa ibang lalaki,” mangiyak-iyak na wika ng kaniyang papang si Alfred.

“Bakit, ayaw na ba niya sa’tin?” Umiiyak niyang wika.

“Mas gusto niyang makasama ang kaniyang kabit kaysa sa’tin anak,” anito sabay kabig sa kaniya at yakap ng mahigpit.

Iyon ang tumatak sa isipan ni Anna hanggang sa siya’y lumaki. Iniwan sila ng kaniyang ina upang sumama sa ibang lalaki. Ayaw ng ina niya sa kanila ng kaniyang papa. Bente anyos siya nang pum*naw ito.

Ngayong trenta’y uno na siya’y sinubukan niyang hanapin ang kaniyang mama. Nais niya itong makausap at nais niyang malinawan. Gusto niyang marinig ang paliwanag nito bago pa man siya tuluyang bumuo ng sariling pamilya. Nais niyang malaman kung paano nito nagawang pagtaksilan ang kaniyang napakabait na ama na walang ibang ginawa kung ‘di ang mahalin ito.

Pinuntahan niya ang lugar na nakasulat sa kapirasong papel na binigay ng tiyahin niyang kapatid ng ina. Sa wakas magkikita na rin sila nang kaniyang ina. Pagbaba pa lamang niya ng kaniyang kotse ay agad siyang sinalubong ng babaeng nakangiti sa kaniya. May edad na ito subalit hindi niya pa rin makakalimutan ang mukha ng kaniyang ina na si Natalie.

“Anna, anak. Kilala mo pa ba ako?” Nag-aalangang wika ng ina.

Agad naman siyang tumango. “Imposibleng hindi. Ikaw lang naman ang nanay kong nang-iwan sa’min,” may himig inis niyang sambit.

“Alam kong darating ka dito ngayon dahil iyon ang sinabi sa’kin ni Nena. Kaya kanina pa ako nakaabang dito upang masigurong masusundo kita, anak. Hali ka na at doon na tayo sa bahay mag-usap,” wika nito na tila hindi man lang narinig ang sinabi niya.

Kahit naiinis sa ina ay sumunod siya rito patungo sa sinasabi nitong bahay. Hindi man magarbo ang pamumuhay ng ina ay hindi naman niya masasabing naghihirap ito.

“Hindi ako magtatagal m-ma—” hindi niya masambit ng maayos ang huling salita. “May nais lang akong malaman mula sa’yo mismo. Narinig ko na ang side ni papa, kaya nais ko namang marinig ang rason mo. Kung bakit mo kami iniwan at sumama sa iba.”

Malapad itong ngumiti sabay abot sa kaniyang palad. “Alam kong iyan ang sadya mo ‘nak, kaya ka naparito. Huwag kang mag-aalala, ipapaliwanag ko ang lahat sa’yo. Walang labis, walang kulang. Pero bago sana ang lahat nais ko lang sabihin na miss na miss kita ‘nak at nagpapasalamat ako sa Diyos, dahil napalaki ka ni Alfred ng maayos.”

“Shempre. Dahil mahal ako ni papa,” aniya.

“Naging matalik kong kaibigan ang iyong papa. Nanliligaw siya sa’kin noon ngunit mas tinatangi ko si Fernan. Naging kami ni Fernan, ngunit hindi iyon ikinatuwa ng iyong papa. Nagbabalak na kami noon ni Fernan na ikasal, nang gah*sain ako ng iyong papa.”

Isang rebelasyon na hindi niya alam!

“Sa isang beses na iyon ay nabuntis ako Anna, kaya wala akong magawa kung ‘di iwanan si Fernan kahit na masakit sa loob ko dahil mahal na mahal ko si Fernan. Ngunit ayokong magkaroon ka ng wasak na pamilya. Nakisama ako kay Alfred, sinubukan ko siyang mahalin. Alam ng Diyos kung paano ko pinag-aralang mahalin si Alfred, sa kabila ng pagkasuklam ko sa kaniya. Oo, mahal ako ni Alfred, pero hindi magiging sapat iyon upang mabura ang galit ko sa ginawa niya.

Sa t’wing naiisip kong layasan si Alfred, naaalala kita anak. Nasasaktan ako sa t’wing naiisip kong pwede kang lumaki na wala ako sa tabi mo. Hanggang isang araw ay muling pinag-krus ang landas namin ni Fernan. Wala kaming masamang ginagawa ngunit nalaman pa rin iyon ni Alfred, kaya pinalayas niya ako at inilayo ka niya sa’kin.

Dinala ka niya sa ibang bansa kaya hindi na kita nahanap pa. Gumuho ang mundo ko ng mawala ka sa piling ko, Anna. Nawalan ako ng buhay sa loob ng tatlong taon, muli na namang nag-krus ang landas namin ni Fernan at sa pagkakataong iyon ay nasisiguro na naming wala ng hahadlang sa’min. Ngunit araw-araw kong pinanabikang makita ka anak. Araw-araw kong dinarasal sa Diyos Ama na sana mangyari ang nangyayari ngayon at ito nga, nakita kitang muli.”

Matapos nitong magpaliwanag ay agad na nag-unahang umagos ang mga luha sa kaniyang mga mata. Iyon ang kwentong hindi niya alam. Iyon ang kwentong hindi man lang nabanggit ng kaniyang papa. Nakabuti rin pala ang pagnanais niyang marinig ang rason nito.

Agad siyang gumalaw upang yakapin ang ina. “Hindi ko alam na iyan ang naranasan mo, ma. I’m sorry kung nagtanim ako ng galit sa’yo sa napakahabang panahon. Sana noon pa man ay hinanap na kita. Patawarin mo ako ma, lalong-lalo na ang papa.”

“Wala kang kasalanan sa’kin, anak. Ako ang patawarin mo dahil sa loob ng mahabang panahon ay wala ako sa tabi mo upang gabayan ka,” tumatangis na wika ni Natalie.

May kaniya-kaniyang kwento ang bawat bahagi ng isang istorya. Kaya huwag basta-bastang tatalon sa isang palaisipan kung ang isang bahagi lamang ang narinig mo. Ngayon, bago man lang pakasalan ni Anna ang kaniyang fiancé na si James ay nalaman niya ang katotohanan ukol sa kaniyang Mama Natalie.

More Stories