Inday TrendingInday Trending
Palihim na Pinapakain ng Anak ng May-Ari ng Karinderya ang Matandang Palaboy; Paglipas ng Panahon ay Gaganti Ito

Palihim na Pinapakain ng Anak ng May-Ari ng Karinderya ang Matandang Palaboy; Paglipas ng Panahon ay Gaganti Ito

Papalapit pa lang ang palaboy na matandang si Mang Gibo ay nakasimangot na ang may-ari ng karinderya na si Carmen. Ayaw na ayaw kasi niyang nakikita ang matandang palaboy sa kaniyang kainan dahil nga marungis ito at laging may dalang sako ng basura. Dahil dito ay maraming parokyano ng karinderya ang nandidiri.

Papasok pa lang ng karinderya ang marungis na matanda ay agad itong itinaboy ng ginang.

“Umalis ka rito, tanda, at hindi ka p’wedeng kumain dito! Alis ka riyan! Nasusuka ang mga parokyano ko sa’yo!” bulyaw ng ginang.

“Magbabayad naman ako. Gutom na gutom na kasi ako at dito lang ako nakakabili ng murang pagkain. Kahit kanin at sabaw lang. Bibilisan ko na lang kumain,” pakiusap pa ng matanda.

Kahit anong pakiusap ni Mang Gibo ay ayaw siyang pahintulutan ni Aling Carmen.

Ilang sandali pa ay nag-abot ng isang tasang kanin na may nakaibabaw na ulam ang anak na binata ni Aling Carmen na si Carlo sa matandang palaboy.

“Bakit mo siya binigyan ng ulam? Wala namang ibabayad ang matandang iyan! Saka binigyan mo pa ng mangkok. Ayaw nga ng mga kumakain dito sa karinderya ang amoy ng matandang iyan. Baka mamaya ay mawalan tayo ng kustomer,” galit na sambit pa ni Aling Carmen.

Tumalikod ang binata at pagbalik ay may dala na itong upuan para sa matanda. Inilagay niya ito sa labas ng karinderya.

“Dito na po kayo kumain para wala na pong masabi pa ang ilang mamimili. Maglalabas din po ako ng maiinom ninyo. Sandali lang po, tatang,” wika pa ng binata.

Dahil sa ginawang ito ng anak ay labis na nag-init ang ulo ni Aling Carmen.

“Talagang sinusuway mo ako, Carlo. Kapag wala nang kumain sa karinderya natin dahil sa ginawa mo ay patitigilin kita ng pag-aaral!” sigaw pa ng ina.

Ngunit hindi ito nakapigil kay Carlo para pagsilbihan ang matandang palaboy.

Madalas kasing matanaw ni Carlo ang matanda na nagbubungkal ng basura. Kapag lalapit ito sa mga kabahayan at ibang tindahan ay lagi itong tinataboy. Kaya hindi niya maiwasan na sundan ito.

Nakita niyang nakatira lamang ito sa lansangan. Gawa lang sa pinatagpi-tagping lona at lumang kahoy ang tinutuluyan nito. Naaawa si Carlo sa kalagayan nito dahil matanda na ngunit kailangan pa ring magbanat ng buto para mabuhay.

“Tatang, araw-araw po ay magtungo kayo rito at ako ang bahala sa inyo,” saad pa ng binata.

“Maraming salamat sa iyo, hijo, pero ayaw kong mapagalitan ka ng nanay mo. Saka isa pa ay may sapat naman akong pambayad kahit paano,” saad pa ng matanda.

“Ayos lang po ako. Sanay na po ako sa bunganga niyang si nanay. Kung ayaw n’yo po na makita ng nanay ko ay hintayin n’yo na lang po ako sa may kanto ng ganitong oras. Dadalhan ko po kayo ng pagkain, nang sa gayon ay hindi n’yo na inaalala ang ilalaman sa inyong tiyan sa araw-araw,” wika pa ng binata.

Hindi naman na nakatanggi rin si Mang Gibo. Malaking tulong nga ito para sa isang matandang tulad niya.

Araw-araw ay nakikipagkita si Carlo kay Mang Gibo upang abutan ito ng pagkain. Minsan ay binibigyan niya rin ito ng pinaglumaang damit at iba pang pangangailangan. Kahit na galit na galit ang ina sa ginagawang pagtulong ni Carlo ay hindi nagdalawang-isip ang binata.

Hanggang sa isang araw ay hindi na nagpakita na lang basta si Mang Gibo. Labis ang pag-aalala ni Carlo sa matanda. Papunta sana ang binata sa bangketa kung saan nakita niyang nakatira si Mang Gibo ngunit napigilan siya ng malakas na hiyawan sa karinderya.

Dali-dali siyang tumakbo pabalik ng karinderya at doon ay nakita niya ang inang si Carmen na nakahandusay sa sahig.

Humingi si Carlo ng tulong upang madala ang ina sa ospital. Nang masuri ng mga doktor ang ginang ay nalaman nilang may tumutubo raw itong tumor sa utak – sanhi upang maparalisa ang ginang.

Hindi alam ni Carlo ang kaniyang gagawin upang sagipin ang buhay ng ina. Dahil sa mahal ng mga gamot at malaki ang gastos sa pananatili sa ospital ni Carmen ay naubos na ang ipon ng mag-ina. Hindi naman makapagtinda si Carlo dahil ang ina niya ang nagluluto sa kanilang karinderya.

Maging ang pwesto nga nilang kainan ay nagawa na ring ibenta ng binata upang may maipantustos sa pangangailangan ng inang may sakit.

Subalit lalo pang nabagabag si Carlo nang sabihin sa kaniya ng mga doktor na kailangang maoperahan agad ang kaniyang ina kung hindi ay maaari na itong mawala.

Nang mga panahon na iyon ay hindi na alam ni Carlo ang kaniyang gagawin. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng malaking halaga upang maipagamot ang kaniyang ina.

Nagpunta si Carlo sa maliit na simbahan ng ospital at doon niya inilabas ang kaniyang mga daing.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko dahil mawawala lang ang nanay ko nang dahil sa wala kaming pera. Panginoon, tulungan Mo po kami!” mariing sambit ni Carlo.

Maya-maya ay narinig ni Carlo na ipinapatawag siya ng mga doktor. Agad siyang bumalik sa ospital para kausapin ang mga ito.

“Sisimulan na namin ang operasyon sa iyong ina. Wala na tayong sasayangin pang oras dahil baka kung ano pang hindi maganda ang mangyari,” saad ng doktor kay Carlo.

“Ngunit wala po akong pambayad sa operasyon, dok. Hindi ko po alam kung saan ako kukuha ng pera,” umiiyak na wika ng binata.

Isang matandang lalaki ang lumapit sa kaniya.

“Huwag ka nang mag-alala sa lahat ng gastos, hijo, ako na ang bahala,” saad pa ng matanda.

“N-ngunit wala po akong ibabayad sa inyo, ginoo. Nawala na po ang lahat sa amin simula nang magkasakit ang aking ina,” dagdag pa ni Carlos.

“Hindi mo na ako kailangan pang bayaran. Bayad na ito ng mga pagkaing ibinigay mo sa akin,” saad pa ng matanda.

Labis na nagtaka si Carlos.

“P-pagkain? Mang Gibo, kayo po ba iyan?” gulat na wika pa ni Carlo.

“Ako nga, hijo. Ako nga ito. Ang matandang pulubi na lagi mong tinutulungan,” saad pa ni Mang Gibo.

“Ngunit paano pong nangyari iyon? Hindi po ba’t sa lansangan lamang kayo nakatira? Paano kayo nagkaroon ng malaking pera?” pagtataka pa ng binata.

“Matagal na akong nawalay sa aking pamilya. Hindi kasi ako naging mabuting ama sa kanila. Pero hinanap nila ako at binigyang muli ng isa pang pagkakataon. Kaya ngayong maayos na ang aking buhay ay ikaw naman ang gusto kong tulungan. Nais kong ibalik sa iyo ang kabutihan na ginawa mo sa akin noong ako’y walang wala. Hindi ka nagdalawang-isip na tulungan ang isang matandang tulad ko. Napakabuti ng iyong kalooban,” saad pa ng matanda.

“Kaya po pala hindi na kayo biglang nagpakita sa akin. Masaya po ako sa lahat ng magandang nangyari sa buhay ninyo. Masaya po ako para sa inyo dahil kasama n’yo na ang inyong pamilya sa wakas. Samantalang ako ay nangangamba. Si nanay na lang po ang tangi kong pamilya at nasa malubha pa siyang kalagayan. Ang nais ko lamang po ay dumilat na siya nang sa gayon ay tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kaniyang lagay,” pahayag pa ng binata.

“Huwag ka nang mag-alala dahil gagawin ng mga doktor ang lahat upang iligtas ang nanay mo. Huwag kang mawalan ng pag-asa, Carlo, hawak ng Panginoon ang kamay ng nanay mo,” saad pa ng matanda.

Sinamahan ni Mang Gibo si Carlo habang hinihintay na matapos ang operasyon sa kaniyang ina. Makalipas ang walong oras ay masayang ibinalita ng mga doktor na naging matagumpay ang operasyon.

“Natanggal na namin ang tumor sa utak ng iyong nanay, Carlo. Tinatanggap ng kaniyang katawan ang mga gamot kaya malaki ang tyansa na bumuti ang kaniyang kalagayan. Mabuti na lang ay naoperahan siya kaagad,” saad ng doktor.

Walang mapaglagyan ang kaligayahan na nararamdaman ni Carlo ng mga sandaling iyon. Buong akala niya kasi ay tuluyan na siyang iiwan ng kaniyang ina.

Ilang linggo ang lumipas at unti-unti nang bumuti ang lagay ni Aling Carmen. Nang tanungin niya si Carlo kung paano siya nito naipagamot ay hindi siya makapaniwala sa sagot ng binata.

“Ang matandang palaboy na laging pumupunta sa karinderya ang nagbayad ng lahat ng ito? Hindi ko akalain na malaki pala ang maitutulong niya sa ating buhay. Nagsisisi ako ngayon dahil sa mga nagawa ko sa kaniya. Mabuti na lang at naging mabait ka sa kaniya, anak. Pinagpala ka talaga ng Panginoon,” saad ni Aling Carmen.

Humingi ng patawad si Aling Carmen kay Mang Gibo. Agad naman siya nitong pinatawad dahil naging mabuti naman ang pagtrato sa kaniya ng anak nitong si Carlo.

Labis ang pasasalamat ng mag-ina sa matandang si Mang Gibo. Hindi akalain ni Carlo na ang simpleng pagtulong pala niya sa matanda ang magiging susi sa pagdugtong sa buhay ng maysakit na ina.

Advertisement