
Pinili ng Dalaga ang Kaklaseng Anak Mahirap kaysa sa Mayamang Manliligaw: Ganito Pala ang Buhay na Naghihintay sa Kaniya
“Alyssa, tingnan mo at panay ang titig sa’yo ni Ronnie. Hindi ba’t noong isang araw lang ay nagsabi na siya sa iyo na manliligaw siya? Maraming babae ang pangarap na maging nobyo ‘yang si Ronnie. Nakakainggit ka! Napakaswerte mo at ikaw ang naibigan niya!” kinikilig na sambit ni Julie.
Ngunit napansin ni Julie na tila walang interes sa kaniyang mga sinasabi ang kaibigan. Sa halip ay nahuli niya itong nakatitig sa kaklase nilang si Manuel.
“Alyssa, huwag mong sabihin sa akin na mas gusto mo pa rin ‘yang si Manuel kaysa kay Ronnie. Nakita mo naman na maraming kaklase natin ang pinagtatawanan ka dahil nakikita kang sumasama sa kaniya!” sambit pa ng kaibigan.
“Sa totoo lang ay wala naman akong pakialam riyan kay Ronnie. Napakahambog ng lalaking iyan. Ang akala ata niya ay makukuha niya ako dahil mapera siya. Gusto ko si Manuel. Sa katunayan ay iniiisip ko na ngang sagutin siya,” sagot naman ni Alyssa.
“Nahihibang ka ba, Alyssa? Lalo kang pagtatawanan ng mga kaklase natin. Wala kang magandang kinabukasan riyan kay Manuel. Hindi mo ba narinig ang usapan noong isang araw? Nagmamakaawa raw iyang si Manuel sa dean para pag-eksamin siya. Wala na naman siyang pambayad. Magsasaka lang sa probinsya ang tatay niya. Bakit hindi na lang si Ronnie ang sagutin mo? Mayaman ang pamilya niya!” dagdag pa ni Julie.
“Wala naman sa yaman, ‘yan, Julie. Mabuting tao si Manuel at ginagalang niya ako. Sa lahat ng lalaki ay siya lang ang nakitaan ko ng mabuting hangarin sa akin. Kaya kahit pagtawanan pa ako ng madla ay tutuloy ko ang plano kong sagutin siya dahil nahuhulog na rin ang loob ko sa kaniya,” saad pa ni Alyssa.
Nang sagutin ni Alyssa ang binatang si Manuel ay mabilis na umugong ang balita.
Habang magkasama ang magkasintahan ay biglang dumating si Ronnie.
“Sinayang mo lang ang ganda mo sa hampaslupa na ‘yan, Alyssa! Hindi sa katulad ni Manuel nababagay ang ganda mo kung hindi para sa akin! Kaya kong ibigay ang lahat sa iyo. Ikaw, Manuel, ano ang kaya mong ibigay kay Alyssa? Magiging pabigat ka lang sa kaniya!” bulyaw ni Ronnie.
Sa totoo lang ay nasaktan ang damdamin ni Manuel sa sinabing ito ni Ronnie. Totoo naman na sa ngayon ay wala siyang maibibigay na magandang buhay para sa dalaga. Ngunit hindi niya hahayaan na bastusin ni Ronnie si Alyssa.
“Hindi mo ba matanggap na ako ang pinili ni Alyssa at hindi ikaw? Paano ka pipiliin, Ronnie, kung hindi mo mabigay sa kaniya ang respeto na dapat sa kaniya?” sambit naman ni Manuel.
“Respeto? Sa tingin mo, Manuel, sa antas ng pamumuhay mo ngayon ay may rerespeto sa iyo? Magsasaka ang tatay mo pero ni pambili ng bigas ay wala kayo. Tingnan natin kapag mag-asawa na kayo kung may maibuhay ka kay Alyssa. Tingnan natin kung mapakain ng respeto na ‘yan ang pamilya mo! Kapag nagsawa na siya sa buhay na mahirap ay iiwan ka rin niya!” tatawa-tawang sambit ni Ronnie sa karibal.
Nang makaaalis si Ronnie ay hindi naiwasan ni Manuel na magtanong kay Alyssa.
“Alyssa, totoo ang sinabi ni Ronnie. Mahirap lang kami. Hindi ko kayang ibigay sa’yo ang magandang buhay na kaya niyang ibigay. Ni hindi nga ako makabayad ng matrikula, e. Bakit ako pa ang pinili mo?” tanong ni Manuel sa kasintahan.
“Dahil nakita ko sa’yo ang lahat ng hinahanap ko sa isang lalaki, Manuel. Kahit na ganyan ang estado ng buhay mo ay walang makakapigil sa’kin na mahalin kita. Kaya naman nating pagsumikapan ang lahat. Pasasaan din at magtatagumpay tayo sa buhay. Naniniwala ako sa kakayahan mo,” sagot naman ni Alyssa.
Dahil sa pagtitiwala at pagmamahal na ibinigay ni Alyssa ay labis na nagsikap itong si Manuel. Hindi siya huminto hanggang sa natupad ang kanilang mga pangarap.
Makalipas ang maraming taon ay hindi inaakala ni Ronnie na muling magkukrus ang landas nila ni Alyssa. Nagtatanim ito sa isang bukirin na tumatanggap ng mga turista. Narito si Ronnie dahil siya ang naatasan ng kanilang kompanya upang kausapin ang pamunuan nito para sa isang malaking transaksyon. Kailangang magtagumpay si Ronnie na makuha ang deal na ito para sa kaniyang promosyon.
Dahil sa ginagawa ni Alyssa ay hindi maiwasan ni Ronnie na lapitan ang dating niligawan. Nais niyang ipamukha rito ang pagtangging ginawa sa kaniya noong araw.
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na walang magandang bukas ang naghihintay sa’yo kay Manuel? Tingnan mo at nauwi ka rin sa pagsasaka. Hindi ba’t mahirap kapag puro puso lang ang papairalin mo? Kung pinili mo lang ako noon, ‘di sana’y turista ka rin dito kagaya ko!” saad ni Ronnie sa dating kaklase.
Napailing na lang si Alyssa sa mga sinabi ni Ronnie.
“Talagang hindi ka pa rin nagbabago, ano? Hambog ka pa rin! Lalo mo lang pinatunayan sa akin na tama na pinili ko si Manuel at hindi ikaw!” sagot naman ni Alyssa.
“Kahit na mahirap ang buhay mo ay mas gusto mo pa rin siya? Anong klaseng gayuma ba ang pinainom niya sa iyo? Sabagay, nababagay ka rin naman sa kaniya dahil pareho kayong mababang uri!” wika pa ni Ronnie.
Maya-maya ay nariyan na si Manuel at ipinagtanggol ang kaniyang kabiyak.
“Sabihan mo pa ulit ng ganiyan ang asawa ko at hindi ka na makakatungtong pa sa lupain na ito. Humingi ka ng paumanhin kung hindi ay mapapahiya ka sa lahat ng mga kasama mo!” banta naman ni Manuel.
“At sino ka para pagsabihan ako ng ganiyan?! Hindi mo ba alam na kung hindi dahil sa mga kagaya ko ay hindi kayo mapapasahod dito? Dapat nga ay magpasalamat pa kayo sa akin!” wika pa ni Ronnie.
“Ubod ka talaga ng yabang. Isang araw ay babalik din sa iyo ang kayabangan mong iyan. Sa pagkakataong iyon ay ako ang unang tatawa!” sambit pa ni Manuel.
“Tara na, mahal, at matindi na ang sikat ng araw. Saka mo na balikan ang tanim na iyan!” dagdag pa ng ginoo.
Ang akala ni Ronnie ay nakalamang na naman siya sa mag-asawa.
Ilang sandali pa ay nagtungo na rin siya sa tanggapan ng may-ari. Ngunit pagbukas ng pinto ay nagulat siya sa bumungad sa kaniya. Hindi niya akalain na makikita niya sa kaniyang harapan ang mag-asawa.
“Bakit parang nagulat ka, Ronnie? Hindi mo inaasahan na kaming mag-asawa ang may-ari ng malaking lupain na ito?” tanong ni Manuel.
“P-paanong nangyari ang ganitong bagay? H-hindi ba’t magsasaka lang kayo rito? Nakita ko pa nga si Alyssa na nagtatanim kanina! Paano n’yo naabot ang ganitong yaman?” gulantang ni Ronnie.
“Dahil sa pagtitiwala nitong si Alyssa sa akin ay lalo akong nagsumikap sa buhay. Hindi ako tumigil na magsikap hanggang maibigay ko sa kaniya ang buhay na nararapat sa kaniya. Hindi ko hinayaan na manatili sa baba, Ronnie. Dahil sa pagmamahal ko kay Alyssa ay pinilit kong makaangat sa buhay. Hindi lang ito ang mga pag-aari namin. Marami pa kaming mga negosyo at isa lang ang hasyendang ito. Kaya sabihin mo sa boss mo na nagpapunta sa iyo rito na kahit kailan ay hindi makikipagtransaksyon ang kompanya namin hanggang nariyan ka sa kanila. Dahil hindi kami makikipagnegosasyon sa mga mapagmataas at walang respeto sa katawan,” saad pa ni Manuel.
Bigla na lang bumaligtad ang mundo. Ang kaninang hambog na si Ronnie ay tila isang maamong tupa na.
“H-hindi mo maaaring gawin ‘yan! Baka mawalan ako ng trabaho, Manuel! Parang awa n’yo na! Gagawin ko ang lahat magbago lang ang desisyon n’yo!” pagmamakaawa ni Ronnie.
Ngunit pinal na ang desisyon ng mag-asawa. Pinalayas nila si Ronnie sa kanilang lupain at hindi na ito nakabalik pa kahit kailan.
Nang malaman naman ng mga boss ni Ronnie ang tunay na nangyari ay tinanggal nila ito sa trabaho. Dahil kasi sa kawalan nito ng respeto ay malaki ang nawalang transaksyon sa kompanya.
Bandang huli ay na kina Alyssa at Manuel ang huling halakhak. Pinatunayan ng mag-asawa na tunay na malayo ang mararating ng pagtitiwala at pagmamahal nila sa isa’t isa.