Iniligaw ng Binatilyo ang Nakababatang Kapatid; Walang Nag-akala sa Buhay na Sinapit Nito

Iniligaw ng Binatilyo ang Nakababatang Kapatid; Walang Nag-akala sa Buhay na Sinapit Nito

FamilyHeartbreakingStories

“Kuya, gutom na gutom na ako. Gusto ko nang kumain. Hindi pa ba tayo kakain?” reklamo ng batang si Utoy sa nakakatandang kapatid na si Buboy habang nakatayo sila sa gilid ng poste sa isang bangketa.

“Huwag kang maingay at gumagawa nga ako ng paraan para makakain tayo! Kung patuloy ka sa pagsasalita riyan ay baka mabulilyaso pa ang mga plano ko! Bakit hindi ka na lang pumunta sa gawing iyon at doon mo ako hintayin?” naiinis na sambit naman ng binatilyo. 

“Ano pa ang tinatanga-tanga mo riyan, Utoy, tantanan mo na ako at hintayin mo na lang ako sa banda roon. Kapag sinabi kong takbo ay tumakbo ka na!” dagdag pa ni Buboy. 

Sinunod na lang ni Utoy ang nakakatandang kapatid. Tumayo na lang siya malayo rito at saka naghintay. Kahit na kumakalam ang sikmura ay tiniis pa rin niya. 

Maya-maya ay nariyan na ang kaniyang kuya at kumakaripas ng takbo. May bigla siyang ibinatong pitaka kay Utoy. 

“Takbo, Utoy, takbo! Kitain mo ako sa may riles ng tren!” sambit pa ng kuya. 

Hindi alam ni Utoy ang kaniyang gagawin. Sa takot ay hindi na ito nakakilos pa. Ilang sandali pa ay may isang lalaki na tumatakbo at tila may hinahanap. Pagbukas ni Utoy ng pitaka ay nakita nito ang larawan ng naturang lalaki. 

“K-kuya, sa inyo po ba ang pitakang ito?” tanong ni Utoy sabay abot ng pitaka. 

Tuwang-tuwa naman ang lalaki dahil sa kabutihan ni Utoy. 

“Naku, maraming salamat, bata! Akala ko talaga ay nadukutan ako! Ito ang isang daang piso. Maraming salamat sa katapatan mo,” saad naman ng lalaki. 

Tuwang-tuwa si Utoy dahil ngayon lang siya nakahawak ng ganoong kalaking pera. Masayang-masaya siyang pumunta sa may riles ng tren upang makipagkita sa kaniyang kapatid. Pagkita pa lang kay Utoy ni Buboy ay tinanong na niya nito agad tungkol sa pitaka.“Bakit ngayon ka lang? Kanina pa ako naghihintay dito! Nahuli ka ba nila? Akin na ang pitaka!” patuloy na sambit ni Buboy. 

“Pitaka? Isinauli ko na sa may-ari, kuya. Tingnan mo at binigyan pa niya ako ng isang daang piso! Makakakain na tayo!” masayang tugon pa ni Utoy. 

“Ang bobo mo talaga kahit kailan! Halos ipusta ko ang buhay ko para lang makuha ang pitaka na iyon tapos ay isinauli mo lang! Bakit hindi mo ginamit ang utak mo, Utoy! Mas marami pa sana sa perang iyan ang nakuha natin! Ang kapal ng pitaka ng lalaking iyon!” bulyaw pa ng nakakatandang kapatid. 

“E, ‘di ba, sabi nila nanay at tatay, masama ang kumuha ng bagay na hindi sa iyo. Bakit kasi kailangan nating magnakaw, kuya? P’wede naman tayong mangalakal. P’wede rin naman tayong mamalimos. Humanap na lang tayo ng trabaho kaya? Basta kahit ano, huwag lang tayong magnakaw!” sagot naman ni Utoy. 

“Wala na ang mga magulang natin, Utoy! Iniwan na nila tayo sa malupit na mundong ito. Kaya kung gusto mong lumaban ng patas at mawalan ng buhay ay bahala ka. Pero gagawin ko ang lahat para hindi na kumalam pa ang sikmura ko! Sa susunod na hindi ka sumunod sa ipag-uutos ko ay iiwan na rin kita!” sambit pa ni Buboy. 

Pumatak ang mga luha ni Utoy habang hinahabol ang galit na kapatid. Muli kasi niyang naalala ang kaniyang mga yumaong magulang. Simula kasi ng maging ulila ang magkapatid ay wala na silang mapuntahan kung hindi ang lansangan. Natuto silang mamuhay sa kanilang sarili sa mura nilang edad. 

Upang hindi na magnakaw pa si Buboy ay naisipan ni Utoy na pumunta sa palengke upang maghanap ng trabaho. Madalas din siyang nagpupulot ng mga bote at karton sa basurahan upang ibenta sa junk shop. Makatutulong din ito upang pambili ng kanilang makakaing magkapatid. 

Habang ito namang si Buboy ay napasama sa masasamang grupo. Madalas ay nagnanakaw sila upang magkaroon ng pera. 

Isang araw ay nabuko ni Utoy ang masamang gawain ng kaniyang kapatid.

“Layuan mo na ang mga kalalakihang iyon, kuya. Baka mamaya ay madamay ka pa sa kanila. Lumaban na lang tayo ng patas,” wika ni Utoy sa nakatatandang kapatid. 

“Magugutom at yayao ka kapag lumaban ka ng patas. Sino ang seseryoso sa atin, Utoy? Ni wala ngang nagmamalasakit sa atin, e! Hayaan mo akong gawin ang gusto ko! Magkanya-kanya na lang tayo. Tutal naiinis na rin naman akong kasama ka! Masyado kang pabigat sa akin!” saad naman ni Buboy. 

“Ang sabi ng mga magulang natin ay hindi tayo maghihiwalay kahit kailan. Kailangang tulungan natin ang isa’t isa. Layuan mo na sila at gagawa tayo ng paraan para mabuhay tayo, kuya!” muling sambit pa ng bunso. 

Ngunit hindi nakinig sa kaniya si Buboy, bagkus ay nagpabuyo pa ito sa kaniyang mga kaibigan. 

“Mamalasin ka lalo kapag bitbit mo lagi ang kapatid mo. Bakit mo kasi aakuin ang responsibilidad sa kaniya? Responsibilidad siya ng mga magulang mo at hindi sa’yo! Dapat ay magkanya-kanya na talaga kayo ng bunso mong kapatid. Dahil sa kaniya ay mapipigilan kang umasenso. Marami pang bagay na p’wedeng pagkakitaan ng pera. Magagawa mo lang ‘yun kung mas makakakilos ka nang malaya,” saad ng isang kaibigan. 

Dahil dito ay nagkaroon ng ideya si Buboy na iligaw ang kaniyang kapatid. Hindi siya naawa kahit musmos pa ito at walang kalaban-laban sa mundo. 

Pinaniwala niya si Utoy na pupuntahan nila ang libingan ng kanilang mga magulang, ngunit dinala niya ito sa isang lugar na malayo at matao – saka niya ito iniwan.

Nang mapagtanto ni Utoy na niligaw siya ng kaniyang kuya ay labis ang kaniyang sama ng loob. Iyak siya nang iyak. Nang makita niya ang isang simbahan ay doon muna siya namalagi. Hanggang sa isang social worker ang nakapansin sa kaniya. 

“Totoy, nais mo ba ng tulong? Hindi dapat nasa lansangan ang isang batang tulad mo. Nasaan ang mga magulang mo? Ang mga kamag-anak mo?” tanong ng ginang. 

“W-wala na po akong mga magulang. Yumao na po sila. Ang tanging kamag-anak ko na lang po ay ang kuya ko. Pero niligaw po niya ako. Hindi ko na siya makita pa! Isa pa, nalulong na siya sa mga masasamang gawain dahil sa mga masasama niyang barkada! Ayaw ko na sa kaniya!” umiiyak na wika ni Utoy. 

Dahil sa sinabing ito ni Utoy ay sinama siya ng ginang sa isang bahay-ampunan. Doon ay nagkaroon siya ng pansamantalang tahanan. Naging maganda naman ang trato sa kaniya ng mga naroon. Isa pa, parang nagkaroon siya ng mga kapatid at kalaro. Hindi man malaya, muli ay naranasan niyang maging isang bata.

Dalawang taon din ang nakalipas at patuloy na nanatili si Utoy sa bahay-ampunan hanggang sa isang mag-asawa ang umampon sa kaniya. Dinala siya nito sa ibang bansa upang doon na manirahan at makapag-aral. 

Lumipas ang mga panahon at nakapagtapos na si Utoy ng pag-aaral at nagkaroon na ng magandang trabaho sa ibang bansa. Ngunit hindi pa rin maalis sa kaniyang isipan kung ano na ang nangyari sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Buboy. 

Dahil may sarili nang pera ay pinili ni Utoy na bumalik pansamantala sa Pilipinas upang hanapin ang kapatid. Ngunit sa kasamaang palad nang matagpuan niya ito ay wala nang pag-asa na sila ay magkaharap pa. 

Maagang yumao si Buboy dahil sa away. Labis ang saklap ng buhay na dinanas nito. Nalulong ito sa masamang b!syo sa murang edad. Napasama sa mga sindikato hanggang sa binawian ng buhay dahil sa isang engkwentro. 

Labis ang pagdadalamhati ni Utoy. Nasasabik pa naman siyang muling makaharap ang nakatatandang kapatid upang tulungan niya ito.

Sa puntod ni Buboy ay hindi naiwasan ni Utoy ang umiyak. 

“Dati ay masama ang loob ko sa iyo dahil mas pinili mong sumama sa mga barkada mo kaysa sa akin. Galit na galit ako sa iyo dahil iniwan mo na lang ako basta-basta sa lansangan. Pero napagtanto ko na dahil sa ginawa mo ay nakahanap ako ng pamilyang magmamahal at aaruga sa akin. Nagbago ang buhay ko simula ng araw na iyon. Sana man lang ay naiparanas ko rin sa iyo ang magandang buhay, kuya. Sana noon ay napagtanto mong walang magandang idudulot sa iyo ang magagandang gawain. Sana ay lumaban ka na lang ng patas. Para sa muling pagkikita natin ay muli tayong magsama at magkausap. Hanggang sa muli, kuya. Sana’y magkakasama na kayo nila tatay at nanay sa langit,” lumuluhang sambit ni Utoy sa puntod ng kapatid.

Bumalik si Utoy sa ibang bansa nang mabigat ang kalooban. Masakit man para sa kaniya na malaman ang masaklap na kinahantungan ng kaniyang Kuya Buboy ay kailangan niyang harapin at ipagpatuloy ang kaniyang buhay sa piling ng kaniyang bagong pamilya dala ang magagandang alaala noong masaya pa silang magkasama ng kaniyang Kuya Buboy.

More Stories