Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Dalaga ang Pagiging Klerk upang Maging Kasambahay ng Matandang Mataray; Sa Huli’y Ikagugulat Niya ang Gagawin Nito

Ipinagpalit ng Dalaga ang Pagiging Klerk upang Maging Kasambahay ng Matandang Mataray; Sa Huli’y Ikagugulat Niya ang Gagawin Nito

“Ate Lena, anong gagawin natin? Malapit na raw ma-elit itong bahay. Tapos may nakatakda pang gamutan si tatay sa susunod na buwan. Pwera pa ang mga gamot saka ‘yung mga iba pang gagawin sa aking laboratory tests. Magbabayad pa ng matrikula si Marco sa susunod na linggo. Kahit pagsama-samahin pa natin ay kulang na kulang talaga ang mga kinikita natin, nag-aalalang sambit ng pangalawa sa magkakapatid na si Angie.

“Ate, kung huminto na lang muna kaya ako ng pag-aaral? Sa susunod na lang ako mag-aaral kapag nakaipon na ako. Maghahanap na lang ako ng regular na trabaho para mas makatulong sa inyo,” saad naman ni Marco.

“Walang hihinto ng pag-aaral. Tingnan mo nga kami ng Ate Angie mo, nakatapos kami ng pag-aaral pero kapos pa rin ang mga sahod. Ano pa kaya ‘yung wala kang natapos? Igagapang natin ang pag-aaral mo kahit anong mangyari. Dadagdagan ko pa ang mga itinitinda ko nang sa gayon ay mabayaran natin ang mga dapat bayaran. Huwag kayong panghinaan ng loob dahil gagawa ako ng paraan,” saad pa ni Lena.

Subalit hindi na rin kasi alam ni Lena kung paano ang gagawin. Bukod kasi sa pagiging clerk niya sa isang pribadong ospital ay suma-side line rin siya sa pagtitinda ng kung anu-ano. Magmula sa mga miryenda hanggang sa mga sabon na pampaputi. Lahat ng pagkakakitaan ay kaniyang papasukin magkaroon lang ng dagdag kita.

Kinabukasan sa ospital ay halos hindi makapagtrabaho itong si Lena kakaisip ng solusyon sa kaniyang problema.

“Ituloy ko na lang kaya ang pag-alis ko patungong ibang bansa? Kaso nangangamba ako na malayo sa mga kapatid ko at sa tatay ko. Lalo na sa kalagayan ngayon ng tatay ko,” saad ni Lena sa kaibigang si Bridget.

“Paano na nga pala ang bahay n’yo. Hindi ba ang sabi mo sa akin ay ilang buwan na kayong hindi nakakahulog sa bangko? Baka mamaya ay kunin na ito sa inyo ng bangko. Saan naman kayo titira? Sa dami mong problema, Lena, parang milagro na lang talaga ang makakasalba sa inyo,” saad naman ng kaibigan.

“Sa totoo lang ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi nga alam ng mga kapatid ko na naisanla ko na rin ang alahas na pamana sa akin ni nanay noon. Baka pati iyon ay maremata rin. Minsan talaga ay gusto ko na lang iumpog ang ulo ko sa dami ng problema,” saad pa ni Lena.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa. Naniniwala naman tayo sa himala, ‘di ba? Baka isang araw ay tumama ka na lang sa lotto. E, ‘di tapos ang problema mo!” wika pa ni Bridget.

Habang nagkukwentuhan ang magkaibigan ay hindi nila napansin ang isang matanda na kanina pa naroon sa kanilang harapan.

“Baka naman p’wede na akong makaabala sa k’wentuhan ninyo? Aba’y kanina pa ako rito. Gusto ko lang naman ipa-apruba itong health card ko nang sa gayon ay masuri na ako. Ibang klase ang mga tauhan sa ospital na ito. Binabayaran ba kayo para magdaldalan? Kung isumbong ko kaya kayo sa pamunuan?” galit na sambit ng matandang babae.

“Naku, pasensya na po, madam. Hindi na po mauulit. Pasensya na po talaga. Ito na po at aasikasuhin ko na po ang health card ninyo. Muli po ay paumanhin mo,” patuloy sa paghingi ng tawad itong si Lena. Natatakot kasi siya na baka mamaya ay isumbong nga siya sa pamunuan at tanggalin pa siya sa trabaho.

Pagkatapos na maaprubahan ang health card ng matanda ay padabog niyang kinuha ang papeles at saka tumingin nang masama sa dalaga.

“Naku, sa’yo pala natapat ‘yang si Madam Rita. Talagang masungit ‘yan. Iyan ‘yung matandang babae na nagpatanggal sa dati nating kasamahan na si Georgia dahil sabi niya ay pinagtaasan daw siya ng boses. E, siya naman itong mahina ang pandinig. Terorista kung ituring rin ‘yan ng mga nars. Sakit daw sa ulo nila. Palibhasa ay matandang dalaga kaya laging mainit ang ulo. Ang balita ko nga ay naghahanap daw ‘yan ng assistant niya. Siyempre, walang may gusto kahit gaano pa kalaki ang sahod. Ang sama kasi ng ugali,” pahayag naman ni Bridget.

Nakikinig lamang itong si Lena habang tinatanaw ang matanda na nakikipagtalo na naman sa nars.

“M-magkano daw ang sahod, Bridget?” pagtataka naman ng dalaga.

“Singkwenta mil daw! Ang laki, hindi ba? Pero aanhin mo naman ‘yun kung ganiyang kasama ang ugali ng makakasama mo. Baka mamaya ay kulang pa ang perang iyon para sa trauma na dadalhin niya sa iyo,” patuloy na pagsasalita ni Bridget.

Tila nag-iba ang ekspresyon sa mukha ni Lena. At napansin ito ng kaniyang kaibigan.

“Huwag mong sabihin sa akin na tatanggapin mo ang trabahong iyon, Lena? Huwag mo nang subukan kung ako sa iyo. Huwag mong sayangin ang trabaho mo rito. Masama ang ugali ng matandang iyan. Baka mamaya ay hindi ka rin makatagal. Baka hindi ka na makabalik pa sa trabaho mo rito,” dagdag pa ni Bridget.

“Wala na kong pagpipilian pa, Bridget. Kailangan kong subukan. Malaki ang perang iyon. Kapag ganoon kalaki ang sahod ko ay hindi ko na kailangan pang pumunta ng ibang bansa. Kahit paano ay malapit pa rin ako sa pamilya ko. Makakauwi ako kung kailanganin nila ako,” saad naman ni Lena.

Inabangan ni Lena ang matandang si Rita upang magtanong tungkol sa trabaho. Nang makita niya ang matanda na palabas na ng ospital ay agad niya itong hinabol.

“Ikaw na muna ang bahala dito, Bridget. Kailangan kong kausapin si Madam Rita,” saad ni Lena sabay takbo palabas.

Naabutan naman ni Lena si Madam Rita. Ngunit nang tanungin niya ito tungkol sa trabaho ay hindi niya akalain na hindi lang pala basta assistant ang hinahanap nito.

“Hindi ka lang magiging assistant ko, ikaw rin ang bahala na magsilbi sa akin. Wala akong kasambahay dahil sinisisante ko kaagad kapag hindi ako natuwa sa trabaho niya. Marami akong ginagawa sa negosyo ko kaya marami akong nakakaligtaan. Ikaw ang bahalang magpaalala sa akin ng mga iyon. Kailangan ay lagi kang nasa tabi ko para kung may kailangan ako ay agad mong matutugunan. Simple lang naman, ‘di ba? Kung kaya mo ‘yan ay pumunta ka sa bahay ko bukas. Iwan mo ang trabaho mo rito sa ospital. At isa pa pala, ayaw ko ng pumepetiks sa oras ng trabaho. Ayaw kong masayang ang ipapasahod ko,” saad pa ng matanda.

Mabuting pinag-isipan ni Lena ang kaniyang gagawin. Kinakabahan man sa kaniyang desisyon ay iniwan niya ang trabaho sa opisina para magtrabaho sa matanda bilang personal na assistant nito.

“Talaga nga naman, hindi ako nagkamali na pupunta ka rito. Nasilaw ka rin sa malaking sahod, ano? Kaya kahit pagiging kasambahay ay papasukin mo. Sino nga naman ang hindi masisilaw sa singkwenta mil. Huwag mong asahan na magiging madali ang buhay mo sa pagtatrabaho mo sa akin. Hindi ako nag-aaksaya ng pera,” bungad ni Rita sa dalaga.

Unang araw pa lang ni Lena ay pinahirapan agad siya ng matanda. Ipinalinis sa kaniya ang hardin. Ipinasalansan sa kaniya ang mga mabibigat na paso. Pagkatapos ay pinalinis din sa kaniya ang buong kabahayan.

Gabi na ay hindi pa rin natatapos itong si Lena. Pagod na pagod na siya ay hindi pa rin tapos sa pag-uutos itong si Madam Rita.

“Ang bagal mong kumilos! Nasaan na ba ang mga gamot ko? Hindi ba dapat ay ikaw ang magpaalala nito sa akin? Aba’y parang baligtad ata!” bulyaw ng matanda.

“Pasensiya na po, madam, nawala po sa isip ko dahil sa dami ng gawain. Maaari po ba akong magpahinga sandali para kumain? Kanina pa po kasi ako nagugutom,” tanong ng dalaga.

“Ang kapal rin ng mukha mo, ano? Hindi mo na nga nagagampanan nang maayos ang tungkulin mo sa akin ay sikmura mo pa rin ang iniintindi mo. Hindi na ako nagtataka kung bakit mahirap ka. Wala kang delikadesa sa trabaho,” pagtataray pa ni Madam Rita.

Kung hindi lang kailangan ni Lena ang pera at kung mayroon lang siyang babalikang trabaho sa ospital ay aalis na siya sa pagtatrabaho kay Madam Rita. Ngunit kailangan niyang kayanin para sa kaniyang pamilya.

Madaling araw nang nakapagpahinga itong si Lena. Halos maiyak-iyak siya sa sakit ng katawan at sa bigat ng kaniyang mga gawain.

Kinabukasan, alas kwatro pa lang ng madaling araw ay kailangang gising na siya upang painumin ng gamot ang amo.

Lumipas ang mga araw at lalong nakikita ni Lena ang sama ng ugali ni Madam Rita. Madalas siya nitong masigawan at mapagalitan.

“Masyadong dismayado sa iyo ang mga magulang mo, ano? May tinapos ka nga pero kasambahay ka naman. O sila mismo ang nagsabi sa iyo na pasukin mo ang trabahong ito para sa pera? Walang pinagkaiba ang mga magulang mo sa mga oportunista – gagawin ang lahat para sa pera! Ganiyang mag-isip ang mga mahihirap. Kahit mawalan ng dignidad ay gagawin para lang sa pera!” saad pa ng matanda.

Sa pagkakataong ito ay hindi na nakatiis pa si Lena. Hindi niya hahayaan na pati magulang niya ay alipustahin ng matandang ito.

“Alipustahin n’yo na po ako hanggang gusto n’yo pero h’wag n’yo pong pagsasalitaan ng masama ang mga magulang ko dahil mabubuti silang tao!” saad pa ng dalaga.

Nang gabing iyon ay pinag-isipan ni Lena kung dapat pa ba siyang manatili sa pagtatrabaho sa matanda. Kakausapin na sana niya ito. Ngunit habang papalapit ang dalaga sa silid ng matanda ay napansin niyang hindi nakasara ang pinto nito.

Pagsilip niya ay nakita niya si Madam Rita na nasa may altar ng kaniyang silid at yakap ang mga larawan habang umiiyak. Bigla na lang naisip ni Lena na tingnan din ang mga gamot na iniinom nito. Kaniya itong sinaliksik sa internet at nalaman niyang gamot ito sa k@nser.

Dahil sa pangyayaring ito ay lubusang nahabag si Lena. Napagtanto niyang marahil ay kulang sa pagmamahal ang kaniyang amo kaya kahit na matapang ang ipinakikita nito sa kaniyang panlabas ay malungkot naman ang puso nito.

Nakapagdesisyon si Lena na manatili sa pagtatrabaho kay Madam Rita nang sa gayon ay may mag-aalaga rito at hindi ito mag-isa. Kahit na palagi siyang pinagsasalitaan nito ng hindi maganda ay hindi na lang niya ito dinidibdib pa. Alam niyang sinasabi lang ito ng matanda upang siya ay itaboy.

“Wala na po kayong p’wedeng sabihin sa akin, madam, na ikakagalit ng puso ko. Narinig ko na pong lahat iyan. Ito na po ang mga gamot ninyo, magpahinga na po kayo at bukas po ay may appointment pa kayo sa doktor. Ako na po ang bahala sa mga gawaing bahay. Makakaasa po kayo na malinis ang lahat,” saad pa ni Lena.

Naging matiyaga itong si Lena kay Madam Rita.

Makalipas ang isang buwan ay oras na para kunin ni Lena ang kaniyang sahod. Nagulat siya ng iabot sa kaniya ni Madam Rita ang isang malaking envelope.

“Ito na ang sahod mo. Ikaw na ang bahala kung magpapatuloy ka pa o aalis ka na. Nauunawaan ko kung ayaw mo na ang trabaho mo dahil sa sama ng ugali ko,” saad pa ng matanda.

Pagbukas ni Lena ng envelope ay lalo siyang nagulat.

“Titulo ng bahay, iskolarsyip para sa kapatid ko, sponsorship para sa pagpapagamot sa tatay ko? Sobra-sobra po ang lahat ng ito, madam, hindi ko po ito matatanggap!” saad pa ni Lena.

“Tanggapin mo na, Lena. Karapat-dapat ka sa mga bagay na iyan. Kay buti ng kalooban mo. Kahit na madalas kitang pakitaan ng masama ay nirerespeto mo pa rin ako at inaalagaan. Ikaw lang ang assistant na nakatagal sa akin,” saad pa ng matanda.

“Ngunit napakalaking halaga po nito, madam. Sobra-sobra po talaga ito,” muling sambit ni Lena.

“Marami na ang sumubok na magtrabaho sa akin dahil malaki nga ang sahod. Pero lahat sila ay hindi nakakatagal. Mayroon pa ngang pinagtangkaan ang buhay ko. Pero ikaw, kahit na marami kang pinagdadaanan sa buhay ay inuunawa mo pa rin ako at binigyan ng espesyal na atensyon. Simula nang mawala ang mag-ama ko ay hindi ko na kasi alam kung paano pa ang maging maligaya. Minsan ay naiisip ko kung ang malubhang sakit ko ba na ito ay parusa sa akin ng Diyos sa lahat ng mga nagawa kong kasalanan sa ibang tao. Pero nagpapasalamat na rin ako dahil sa wakas ay makikita ko na ang mag-ama ko. Tanggapin mo na ang regalong iyan, Lena, dahil hindi ko alam kung hanggang kailan pa tatagal ang buhay ko. Pero lilisan akong masaya dahil kahit paano ay may nagawa naman akong kabutihan sa aking kapwa,” saad pa ng matanda.

Napaluha na lang si Lena dahil natapos na rin ang kaniyang problema. Bilang ganti ay hindi siya umalis sa tabi ni Madam Rita. Inalagaan niya ang matanda hanggang sa huling hininga nito.

Dahil na rin sa magandang ugali at pagmamalasakit na ipinakita ni Lena sa matanda ay ipinamana niya sa dalaga ang mga natitira pa niyang ari-arian.

Hindi akalain ni Lena na bigla na lang matatapos ang lahat ng kaniyang suliranin nang dahil sa mataray na si Madam Rita. Ngayon ay matatapos na sa pag-aaral ang bunsong kapatid niyang si Marco, hindi na sila namomroblema sa mga utang sa bangko, natubos na rin niya ang alahas na ipinamana ng kaniyang ina at higit sa lahat ay magaling na ang amang may sakit.

Lubos ang pasasalamat ni Lena kay Madam Rita sa lahat ng tulong na nagawa nito sa buhay ng kaniyang pamilya.

Advertisement