Inday TrendingInday Trending
Nakipagkasundo ang Binata sa Matalik na Kaibigan na Magiging ‘Sila’ sa Takdang Panahon; Isang Pangyayari ang Hahadlang Dito

Nakipagkasundo ang Binata sa Matalik na Kaibigan na Magiging ‘Sila’ sa Takdang Panahon; Isang Pangyayari ang Hahadlang Dito

Unang beses pa lang makita ni Matthew ang dalagang si Cathy ay nabihag na nito ang kaniyang puso. Para kay Matthew kasi ay kakaibang babae itong si Cathy. Bukod kasi sa matalino ay masarap din itong kasama. Ngunit isang bagay lang ang pumipigil sa binata upang sabihin ang kaniyang nararamdaman.

“Sinabi ko na nang ilang ulit, Matthew, kaibigan lang ang turing ko sa iyo. Saka ayaw kong masira ang magandang samahan natin. Iyang nararamdaman mo, nalilito ka lang kasi lagi mo akong kasama. Ni hindi ka nga nakikipagkilala sa ibang babae! Kapag nakakita ka ng mas maganda, mas matalino at mas masayang kasama sa akin ay tiyak kong mabibihag din niya ang puso mo!” paulit-ulit na pagpapaalala ni Cathy kay Matthew.

“Oo na, hindi mo na kailangan pang ipamukha sa akin! Pero ikaw ba? May nagugustuhan ka na bang lalaki? Umibig ka na ba?” pagtataka naman ni Matthew.

“Napaka-jologs talaga ng mga tanong mo, Matthew! Hindi ko alam paano kita naging matalik na kaibigan! Hindi ko alam kung na-in love na ako pero sa kalagayan ko ngayon, mas nais ko pang maging malaya. Bakit ko naman hahayaan na ilagay ko ang kaligayahan at kalayaan ko sa kamay ng isang tao lang? Komplikadong magkaroon ng kasintahan. Kaya nga mas pipiliin kita kasi ganito lang tayo. Walang commitment sa isa’t isa!” sambit pa ng dalaga.

“Gumawa na lang tayo ng pangako sa isa’t isa. Hindi ba dyesisyete ka ngayon at ako naman ay dyesiotso, Kapag nasa trenta na ako at bente nwebe ka naman at wala pa tayong naiibigan na kahit sino ay magiging ikaw na at ako nang opisyal!” saad muli ng binata.

“Ang dami mo talagang alam, Matthew! O siya, bahala ka dahil alam ko namang hindi mo ako tatantanan!” natatawang sagot pa ni Cathy.

Sigurong isa sa mga bagay na talagang nagpahulog kay Matthew sa dalaga ay ang mga disposiyon nito sa buhay. Walang sandali kasi na malumbay kapag kasama niya si Cathy. Laging nakakakita ng dalaga ang ganda sa bawat sitwasyon.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nag-iba ang ihip ng hangin. Kinailangan ni Cathy na umuwi ng probinsya dahil mayroong masamang balita.

“Kung gusto mo ay samahan na kita, Cathy, hindi mo naman kailangang pagdaan ito nang mag-isa. Narito ako para suportahan ka,” saad ni Matthew sa kaibigan.

“Maraming salamat, Matthew, pero problema ko ito at kailangan kong harapin. Hindi ko rin alam kung paano tatanggapin ang pagkawala ng ate ko. Hindi ko alam kung paano haharapin si daddy ngayong kami na lang dalawa ang magkasama,” pinipilit ni Cathy na maging matatag.

Noong araw na iyon ay hindi man lang nakita ni Matthew si Cathy na tumulo ni isang patak ng luha. Batid ng binata na matatag naman talaga ang kalooban ng kaniyang matalik na kaibigan ngunit nag-aalala siya sa mga maaaring mangyari.

Ilang linggo ring nawala si Cathy. Walang araw na hindi tinawagan ni Matthew ang dalaga. Ngunit madalas itong hindi makausap. Kinakailangan kasing siguraduhin ni Cathy na maayos ang kaniyang ama. Labis kasi ang pagluluksa nito sa pagkawala ng panganay nito.

Sa pagbabalik ni Cathy ay malaki na ang pinagbago nito. Isang matamis na ngiti man ang isinalubong niya kay Matthew ay wala na ang ningning ng mga mata ng dalaga. Nararamdaman ni Matthew ang bigat ng pinagdadaanan ni Cathy.

“Narito lang ako kung kailangan mo, Cathy. Kahit ano ay p’wede mong sabihin sa akin,” saad pa ni Matthew.

“Matthew, tatapusin ko na lang ang semestre na ito at kailangan ko nang bumalik sa probinsya para doon ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Hindi maganda ang lagay ng daddy ko. Hindi niya matanggap ang pagkawala ng ate ko. Ayaw niyang kumain, ayaw niyang alagaan ang kaniyang sarili. Tila nawalan na rin siya ng gana na mabuhay. Kaya nagpasya akong sa probinsya na lang mag-aral nang sa gayon ay palagi kaming magkasama at kahit paano ay mawala sa isip niya ang lungkot dahil sa pagkawala ni ate,” paliwanag ni Cathy.

Labis ang lungkot na nararamdaman ni Matthew ng mga sandaling iyon. Hindi lang alam ni Cathy kung gaano siya kanais pigilan ng binata ngunit batid nitong wala na siyang magagawa pa dahil pamilya na ang usapan.

Sa mga natitirang araw ni Cathy sa unibersidad ay unti-unti na rin itong lumalayo kay Matthew. Hindi na katulad ng dati na lagi itong masaya. Naging seryoso na ito at hindi na palabati. Madalas rin ay mas nais nito ang mapag-isa.

Nang matapos ang semestre ay nagpaalam na ang magkaibigan sa isa’t isa. Inihatid pa nga ni Matthew itong si Cathy sa paliparan.

“Huwag mo akong kakalimutan. Susulat ako sa iyo palagi dahil alam ko kung gaano mo kanais na makatanggap ng mga sulat,” wika ni Matthew sa dalaga.

“Mas maganda ngang kalimutan mo na lang ako, Matthew. Kung aalalahanin mo lang ako ay patuloy lang tayong masasaktan. Wala namang kasiguraduhan kung mananatili pa itong pagkakaibigan natin. Ngayong magkalayo na tayo, hindi na rin malayo na malimutan na natin ang isa’t isa,” wika naman ni Cathy.

“Papatunayan ko sa iyo na hindi nakakalimot ang puso, Cathy. Saka ipapaalala ko lang sa iyo ang pangako natin sa isa’t isa, kapag dumating na ang panahon na trenta ako at bente nwebe ka at wala pa rin tayong mga kasintahan ay magiging tayo na,” dagdag pa ng binata.

“Sige, Matthew. Tingnan na lang natin kung saan tayo dadalhin ng kapalaran,” saad naman ni Cathy.

Ito na ang huling pagkikita ng magkaibigan.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay hindi kailangan man nalimutan ni Matthew itong si Cathy. Patuloy ang pagpapadala niya ng sulat. Madalas rin siyang tumatawag sa dalaga. Sa ganitong paraan ay hindi rin siya nakalimutan ni Cathy.

Marami na ang nangyari sa mga nagdaang taon. Ilang babae na rin ang naging karelasyon nitong si Matthew ngunit hindi nagtatagal. Dahil iisa lang talaga ang hinahanap ng kaniyang puso at walang itong iba kung hindi si Cathy.

Kaya naman sa ika-tatlumpung kaarawan niya ay nilakasan niya ang kaniyang loob na ipaalala kay Cathy ang pangako sa isa’t isa.

“Cathy, natatandaan mo pa ba ang usapan natin noong mga bata pa tayo? Hindi ba pumayag ka na makipagkasundo sa akin. Ika-tatlumpung kaarawan ko kasi ngayon. At nais ko lang sabihin na wala akong nobya. Sana ay handa ka nang magkaroon ng relasyon. Sana ay handa ka ng magpaligaw sa akin,” saad ni Matthew sa dalaga.

“Alam mo sa totoo lang, nadismaya ako sa tanong mo sa akin. Hinintay ko ng sampung taon ang pagkakataong ito na tanungin mo ako, tapos ay gusto mong ligawan lang ako? Kahit kailan ay hindi ako nagnobyo o nagkagusto sa iba, Matthew. Ikaw lang ang laman nitong puso ko dati pa,” tugon naman ni Cathy.

Labis ang saya na naramdaman ni Matthew. May kaunting panghihinayang dahil naghintay pa siya ng ilang taon para lang tanungin si Cathy dahil nga natatakot siyang baka lumayo ito sa kaniya.

Agad na lumipad patungong probinsya si Matthew. Hindi makapaniwala ang dalawa dahil parang walang nagbago sa isa’t isa. Naroon pa rin ang kilig na kanilang nararamdaman.

“Hindi ko na patatagalin pa, Cathy, nais ko nang kausapin ang daddy mo para hingin ang kamay mo. Nais ko na kitang pakasalan agad-agad!” sambit ni Matthew sa dalaga.

“Ang lakas talaga ng tama mo, Matthew, ngayon pa nga lang tayo ulit na nagkita, kasal agad ‘yang iniisip mo? Ayaw mo man lang muna bang makilala natin muli ang isa’t isa? Ang dami na rin namang nagbago sa atin. Saka isa pa, hindi mo man lang ako tanungin kung nais ko nga bang magpakasal sa iyo!” wika naman ni Cathy.

“Ayaw mo ba? Kasi ako, Cathy, desidido na ako na ikaw na ang makakasama ko habambuhay. Ayaw ko nang mag-aksaya pa ng isang araw na hindi kita kasama,” dagdag pa ng binata.

Wala nang nagawa pa si Cathy nang isuot ni Matthew sa kaniyang daliri ang isang singsing.

“Sige, pakakasal ako sa iyo. Sa isang kondisyon, kahit kailan ay hindi mo ako pipigilan sa mga gusto kong gawin sa buhay! At ganoon din naman ako sa iyo, s’yempre,” sambit pa ni Cathy.

“Basta hindi ka manlalaki o lalayo sa akin, sige, pumapayag na ako!” tugon naman ng binata.

Niyakap ni Cathy si Matthew. Walang mapagsidlan ang kaligayahan ng dalawa. Hindi nila akalain na sa bandang huli ay sila lang din pala ang magkakatuluyan.

Nagdesisyon na si Matthew na lumipat na sa probinsya at doon na magtrabaho. Nais kasi niyang maging malapit pa rin si Cathy sa ama nito. Agad na rin nilang sinimulan ang pag-aayos ng kanilang kasal. Nasa plano na ang lahat at tiyak na nilang wala nang makakapigil pa sa kanilang pagpapakasal.

Hanggang isang araw ay nakatanggap na lang ng tawag itong si Matthew mula sa ama ni Cathy.

Parang tumigil ang mundo ni Matthew sa kaniyang nalaman. Dali-dali siyang nagtungo sa ospital at doon nga tumambad sa kaniya ng katawan ni Cathy na wala nang buhay.

“Wala na ang anak ko, Matthew, wala na siya!” pagtangis ng ama ni Cathy.

“Galing siya sa isang meeting malapit sa opisina mo kaya napagdesisyunan niyang daanan ka at surpresahin. Ngunit may isang rumaragasang trak ang nawalan ng preno at nahagip si Cathy. Wala na ang bunso ko, Matthew! Wala nang natira sa akin!” hagulgol pa ng ama.

Nangangatog ang buong katawan ni Matthew habang nilalapitan ang b*ngkay ng kaniyang mapapangasawa. Sa loob ng maraming taon ay naghintay siya upang tuluyan na itong makasama. Ngunit ang lahat pala ng mga taong nakalipas ay masasayang lang dahil sa isang trahedya.

Hindi na naiwasan pa ni Matthew ang sumigaw dahil sa pagdadalamhati. Hindi pa rin siya makapaniwala na sa ganito lang pala hahantong ang kwento nila ni Cathy.

Pinakasalan pa rin ni Matthew si Cathy kahit wala na ito. Para kay Matthew, kahit kailan ay hindi na mapupunan ng kahit sino ang naiwang puwang sa kaniyang puso ni Cathy.

Sa ngayon ay pilit na bumabangon si Matthew mula sa pagkakasadlak sa kalungkutan bunga ng pagkawala ng iniibig. Baon niya sa kaniyang puso ang pagmamahal at mga ngiti ni Cathy habang siya ay nabubuhay. Nagpapasalamat pa rin siya sa mga sandaling sila ay nagkasama.

Ang tanging bumubuhay na lamang sa puso ni Matthew ay ang malamang siya lang ang bukod tanging lalaking minahal ni Cathy hanggang sa huling hininga nito.

Advertisement