Kararating lang ni Leona sa kanilang bahay at agad siyang pumanhik sa kwarto kung saan maririnig ang umiiyak na kapatid. Rinig na rinig ang iyak ng bata mula pa sa labas ng kanilang bahay. Agad niyang kinuha ang bunsong kapatid sa kama at kinarga ito habang hinihele upang mapatahan.
“Tahan na baby, nandito na si ate. Tulog na ikaw,” malambing niyang sambit sa kapatid at patuloy itong hinele hanggang sa makatulog.
Pagkatapos ihiga ang tulog na kapatid ay agad ding lumabas si Leona at nagtungo sa kusina. Hindi pa man siya nakapagpapalit ng uniporme ay agad na siyang naghanda ng pagkain para sa dalawa niya pang mga nakababatang kapatid at sa tatay nilang pagod din mula sa trabaho.
Panganay na anak si Leona sa apat na magkakapatid. Isang katulong ang nanay nila na naninilbihan sa Maynila, samantalang nagtratrabaho naman bilang isang construction worker ang tatay nila kapag may mga bagong gusali o bahay na ginagawa sa bayan nila o sa mga karatig-bayan.
Madalas na wala ang kanilang mga magulang kaya naman sa murang edad ay natutunan na ni Leona na alagaan ang kanyang sarili at ang kanyang mga kapatid. Maaga din siyang natuto sa mga gawaing bahay at pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng pamilya. Siya ang panganay kaya naman sa kanya inihabilin ng kanyang ina ang pangangalaga sa kanyang mga kapatid sa tuwing wala silang kanilang mga magulang.
Napakabait at mapagmahal na anak at kapatid si Leona. Lahat ng kanyang oras at buong atensyon ay ibinibigay niya sa kanyang pamilya at sa kanyang pag-aaral. Nangako siya sa kanyang sarili na iaahon niya sa hirap ang kanyang pamilya at handa niyang gawin ang lahat matupad lamang ang pangarap niyang iyon.
Madalas matukso si Leona na para na daw siyang ina sa murang edad dahil sa kung paano siyang kumilos at umasta. Saan man siya pumunta o ano man ang kanyang ginagawa ay parati niyang iniisip ang kalagayan ng kanyang mga kapatid. Nasanay na siyang, siya na ang gumagawa ng bagay na dapat ay ginagawa ng kanilang ina. Ayos lang naman ito sa dalaga. Naiintindihan niya naman ang kanilang sitwasyon.
Lumipas ang mga taon at dahil sa pagpupursigi ni Leona ay nakapagtapos siya ng kolehiyo. Sadyang napakasipag ng dalaga at mayroong hindi matumbasan na determinasyon na mapabuti ang kalagayan ng kanilang pamilya, baon ang kanyang lakas ng loob at mga pangarap para sa kanyang pamilya ay umalis ng kanilang probinsya ang dalaga at nakipagsapalaran sa Maynila.
Pinauwi na muna ng dalaga ang kanilang ina sa probinsya upang ito naman ang mag-alaga sa kanilang ama at mga nakababatang kapatid. Alam ni Leona na hindi madali ang kanyang pakikipagsapalaran na gagawin, ngunit handa siyang lumaban para sa kanyang pamilya.
“Oh Leona, hindi ka pa rin ba sinuswerte sa paghahanap mo ng trabaho?” Tanong ng tiyo ni Leona sa dalaga pagkauwi niya galing sa napakaraming interviews na pinuntahan niya. Dito kasi siya pansamantalang nakikituloy habang hindi pa siya nakakahanap ng trabaho.
“Wala pa po tiyo eh. Tatawag nalang daw po,” sagot niya sa kanyang tiyo.
“Aba dalawang linggo na yan ha? Sabi naman sayo dyan ka nalang sa may bagong tayong bar. Sayang naman kasi ang ganda at kabataan mo. Siguradong pasok ka agad dun! Gusto mong iahon sa hirap ang pamilya mo di ba? Malaki ang pera dun. Ako na ang bahala sayo. Basta sumunod ka lang sa’kin,” lalapit pa sana ang kanyang tiyo sa kanya nang biglang nag-ring ang kanyang cellphone kaya nagkadahilan siya upang lumabas at sagutin ang tawag.
“Hello, is this Ms. Leona Perez?” paunang bati sa kanya ng tumawag.
“Yes, speaking. Who is this po?” magalang na sagot ng dalaga.
“This is Marielle of XYZ Corporation, a company where you had your interview last Monday. I am pleased to inform you that you passed the initial interview. Please do come and visit the main office by tomorrow for your final interview. Is that okay with you? Are you free tomorrow?” hindi makapaniwala si Leona sa narinig at pigil ang tili na sumagot.
“Yes of course, I will be there tomorrow. Thank you.”
“Alright, see you tomorrow. Bye,” paalam ng nasa kabilang linya bago ibaba ang telepono.
Hindi napigilan ni Leona ang maglululundag sa tuwa at napasigaw ng “Thank you Lord!”, ito kasi ang unang tawag na natanggap niya simula ng magsimula siyang mag-apply sa sandakmak na mga kompanya.
Kinabukasan ay pinuntahan niya ang kompanyang tumawag sa kanya at mapalad naman siyang natanggap. Agad siyang nakapagsimula sa kanyang trabaho dahil kinakailangan talaga ng mga tao ngayon ng kanilang kompanya.
Pinag-igihan ni Leona ang kanyang trabaho. Napaka-workaholic niya, kaya naman lahat ng proyekto na kasama siya ay nagiging matagumpay. Hindi nagtagal ay napansin din siya ng kanyang mga boss at mabilis na nabigyan ng promosyon.
Hindi tumigil doon si Leona dahil habang paakyat siya ng paakyat ng posisyon ay mas pinag-iigihan niya pa ang kanyang trabaho. Naging sobrang matagumpay ni Leona at naipadala pa siya sa ibang bansa bilang representative ng kanilang kompanya.
Natupad niya ang kanyang pangarap na maihon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Hindi na nagtratrabaho ang kanyang mga magulang at nagbabantay na lamang sa isang grocery store na ipinatayo niya para sa kanila. Siya na din ang nagpapa-aral sa kanyang mga nakababatang kapatid.
Napakahirap man ng buhay ni Leona ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa at patuloy na lumaban. Patuloy siyang naniwala sa kanyang sarili na makakayanan niyang lagpasan ang mga pagsubok at pilit na inabot ang kanyang pangarap para sa kanyang pamilya. Nawa’y tulad ni Leona ay gawin nating inspirasyon ang ating pamilya at gamitin ang pagmamahal na meron tayo para sa kanila upang labanan ang mga pagsubok ng buhay.