Inday TrendingInday Trending
Bakas ng Unang Pag-Ibig

Bakas ng Unang Pag-Ibig

Nakatulala lang si Marie habang nakatingin sa punong mangga kung saan nakaukit ang kanyang pangalan at ang pangalan ng lalaking kanyang unang inibig, si Joseph. Dito sa lugar na ito kung saan nakatayo ang punong mangga, ay ang lugar kung saan nagtapat silang dalawa ng kanilang wagas na pag-ibig sa isa’t isa.

Nagbalik-tanaw si Marie sa nakaraan kung saan masaya pa sila ng kanyang kasintahang si Joseph. Mga panahong kailanman ay hindi niya na maibabalik pa.

“Mahal, kumain ka pa oh. Masarap itong luto ko,” malambing na sambit ni Marie sa kasintahan habang sinusubo ang niluto nito sa bibig ng binata.

“Hmm… napakasarap nga mahal! Pwede ka nang mag-asawa!” biro naman ni Joseph sa dalaga. Natawa nalang ang dalaga sa sinabi ng kasintahan.

“Bolero,” saad ng dalaga.

“Oy hindi ah! Totoo nga mahal! Napakasarap ng luto mo. Kaya nga wala na akong planong pakawalan ka eh. Sisiguraduhin kong ikaw ang magiging asawa ko!” masaya at puno ng giliw na pahayag ni Joseph sa dalaga.

“Talaga? Pakakasalan mo ako? Sigurado ka?” seryosong tanong ni Marie sa binata. Alam niyang bata pa sila para isipin ang kasal ngunit gusto niya pa ring malaman ang sagot ng kasintahan. Mahal na mahal niya na kasi ang binata. Agad naman na umayos ng upo ang binata at hinawakan ang dalawang kamay ng kasintahan.

“Pangako, papakasalan kita mahal ko,” pagkatapos sambitin ang mga katagang iyon ay hinalikan siya sa noo ng binata. Tanda ng kanyang respeto at wagas na pagmamahal sa dalaga.

Napaluha na lamang si Marie sa mga alaalang naiwan sa kanya ng lalaking lubos na inibig. Magdadalawang taon na simula ng pumanaw si Joseph dahil sa isang malubhang sakit. Ikakasal na sana sila noon pero napagdesisyonan ni Joseph na huwag na lamang ituloy ang kasal dahil sigurado namang mawawala din siya at maiiwang mag-isa si Marie.

Sobrang mahal ni Marie ang binata kaya kahit na alam niyang iyon ang mangyayari ay gusto niya pa ring ituloy ang kasal. Napapayag niya naman ang binata, ngunit sa huli ay hindi din kinaya ng katawan ni Joseph kaya hindi natuloy ang kasal.

Dalawang taon na ang nakararaan ngunit parang kahapon lang nangyari ang lahat para kay Marie. Sariwang-sariwa pa rin ang sugat na kanyang natamo sa pagkawala ng minamahal. Para bang hindi niya pa rin matanggap na wala na talaga si Joseph at kahit kailan ay hindi na babalik pa.

May mga nagtangkang manligaw din naman kay Marie at sinubukang gamutin ang kanyang sugatang puso, ngunit ni isa sa kanila ay walang nagtagumpay. Tila nanlamig na ata ang puso ng dalaga at tuluyan ng sumama kay Joseph sa kabilang buhay.

Ngunit isang araw ay may bigla na lamang dumating sa buhay niya na labis na nakakuha ng kanyang atensyon, si Miguel. Bagong salta lamang si Miguel sa kanilang lugar. Naging katrabaho niya ito at hindi niya mawari kung bakit tila ba nakikita niya ang yumaong nobyo sa binata.

Gaya ni Joseph ay napakabait din Miguel. Pati sa paraan ng kanyang pagsasalita at pagkilos ay parang si Joseph talaga ang binata.

“Hi, ako nga pala si Miguel. Matagal na kitang napapansin dito pero parang hindi ka mahilig makipag-usap masyado no?” pahayag ng lalaki ng magkasalubong sila isang hapon sa opisina.

“Ha? Pasensya na. Hindi kasi ako masyadong palakaibigan. Ako nga pala si Marie. Welcome sa company,” paghingi niya ng paumanhin dito.

“Ganun ba? Pwede ba kitang maging kaibigan kung ganun? Siguro naman okay lang madagdagan ng isa pa ang mga kaibigan mo,” nakangiting tugon ng binata sa kanya. Ngumiti na lamang siya dito. Wala naman sigurong masama kung makikipagkaibigan siya sa binata, tutal ay gusto niya rin naman itong lubusang makilala.

Mabilis na lumipas ang mga araw at mas naging malapit sa isa’t isa sina Marie at Miguel. Napagtanto niyang hindi naman pala ganun kalaki ang pagkakapareho ni Miguel sa yumao niyang kasintahang si Joseph. Pareho lamang sila ng ibang ugali, paraan ng pagsasalita at kung kumilos. Pero napakarami pa rin nilang pagkakaiba, katulad nalang ng mga paboritong bagay, pagkain at pangarap.

Ganunpaman, hindi parin maiwasan ni Marie na makita si Joseph sa binata. Dumating ang araw na nagtapat ng kanyang pag-ibig si Miguel kay Marie. Gulong-gulo si Marie. Alam niyang mahal niya na rin ang binata, ngunit hindi niya alam kung mahal niya ba talaga ito dahil sa sariling pagkatao o mahal niya lamang ito dahil nakikita niya sa binata ang kanyang unang pag-ibig na labis niyang minahal.

“Alam kong nakikita mo lang sakin ang dati mong pag-ibig kaya nakuha ko ang iyong interes, pero umaasa ako na kahit paano ay may nararamdaman kang totoo para sakin. Mahal na mahal kita Marie, at handa akong tanggapin ka kahit hindi mo pa man tuluyang nakakalimutan ang iyong unang pag-ibig.

Tanggap kong panghabangbuhay na siyang may puwang sa puso mo. Ayos lang sa akin iyon basta bang ipangako mong mananatili ka sa aking tabi habangbuhay. Bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan iyon,” puno ng sinseridad na pahayag ni Miguel sa dalaga.

Binigyan ng pagkakataon ni Marie si Miguel, habang tumatagal ay mas napapatunayan niya ang wagas na pagmamahal ng binata sa kanya. Tuluyan na ring nahulog ang kanyang loob sa binata hanggang sa hindi niya na naiisip o nakikita si Joseph dito. Ngayon ay sigurado na siyang si Miguel na talaga ang laman ng kanyang puso.

Tumagal ng tatlong taon ang kanilang relasyon bago tuluyang lumagay sa tahimik. Masaya silang namuhay kasama ang kanilang mga supling at patuloy na pinapatunayan sa isa’t isa ang kanilang wagas na pagmamahal.

Advertisement