“Hay naku, klase na naman ni Ma’am Cuevas, mai-stress na naman tayo!” Nakasimangot na sabi ng grade 10 na si Jade.
“Oo nga. Masyado siyang istrikta. Halos hindi ako makahinga sa klase niya kasi pakiramdam ko pati iyon bawal gawin,” segunda naman ni Liam, isa sa mga pinakamakukulit sa klase.
“Wow, hindi ka pa makahinga ha, eh halos maya’t maya nga nababanggit ni Ms. Cuevas yung pangalan mo kasi napakakulit mo!” Nakairap na sagot ng presidente ng klase, si Scarlet, kay Liam.
“Alam mo Scarlet, hindi namin alam kung bakit gustong-gusto mo si Ma’am Cuevas. Ang sungit-sungit niya kaya!” Duet pang sabi ng kambal na sina Danilo at Daphne.
“Nakikita ko kasi na hindi lang niya gusto na matuto tayo sa mga leksyon. Gusto niya din na maging maayos ang karakter natin,” malalim na sabi ni Scarlet, na ikinakunot noo lang ng karamihan dahil hindi sila sumasang ayon.
“Wirdo talaga,” narinig ni Scarlet na bulong ng iilan, na ipinagkibit balikat niya na lang.
Noon naman tumunog ang bell, hudyat na tapos na ang recess at magsisimula na ang pangatlong klase nila sa araw na iyon.
Tahimik na ang klase nang pumasok si Ma’am Cuevas.
Guro nila si Ma’am Cuevas sa Filipino. Ito din ang kanilang adviser, pero hindi sila gaanong malapit dito dahil una, may pagka-istrikta talaga ito at ikalawa, hindi din naman ito mahilig makipag-usap sa kanila kung hindi tungkol sa akademiks o sa karakter nila. Seryoso kasi itong tao, hindi gaya ng iba nilang guro na naikipagbiruan sa kanila.
Matamang nakikinig ang klase nang tumigil sa pagsasalita ang kanilang guro at napako ang tingin nito sa bandang likuran.
Nang sundan nila ang tingin nito ay nakita nila na nakatingin ito sa kaklase nilang si JJ na gumagamit ng cellphone.
Pasimple namang siniko ni Nica ang katabi na si JJ. Tila natauhan si JJ at napatingin sa titser, na nakita niyang nakatingin sa kanya.
“JJ, ilagay mo ang cellphone mo sa lamesa ko,” mababa ang boses at tila nagpipigil na sabi ng kanilang guro.
“Ma’am, may tinignan lang po ako,” tila inis pa na pangangatwiran pa ni JJ.
“Alam mo naman ang mga patakaran. Ayokong palagpasin ‘to dahil baka ulit-ulitin mo,” mariing sabi ng guro.
Walang nagawa si JJ kundi ilapag ang kanyang cellphone.
“Alam mo naman na ang gagawin para makuha ang cellphone mo, diba?” Tanong ng guro kay JJ.
“Opo, susulat po ng letter na nagpapaliwanag kung bakit ako nagse-cellphone,” masama pa din ang loob na sagot ni JJ.
“Ilalagay mo din doon na hindi mo na gagawin ulit yan hindi lang sa klase ko, pero sa lahat ng klase, kundi ay ipapatawag ko ang magulang mo,” banta pa ng guro.
Saglit silang pinaalalahanan ng guro tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga patakaran ng eskwelahan bago nito itinuloy ang diskusyon.
Narinig na naman nila ang pinaka-popular nitong linya, “Matuto kayo sa pagkakamali niyo, at wag kayong magalit sa taong pumuna ng mali niyo. Pag pinuna niya ang mali niyo, ibig sabihin ayaw niyang mapasama kayo.”
Natapos ang klase na mabigat ang atmospera dahil sa nangyari.
“Nakakainis talaga si Ma’am! Tinignan ko lang naman cellphone ko kasi inaantay ko text ng girlfriend ko,” nakasimangot na sabi ni JJ nang makalabas ang guro.
Hati naman ang opinyon ng lahat, may ibang kumakampi sa kaklase, may iilang naiintindihan ang ginawa ng guro.
Napailing naman si Scarlet sa inasta ni JJ. Siya na ang mali, siya pa ang galit, sa isip-isip niya.
“Ibabagsak ko talaga siya sa teachers’ evaluation!” Tila nagbabanta pa ang binatilyong nagpupuyos pa din ang kalooban, na ni hindi man lang inamin ang pagkakamali niya.
Lunes. Araw ng pagsusulit. Kasalukuyang nagsasagot si Scarlet nang makarinig siya ng tila bulungan. Lumingon siya at nakita ang simpleng pag-aabutan ng papel ng mga nakaupo sa likod.
Pasimple niyang sinaway ang mga kaklase. Tiyak na malaking gulo kapag nahuli ang mga ito. Kandidato para sa moving up pa naman sila.
Nilingon niya ang guro. Nasa ibang panig ng silid-aralan ang tingin nito. Mukhang hindi naman nito napansin ang nakita niya.
Ngunit maya-maya ay nagulat na lamang sila nang pahintuin nito sa pagsusulit ang halos kalahati ng klase at palabasin ng silid-aralan.
“P*tay na.” Narinig niyang may nagsalita sa likuran.
“Hindi na yata ako makakasama sa honor roll ngayong taon,” umiiyak na sabi ni Kate.
Napag-alaman ni Scarlet na nahuling nagkokopyahan ang mga ito kaya agad na isinuplong ng kanilang guro ang nakita.
“Hindi man lang tayo binigyan ng konsiderasyon ni Ma’am,” sabi pa ni Dina, isa rin sa mga kandidato para sa honor roll ngayong taon.
Hindi na nakapagpigil pa si Scarlet. “Anong eksplanasyon ang katanggap-tanggap para bigyan ng hustisya ang pangongopya? Lalo pa sa mga honor student na gaya niyo?” Inis na sabi niya bago tumayo at lumabas ng klasrum.
Bago siya tuluyang nakalabas ay narinig niya pa ang sinabi ng mga kaklase, “Ibabagsak ko talaga si Ma’am sa evaluation.”
Dumating ang araw ng teachers’ evaluation. Kagaya ng napagdesisyunan ng karamihan, binigyan nila ng mababang grado ang pobreng titser.
Naging mabilis naman ang responde ng administrasyon ng eskwelahan. Agad-agad nilang inalis sa posisyon si Bb. Cuevas.
Gulat na gulat ang lahat sa nangyari, lalo na si Scarlet. Hindi nila inasahan na aabot sa ganun, ngunit wala namang gustong umamin na nagkamali sila.
Nang dumating ang bagong titser, noong una ay laking tuwa nila dahil maluwag ito sa kanila. Nung huli ay napansin nila na tila wala itong pakialam sa kanila, ni hindi man lang nito matandaan ang mga pangalan nila.
“Ako lang ba o medyo nakaka-miss talaga yung pagiging istrikto ni Ma’am Cuevas?” Isang araw ay sabi ni Liam habang recess.
“Mali pala yung ginawa natin kay Ma’am Cuevas, ano?” Tila nagkakaisang sabi ng klase.
Nang dumating ang bigayan ng report card, mas lalong tumindi ang kanilang pagsisisi sa nagawa nila sa guro.
“May nakalagay na maliit na sticky note sa report card ko! Sa inyo ba?” Sigaw ni JJ.
Sa mga sticky notes makikita ang mga obserbasyon at munting mensahe ni Bb. Cuevas sa bawat isa. Makikita na kilalang kilala niya ang bawat estudyante sa kanyang klase.
Para kay Scarlet,
Masaya akong ikaw ang naging presidente ng klase. Mas madaling i-manage ang klase dahil nariyan ka. Salamat!
Para kay Nica,
Nakikita ko ang pagpupursigi mo. Ituloy mo yan at sigurado akong maaabot mo ang pangarap mong maging isang sikat na manunulat.
Para kay Liam,
Maingay ka sa klase, pero alam kong napapasaya mo ang bawat isa. Magaling kang makisama kaya alam kong malayo ang mararating mo.
Napaluha si Nica. Hindi niya alam na suportado ng titser ang pangarap niya. Gayundin ang iba pang miyembro ng klase. Mahal na mahal pala sila ng kanilang masungit na guro, iba lang ang paraan ng pagpapakita nito ng pagmamahal sa kanila.
Magsisi man sila ay huli na.
Isa-isa silang nag-mensahe sa kanilang dating guro gamit ang Facebook. Isa lang ang naging sagot nito sa kanila.
“Wala na iyon sakin, ang mahalaga ay natuto kayo sa pagkakamali ninyo. Lumaki lang kayo na mabubuting tao, ayos na sa akin.”
Mas lalo lang silang nagsisi sa pagkawala ng gurong pinaka-nagmahal pala sa kanila.