
Ang Hantungan
“Ang pag-aaralan natin ngayon ay tungkol sa kung saan ang pinupuntahan ng espiritu sa oras na iwan niya na ang kanyang katawan.” Yun ang panimula ni Gng. Cruz.
Mukhang naging interesado buong klase sa sinabi ng guro dahil lahat sila ay tumutok dito maliban na lamang siguro kay Jamaica na kasisimula pa lang ay tulog na sa loob ng klase.
Nakita niyang nilibot ng guro ang kanyang mata. Ang akala niya ay sasawayin siya nito kagaya ng dati ngunit nagkakamali siya.
Hindi kaya nagsawa na si Ma’am sa pananaway sa akin? Naisip niya pa.
“Ayon sa Kristiyanismo, kapag nam*tay ang isang tao ay humihiwalay ang espiritu sa kanyang katawan. Dalawa ang maari nilang puntahan, ang langit at ang impiyerno.” Nagpatuloy ang klase at nanatiling nakapikit si Jamaica. Natutulog na naman.
Nagising lamang ito nang tawagin ng matalik nitong kaibigan matapos ang klase patungo sa kung saan.
“Di ka na naman nakinig. Mabuti at di ka sinaway at pinagalitan ni Ms. Cruz.” Sabi ni Jennifer sa kanya.
“Baka di niya ako nakita.” Kibit balikat na sagot ni Jamaica.
Isa-isang inilabas ni Jennifer ang kanyang mga kwaderno para turuan siya sa iba ibang subject. Ganito talaga ang kaibigan.
Pagdating ng hapon ay ituturo nito sa kanya ang lahat ng aralin sa araw na iyon at isa isang ipapaliwanag. Ganito kabait ang kaibigan kaya nga minsan naiisip niya na baka isa itong anghel.
O kaya naman sigurado na ang pwesto nito sa langit. Hindi gaya niya. Hindi nag-aaral ng mabuti. Natutulog sa klase. Magkaibang magkaiba sila ng kaibigan kaya hindi niya alam kung bakit hindi siya nito nilalayuan.
Sa katunayan, ito na nga lang ang kumakausap sa kanya kaya’t napakaswerte niya sa kaibigan.
“Alam mo, Jen. Hindi ko talaga alam kung bakit nagtitiyaga ka pa sakin e? Sa talino mong yan?”
Kumunot lang ang noo nito sa kanya. “Mag-aral ka na lang muna kasi. Ang dami-dami mo laging iniisip.” saway nito sa kanya.
Matiyaga nitong itinuro sa kanya ang lahat. Ayaw niya ng nag-aaral pero dahil ayaw niyang biguin ang kaibigan ay ginawa niya na.
“Jen! Huy! Anong ginagawa mo dito?” tanong ng paparating na kaklase nila sa kanyang kaibigan.
“Ha? Edi tinuturuan ko si Jam!” sagot ni Jennifer.
Kitang kita niya ang bumadhang takot at kalituhan sa mukha nito nang ilibot ang tingin bago ito tumango at tumakbo palayo.
“Anong nangyari dun?” natatawang tanong ni Jen sa kanya.
“Baka iniisip na nakakakita ka na naman ng kung anong multo.” Ngisi niya.
Marami kasing nakakaalam na may third eye ang kaibigan. Kaya kahit na napakatalino ay iilan lang rin ang lumalapit dito dahil wirdo si Jen para sa kanila.
Nagkibit balikat naman ito. Nang maghiwalay sila ng kaibigan para umuwi ay sinuot niya ang kanyang headphone at malakas na pinatugtog ang paborito niyang kanta.
Napatingin siya sa gilid, may isang babae na tumatakbo at hinahabol ito ng lalaking may hawak ng kutsilyo. Bahagya siyang umatras dahil sa takot.
Sa isang banda ay kitang-kita naman niya ang pasimpleng pagdukot ng isang bata sa bag ng dumaraan. Pilit niyang iniiwasan na tumingin sa mga ito sa takot na baka biktimahin rin siya. Ang mga taong dumadaan ay tila walang pakielam at walang nakikita. Parang mga bulag at bingi dahil ayaw nilang madamay sa nangyayari. Malamang ay dahil takot din sila na madamay.
Maya-maya pa ay napagpasyahan niya na pat*yin ang musika. Sa isang banda ng highway ay may pinagkakaguluhan ang mga tao. May mga pulis sa may kalsada at may mga caution tape sa paligid. Bukod doon ay nakita niya pa ang kaunting bakas ng dugo malapit.
“May aksidente ba?” Tanong niya sa sarili.
Lalapit sana siya para makiusyoso ngunit alam niyang mahihirapan rin siya dahil sa dami ng tao.
“Anong nangyari? Bakit may mga pulis?”
“Naku, huli ka na sa balita. Kanina kasing umaga ay may estudyanteng nabangga diyan. Kawawa naman yung batang mukhang papasok sa eskwekhan. Aba e, hindi man lang tinigilan ng sasakyan na nakabundol sa kanya! Kawawa.” rinig niyang sinabi ng isang ale sa di kalayuan.
“Ang problema e, bakit naman kasi nagpapatugtog habang natawid?”
“Asan na yung bata kung ganoon?” Tanong uli nito sa kausap dahil sadyang kuryoso.
Ngumuso ang ale at hinarap ang kausap. “Aba syempe, dinala na sa ospital pero sigurado ako na binawian agad ng buhay.”
Pilit niyang inaninag kung saan nakakumpol ang mga tao ngunit bigo siya na makita iyon. Kaya naman umuwi na lamang siya at kagaya na dati ay walang kahit na anong sumalubong sa kanya. Maging ang kanyang aso na si Whitney ay hindi man lang siya kinahulan o nilapitan kagaya ng dati.
“Whitney!” Tawag niya rito ngunit tila matamlay ito habang nakasuksok sa ilalim ng puting upuan.
Ang kanyang mga magulang ay parehas na abala sa kani-kanilang trabaho at halos walang oras para sa kanya.
Diretso siya sa kanyang kwarto at humiga. Naramdaman niya ang masakit niyang katawan na kanina niya pa gustong indahin. Kanina niya pa ito nararamdaman ngunit hindi pinapansin.
Sa sobrang pagod ay nakatulog siya ng tuluyan. Umaga na nang magising siya. Wala ang kanyang mga magulang, hindi na naman niya naabutan.
Nagbihis siya at pumasok sa paaralan ngunit nagulat nang makita ang malaki niyang litrato at ang napakaraming bulaklak na nakapalibot dito.
“Anong nangyayari?” Tanong niya sa isa niyang kaklase na si Kelly.
Ngunit tila wala itong narinig kaya lumipat siya sa iba niyang kaklase.
“Anong nangyayari?”
Kagaya ni Kelly ay hindi ito sumagot. Sa wakas ay nakita niya si Jennifer na umiiyak sa isang tabi.
“Jen!”
Nanlaki ang mata nito sa kanya. “Hindi mo ba alam ang nangyari? Nabangga ka raw kahapon at binawian ng buhay. Hindi ako naniniwala kasi kasama lang kita kahapon…”
Nagulat siya doon at naalala ang lahat ng nangyari. Paunti-unti ay luminaw ito. Tila isang palabas sa telebisyon ang bawat pangyayari ng umagang iyon. Kahapon bago siya pumasok sa paaralan!
Naglalakad siya habang nagpapatugtog. Patawid na sana siya nang hindi mapansin ang isang sasakyan na mabilis ang takbo. Sinubukan niyang tumakbo para umiwas ngunit huli na ang lahat dahil tumilapon na siya sa ere.
Kaya posible ba na siya ang pinag-uusapan ng mga ale kahapon? Tinignan niya ang kanyang sarili at nagulat ng makita na maraming dugo ang nasa kanyang uniporme. Hindi niya iyon napansin kanina pero ngayon…
“Kung ganon p*tay na ako?” Tanong niya habang tinitignan ang kanyang litrato.
“Nakakakita ka talaga ng multo, ano?” Wala sa sarili niyang sinabi sa kaibigan.
Ngayon ay naiisip niya na kung totoo nga ito bakit wala pa siya sa langit? Bakit wala pa siya sa impyerno at nananatili sa mundo?
Pinanood niya ang isa niyang kaklase na umiiyak habang naglalagay ng bulaklak ay kandila. Ngunit saglit lang ay humahalakhak na ulit itong makakita ng kaibigan.
Mapakla siyang ngumiti nang may mapagtanto. Naalala niya ang tila pelikulang puro kasamaan na nasaksihan niya sa paligid simula nang mam*tay siya.
“Ah, ito na ang mismong impyerno…”
Ang mundo ay isang impyerno kung iisipin, napagtanto niya. Napakaraming kasamaan ang nangyayari ngunit tila bulag ang mga tao at hindi ito nakikita. Kung saan maraming ipokrita na pinepeke na lamang ang lungkot at pakikisimpatya. Kaya siguro nga, araw-araw tayong nabubuhay sa impyerno.