
Ang Nakasisilaw na Ningning ng Pagmamahal
Nakabibinging hiyawan ang sumalubong sa mang-aawit na si Jennie Pascual. Isa siya sa masasabing pinakamatagumpay na mang-aawit sa kanyang henerasyon.
Sa kanyang edad na bente singko ay masasabi niyang nasa tuktok siya ng kanyang mga pangarap.
Suot ang pulang-pulang bestida ay nakipagbeso-beso siya sa talk show host na si Krista Martin.
“Ang ganda ganda mo naman ngayon, Jennie! Bagay na bagay sayo ang damit mo!” puri ni Krista sa mang-aawit.
“Naku, salamat! Si Veronica Panganiban ang nag-disenyo nito,” tukoy niya sa isang sikat na designer.
“Wow, bigatin ka na talaga! Wala nang bakas ng dating starlet na nagrerenta ng damit!” walang prenong sabi ng host.
Nawala naman ang ngiti sa labi ng magandang mang-aawit. Ayaw kasi nitong pinag-uusapan ang kaniyang nakaraan, na nanggaling siya sa hirap.
“Siguro ganoon talaga kapag dumaan sa hirap at pagsisikap bago mapunta sa tuktok,” nakangiting parunggit naman ng dalaga sa talk show host.
Kilala kasi si Krista na anak ng artista kaya naman nakasungkit kaagad ng proyekto bilang talk show host kahit hindi naman ito ganun kagaling.
Ito naman ang nawalan ng ngiti sa labi. Tila nakuha ang patama niya.
Ganun talaga silang mga nasa showbiz. Nagngingitian, nagbebeso-beso, nagsasama sa litrato kahit hindi nila gusto ang isa’t-isa. May kanya-kanya silang baho. Walang sinumang maaring magmalaki.
“Maldita talaga yang Jennie na ‘yan! Humanda talaga siya sa akin pag ako nakabingwit ng baho niya! Sisirain ko ang career niya!” gigil na sabi ni Krista sa kanyang manager na prenteng nakaupo at nagce-cellphone lang at hindi siya pinapansin, tila sanay na sanay na sa sumpong niya.
Samantala, si Jennie ay pauwi na sa kanyang condo.
“Nakita mo ba yung mukha ni Krista nung pinasaringan mo siya? Gigil na gigil ang loka, para siya pusang hindi mapaanak!” hagalpak ng tawa ang manager ni Jennie.
Ang dalaga naman ay nakatingin lamang sa labas ng bintana habang tila may malalim na iniisip.
“Miss ko na sila Tatay. Uuwi ako bukas, wala naman akong guesting ‘di ba?” baling niya sa manager.
“Sige, sige, umuwi ka at magpahinga. Bibigyan kita ng tatlong araw para magpahinga. Kailangan pagbalik mo ay mas maganda at fresh ka, ha?” daldal ng kanyang binabaeng manager.
“Yes, Manager Al. Salamat,” sagot niya at saka nginitian ito ng tipid.
Kinabukasan, madaling araw pa lang ay nagmamaneho na si Jennie pauwi sa kanila, sa Benguet.
“Anak!” tuwang-tuwa ang kanyang ama ng makita siya sa labas ng bahay.
“’Tay!” Yakap niya sa ama.
“Bakit hindi ka nagpasabi? Sana ay nakapaghanda kami ng nanay mo,” tanong nito.
“Ayos lang ho, ‘tay. Gusto ko ho din kasing tahimik,” sabi niya sa ama.
“Aba’t pwede ba namang hindi namin ipagyabang ang napakaganda naming anak?” Sabat naman ng nanay niya na kalalabas lang ng bahay.
“Nay! Na-miss kita!” Yakap niya sa ina.
Matapos ang sandaling kwentuhan at kainan ay pinagpahinga na din siya ng mga magulang. Alam ng mga ito na pagod siya mula sa pagmamaneho.
Pagpasok niya sa kanyang kwarto ay napapikit agad siya sa mabining dampi ng hangin na pumapasok mula sa nakabukas niyang bintana.
Isinara niya ang bintana, binukasan ang aircon, at pinatay ang ilaw. Maya-maya pa ay nakatulog na siya.
Madilim na ng nagising ang dalaga. Napilitan siyang bumaba nang marinig na tila may nagkakasiyahan sa baba.
Pagbaba ay nairita kaagad siya nang makitang maraming tao, puro mga kababayan nila.
Maliit lamang ang bayan nila kaya halos lahat nang nasa bayan nila ay kilala na niya mula pagkabata. Kilala rin kasi siya lalo pa’t sa malilit na paligsahan sa pag-awit siya noon nagsimula.
“Naku, gising na pala ang anak mong artista, Lupe!” sigaw kaagad ni Aling Conchita nang makita ang pagbaba niya sa hagdan.
Puro “ang ganda ganda mo, hija!” ang mga sumunod na narinig niya sa mga bisita.
Hindi niya ikinatuwa ‘yon. Ayaw niyang nakikihalubilo sa mga kababayan nila dahil panay ang post ng mga ito ng selfie sa social media kasama siya, at ‘yon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay may imahe pa rin siya na “mula sa hirap.”
“Hija, pa-picture naman! Gustong-gusto ka ng mga apo ko eh, ‘yong mga anak ni Aida, ‘yong dati mong kaklase?” sabi ni Mang Gusting, kumpare ng tatay niya.
Hindi niya ito pinansin at dumiretso sa kusina upang kumuha ng makakain.
Tila napahiya naman si Mang Gusting.
“Hayaan mo muna pare, kakagising lang kasi, baka nagugutom kaya kakain muna,” narinig niyang sabi ng ama sa kumpare.
Pagpunta niya sa kusina ay mas lalo siyang nainis dahil nakita niya doon ang mga dating kaklase na pawang may mga anak na. Dala-dala ng mga ito ang mga anak.
Kagaya ng mga naunang bisita, pawang magagandang bagay tungkol sa kanya ang mga narinig niya sa mga ito, na tipid niya namang tinanguan.
“Sakto, Jennie, binyag ng anak ko bukas, kukunin kitang ninang ha?” May ngiti sa labi ni Yumi, isa sa mga kababata niya.
“Busy ako,” maikling tugon niya.
Tila napapahiyang natahimik naman ang kanyang kababata.
Taliwas sa inaasahan ng lahat, hindi siya nakihalubilo sa mga bisita. Bagkus ay nagdadabog siyang umakyat sa kanyang kwarto matapos kumain.
Inabala niya na lang ang sarili sa panonood ng paborito niyang serye sa Netflix.
Mag-aalas dose na nang makarinig siya ng mahinang katok sa kanyang pinto, bago tuluyang pumasok ang isang pigura.
“Anak, nalulungkot ako sa inasal mo sa mga bisita natin,” may hinampo sa tinig ng kanyang ama.
“’Tay, kaya hindi ako nakakawala sa imahe ko na dati akong mahirap, dahil sa mga kapitbahay natin. Patuloy akong pinagtatawanan ng mga tao dahil sa pinanggalingan ko, ‘tay,” paliwanag niya sa ama.
“Anak, ano bang masama sa pagiging mahirap? ‘Yang mga taong ‘yan, sila ang unang sumuporta sa’yo. Bakit mas inaalala mo ang iniisip ng mga tagahanga mong mababaw ang pagkakakilala sa’yo?” may hinanakit sa boses ng kanyang ama.
“Masaya ako na hindi nagbago ang turing mo sa amin na pamilya mo kahit sikat na sikat ka na. Ngunit sana ay hindi ka rin magbago sa mga kababayan natin dahil parang pamilya na din natin sila, anak,” sabi ng ama na tuluyan nang nakalabas ng pinto bago pa man siya makapiyok.
Iniisip niya ang sinabi ng ama hanggang sa makatulog siya nang gabing iyon.
Nagising na lamang siya sa patuloy na pag-iingay ng kanyang cellphone.
“Manager Al! Akala ko ba tatlong araw ang bakasyon ko? Bakit ginugulo mo na ako kaagad?” Bungad niya sa manager.
“JENNIE! Emergency!” Sigaw nito na ikinagulat niya.
Kinabahan may ay pinili niyang kumalma. “Anong nangyari?” Tanong niya.
“Yang bruhildang Krista na ‘yan ang may kagagawan! Naalala mo noong nag-dinner kayo sa hotel nung direktor na inaalok kang magbida sa isang pelikula? May mga malisyosong picture na nilabas sa show niya at sa internet, parang pinapalabas na may relasyon kayo!” gigil na gigil ang binabae nang magkwento.
Hindi man lang naalarma si Jennie.
“Hindi siya papaniwalaan ng mga tao. Mahal ako ng fans ko,” kampanteng sabi niya.
“Jennie, ang totoo niyan eh ang dami mo nang bashers. Kahit i-check mo pa,” mabagal na pagbabalita nito.
Nag-check siya ng mga komento. Halos manlumo siya nang makita ang karamihan sa komento ng mga tao. Puro “malandi,” “manggagamit,” “wala naman palang talento” ang nakita niya.
Unti-unti na siyang napaiyak. Bakit tila kay dali naman para sa mga ito ang husgahan siya?
Habang nagbabasa ng mga komento ay may iilang pamilyar na pangalan siyang nakita doon – ang mga kababata niya at kapitbahay nila!
Pulos litrato niya ang nandoon, litrato niya nang sumali siya sa mga singing contest mula pagkabata hanggang sa tumanda siya.
Makikita sa mga komento na pinagtatanggol siya ng mga kababayan.
Gusting Alonzo: Hindi totoong nanggamit ang batang iyan para sumikat. Saksi ako sa mga pinagdaanan niyang hirap bago naabot ang tagumpay.
Yumi Moo: Magaling talaga si Jennie. Deserve niya kung anong meron siya ngayon. Sa school namin noon, siya lagi ang panlaban pagdating sa kantahan. Sana ay ‘wag niyo siyang husgahan.
Ang mahina niyang iyak ay unti unting naging hagulhol. Doon niya napagtanto na tama ang sinabi ng kanyang ama.
‘Yang mga taong ‘yan, sila ang unang sumuporta sa’yo.
Mapait na napangiti si Jennie. Masyado siyang nasilaw sa ningning ng tagumpay, at hindi niya na kita ang ningning ng ng pagmamahal ng mga taong totoong sumusuporta sa kanya.
Paglabas niya ay nagulat siya dahil madami na namang tao sa bahay nila. Gusto daw ng mga ito ipakita ang suporta sa kanya.
Umiiyak na humingi siya ng tawad sa masamang nagawa sa mga kababayan. Nagpasalamat na rin siya sa walang sawang pagsuporta ng mga ito.
Maya-maya pa ay nagkakasiyahan na ulit sa bahay nila. Nang mga sandaling iyon, siya si Jennie na parte ng pamilyang iyon. Hindi siya si Jennie na sikat na singer. Nagsawa ang mga kababayan niya sa kanyang picture at autograph.
Nakita niya ang ang pagtingin ng ama sa dako niya. Tila mas lalo itong naging proud sa kanya.
Kapag narating na ang rurok ng tagumpay, ‘wag na ‘wag tayong makakalimot na lumingon sa pinanggalingan.