Ginaw na ginaw si Mang Tasyo na nakasilong sa isang tindahan. Malakas kasi ang ulan ng gabing iyon, Kahit patang-pata na ang katawan mula sa buong araw na pangangalakal ay hindi pa rin magawang magpahinga ng matanda sapagkat walang masilungan ang kaniyang kariton. Ang maliit at lumang kariton na ang nagsilibing bahay sa matandang pulubing si Mang Tasyo. Ginagamit niya ito sa pangunguha ng kalakal tuwing umaga hanggang hapon at pagdating naman ng gabi ay ito na ang tumatayong kaniyang pahingahan.
“Hoy, tanda! Umalis ka nga sa tapat ng tindahan ko at baka malasin pa ako sa’yo,” wika ng may-ari ng tindahan na kinatatayuan ni Mang Tasyo. “Isama mo na rin iyang kariton mo! Nakahambalang ka rito! Paano makakabili ang mga suki ko?” sigaw pa nito sa matanda.
“Puwede bang makiusap na pumarito muna ako, Ineng, habang malakas ang ulan? Wala kasi akong ibang masisilungan pa,” pakiusap nito sa babae.
“Hindi ko na problema ‘yon! Umalis ka na rito tanda kung hindi tatawag ako sa baranggay!” pananakot ng babae.
Walang nagawa si Mang Tasyo kundi sumugod na lamang sa ulan at tiisin ang lamig ng gabi.
Matagal ng ganito ang sitwasyon ng matanda. Hindi na kasi niya matagpuan ang kaniyang mga kamag-anak matapos siyang pabayaan ng nag-iisa niyang anak nang mamayapa ang kaniyang asawa. Mula noon ay ang lansangan na ang kaniyang naging tahanan.
Kahit na pulubi si Mang Tasyo ay may maganda naman itong kalooban. Sa katunayan nga ay kilala siya ng ibang kapwa pulubi sa kaniyang pagiging matulungin. Kahit kasi salat sa buhay ay nagagawa niyang mag-abot sa mga nangangailangan lalo na sa mga bata.
Tuwing malaki ang kaniyang kita ay nagtutungo siya sa parke upang bigyan ng pambili ng kendi ang mga kabataan doon. Sa ganitong paraan kasi ay naisip niyang panandaliang nilang malilimutan ang kanilang sitwasyon at muli nilang mararamdaman ang kanilang kabataan.
Minsan isang araw ay nagtungo siya sa parke upang muling mamigay ng kendi sa mga bata doon.
“Lolo Tasyo!” masayang wika ni Dodong, isa sa mga bata sa parke. “Ang tagal po namin kayong hinihintay dito,” dagdag pa niya.
“Pasensiya na at natagalan ang Lolo. Kakaunti kasi ang nakukuha kong kalakal mga apo. O siya, paghatian ninyo itong mga kending dala ko,” tugon ng matanda.
Masaya namang naghati-hati ang mga bata sa dala niyang pasalubong.
“Lolo Tasyo, bukas po ay pumunta tayo sa may plaza. May pupunta raw po doon na mamimigay ng tulong para po sa mga kagaya natin. Baka makahingi po kayo roon ng payong na malaki o kaya naman po ay kumot at unan para hindi na po kayo nahirapan diyan sa kariton ninyo. Magiging masarap na po ang inyong tulog,” wika ng bata.
Natuwa naman si Mang Tasyo sa ibinalita ng bata. Kinabukasan ay nagtungo nga si Mang Tasyo sa plaza. Nagbabakasakali siya na may maibigay sa kaniyang kagamitan na pwede niyang pakinabangan. Hindi nga siya nagkamali. Bukod sa libreng check up, sopas at tinapay ay nakatanggap din siya ng isang bagong jaket, isang kumot at maliit na unan. Sapat na ito upang hindi na niya indahin pa ang lamig sa gabi.
Kahit na wala siyang nakuhang payong ay lubusan pa rin ang kaniyang pasasalamat. Kinagabihan ay agad niyang inilatag ang kaniyang sapin at saka inilagay ang kaniyang unan. Isinuot niya ang kaniyang bagong jaket at saka siya humiga sa kaniyang kariton at nagkumot. Lubusang dinama ni Mang Tasyo ang kumportableng pakiramdam na ito. Sa wakas ay hindi na siya mamamaluktot sa lamig tuwing gabi.
Nang ilagay niya ang kaniyang kamay sa bulsa ng jaket upang mainitan ay may nakapa siyang isang maliit na bagay. Agad niya itong kinuha at laking gulat niya na isa itong singsing na may malaking bato. Hindi niya inisip kung tunay ba ito o peke ang nais lamang niya ay maisauli ito sa tunay na may-ari nito.
Itinago niyang mabuti ang singsing. Walang nakaalam na mayroon siyang tinatagong ganitong alahas kundi ang batang si Dodong.
“Lolo Tasyo, dalhin po kaya natin sa sanglaan para malaman natin kung totoo ‘yan. Malay n’yo po biglang yaman n’yo na,” sambit ng bata.
“Hindi ito sa akin, Dodong. Kapag may natagpuan kang bagay at alam mong hindi iyon sa’yo ay hindi mo ito dapat angkinin. Lalo pa kung mukhang mahalaga ito. Marapat na makabalik ito sa may-ari sapagkat kung tunay ito ay alam kong hinahanap na niya ito,” tugon ng matanda. Kahit pa kumakalam ang kaniyang sikmura ay hindi niya inisip na ibenta ito o isanla. Sapagkat naniniwala siya na isang araw ay makakaharap nya ang taong nagmamay-ari dito.
Isang tanghali habang kumakain sa tapat ng isang karinderya ay napanood niya sa telebisyon na isang mayamang lalaki ang naghahanap ng isang singsing. Nang makita nya ang larawan ay tiyak siyang iyon ang singsing na kaniyang pinakatago-tago. Agad siyang nagtungo sa lalaki upang isauli ito.
“Ginoo, matagal ko na po kayong hinahanap. Nais ko pong ibalik sa inyo itong singsing,” wika ni Mang Tasyo sa mayamang lalaki. “Nakita ko ito sa isa sa mga bulsa ng jaket na nakuha ko sa mga social workers sa plaza. Alam kong matagal mo na itong hinahanap,” saad pa ng matanda habang iniaabot ang singsing sa lalaki.
Laking tuwa naman ng lalaki ng makita niya ang singsing.
“Hindi ko po alam kung paano ko po kayo pasasalamatan,” masayang sambit ng lalaki.
“Napakahalaga po ng singsing na ito sa aking pamilya. Pamana pa po ito mula sa aming ninuno. Nagkakahalaga po ito ng labing limang milyong piso. Ibinigay po sa akin ito ng aking ina upang ibigay ko po sa aking mapapangasawa. Maraming salamat po sa pagsasauli nito sa akin,” saad ng binata.
“Sobra po akong humahanga sa inyo. Dahil sa kabila ng inyong kalagayan ay hindi po ninyo nagawang ibenta ang singsing na ito. Marapat po kayong bigyan ng pabuya,” wika muli ng binata. “Tanggapin po ninyo ang isang milyon na ito bilang ganti sa kabutihan na ginawa ninyo sa akin,” saad pa niya.
Laking gulat ni Mang Tasyo sa kaniyang narinig.
“Napakalaking halaga niyan, ginoo. Hindi ko ata matatanggap ang ganiyang kalaking pera. Sapat na sa akin na nakatulong ako sa iyo. Kahit na ako ay isang pulubi ay hindi ko kayang umangkin ng bagay na hindi naman sa akin lalo na alam kong may isang taong naghahanap nito,” tugon ng matanda.
“Malaking maitutulong ng isang milyon na ito sa inyo, tatang. Hayaan po ninyong sa halagang ito ay magbago naman ang takbo ng inyong buhay. Kaya pakiusap po ay tanggapin ninyo na po ang pabuyang nakalaan para sa inyo,” pakiusap ng binata.
Tuluyan nang tinanggap ni Mang Tasyo ang malaking salaping ibinibigay ng binata sakaniya. Tunay na malaking pagbabago ang nangyari sa kaniyang buhay. Ginamit niya ang pera sa pagbili ng isang maliit na bahay upang tuwing tag-ulan ay mayroon na siyang masisilungan. Ginamit niya ang natirang pera upang magtayo naman ng isang tindahan. Naging higit ang pagtulong ni Mang Tasyo sa mga nangangailangan dahil sa nangyaring pag-unlad sa kaniyang buhay. Hindi niya nalimutan ang mga taong kaniyang nakasalamuha sa lansangang matagal niyang naging tahanan.
Talagang may karampatang pabuya ang sinumang tapat sa kanilang kapwa. Nakikita ng Panginoon ang kabutihan at kabusilakan ng puso nino man at sa isang iglap ang lahat ng pagdurusa ay mapapalitan ng ginhawa.