“Pare, baka naman may ekstra ka diyang isang libo, pautangin mo naman ako. Sobrang gipit lang talaga ako ngayon. Parang awa mo na,” sambit ni Tonyo sa kasamahan niya sa trabaho na si Jackson.
“Wala din ako, pare, pasensiya ka na,” tugon naman ni Jackson.
Isang salesman si Tonyo sa isang tindahan ng mga muwebles sa isang mall sa Maynila. Malaki ang pangangailangan ngayon ng binata sapagkat malapit na siyang palayasin sa kaniyang inuupahang silid. Dalawang buwan nang hindi nakakabayad ng renta ang binata. Ipinadala kasi niya halos ang buong sahod niya sa pamilya niya sa probinsiya dahil nagkasakit ang kaniyang ina. Isang linggo pa ang kailangan niyang hintayon bago siya makasweldo. Kumakalam man ang kaniyang sikmura ay patuloy pa rin siya sa pagtatrabaho.
“Sige na naman, Jackson, babayaran agad kita sa isang linggo pagkasahod natin. Kung gusto mo ay samahan mo pa akong magwithdraw sa ATM para sigurado na iaabot ko kaagad sa’yo. Gipit lang talaga ako ngayon,” pagmamakaawa ng ni Tonyo.
“Wala nga, pare. Kung meron naman ako ay agad kang makakahiram sa akin, kaso sa pagkakataong ito ay gipit din ako. Kapag pinalayas ka na lang ng kahera mo ay makituloy ka sa amin ng panandalian kung gusto mo. Pasensiya na at ‘yan lang ang tulong na kaya kong ibigay ngayon sa’yo,” sambit pa ni Jackson.
“Salamat, pare, pasensiya ka na,” malungkot na saad ni Tonyo.
Hapon na at matumal pa rin ang pagdating ng mga tao sa kanilang tindahan. Isa pa ito sa mga pinangangambahan ng binata sapagkat hindi pa niya naaabot ang kaniyang kota para sa buwan na iyon. Nasa patakaran kasi ng kumpanya na kailangan kumota ng mga ito bago matanggap ang kanilang kumisyon at kailangan ito ng binata sapagkat malaking tulong ito sa kanilang kalagayan.
Ilang sandali pa ay may matandang mag-asawa ang pumasok ng kanilang tindahan. Dahil nga kabisado na ng mga kasamahan ni Tonyo ang ugali ng mga matatandang bumibili sa kanila ay agad nila itong iniwasan.
“Nako, Tonyo, tara na at baka mamaya tayo pa ang makatiyempo diyan sa dalawang matandang ‘yan. Hindi matatapos ang mga tanong niyan pagkatapos ay kung hindi mura lang ang bibilhin ay hindi naman pala talaga bibili. Sasabihin sa iyo na babalikan pero kahit pumuti na ang mata mo kakahintay ay hindi na sila babalik. Kaya kung ako sa’yo tara na!” aya ni Jackson sa kaibigan.
Kahit na alam na ito ni Tonyo ay hindi niya magawang talikuran ang dalawang matanda. At isa pa ay naisip niya ang kanyang kota. Hindi niya inintindi ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kaibigan. Agad niyang nilapitan ang mag-asawang matanda.
“Magandang hapon po, ano po ang maipaglilingkod ko?” wika ni Tonyo sa mag-asawa.
“Hijo, baka maaari mo naman kami matulungang maghanap ng mga lamesita? Pagpapatungan lamang ng mga plorera nitong asawa ko,” wika ng matandang lalaki.
Nang marinig ng mga kasamahan ni Tonyo ang nais bilhin ng mag-asawa ay nagtawanan ito. Bukod kasi sa mababang halaga nito ay alam nilang magiging mahaba ang pagpapaliwanag ni Tonyo sa mga ito.
“Ikagagalak ko pong tulungan kayo. Maari po ba kayong sumunod sa akin para maipakita ko po sa inyo kung ano ang meron kami?” tugon ng binata. Saka sila nagtungo sa kinalalagyan ng mga lamesita.
Tulad ng inaasahan naging matagal ang pagpapaliwanag sa matanda at natagalan din maging ang kanilang pagpili. Kahit na nagkakahalaga lamang ng isang libo ang lamesita ay inasikaso pa rin niya ang mga ito.
“Ito ang napili namin,” sambit ng ginang. “Kukuha kami ng dalawa,” sambit pa niya.
Malugod na kinuha ni Tonyo ang mga ito. Ngunit sa kasamaang palad ay wala pa palang mga naka-assemble na mga lamesita. Nakabaklas pa ang mga parte nito at kailangan pang buuin.
“Mahihirapan kami ng asawa ko, hijo. Baka maaaring pakikumpuni mo na?” sambit ng binata.
“Mahal, hindi nga pala ‘yan kakasya sa ating sasakyan,” saad naman ng ginoo.
“Ay, oo nga ano. Hindi ko kaagad ‘yan naisip, mahal. Tama lamang siguro na nakabaklas muna. Kaso hindi ko pa pala maidi-display ang bagong plorera na iniregalo ng ating anak. Sayang naman. Sabik na sabik pa naman ako kanina pa,” wika ng matandang ginang. “Mapag-aaralan kaya natin ‘yan, mahal, kung paano buuin?” tanong muli ng babae.
“Basta nariyan ang papel na kasama niyan, magagawa natin ‘yan. Susundin lang natin ang mga tagubilin,” sagot naman ng ginoo.
Narinig ni Tonyo ang pag-uusap na ito. Dahil nakita niya ang pagkadismaya sa mukha ng ginang ay nag-isip siya ng paraan.
“Ginoo, kung gusto ninyo po ay maaari ko kayong tulungan. Maaari ko pong buuin ang mga lamesita ng libre sa inyong bahay. Malapit na rin naman pong matapos ang oras ko dito sa trabaho. Puwede po ninyo akong daanan mamaya ng sasakyan ninyo sa may labasan mamaya,” mungkahi ni Tonyo.
Lubusang natuwa ang mag-asawa. “Talaga, gagawin mo iyon para sa amin? Mamaya ay hihintayin ka namin sa may labasan,” masayang-masayang wika ng ginoo. “Kita mo na, mahal, mailalagay mo na ang mga plorera mo,” nakangiti niyang sambit sa asawa.
Maya-maya ay lumabas na si Tonyo at natanaw nga niya na naghihintay na ang mag-asawa sa kanilang sasakyan. Sumakay siya sa loob ng sasakyan at saka sila nagtungo sa bahay ng mag-asawa.
Pagkadating sa bahay ng mag-asawa ay napatulala siya sa lawak at ganda nito.
“Kayo lang ho ba ang nakatira dito sa bahay na ito?” wika niya. “Pasensiya na po kung mausisa ako pero sa edad po ninyong ganyan ay dapat may kasama kayo palagi,” sambit pa ni Tonyo.
“Ngayong araw lang. Nasa ibang bansa kasi ang anak namin upang umatend ng seminar doon. Ang mga katulong naman ay pinagbakasyon na rin namin sa kanila para makapagpahinga sila at makasama ang kani-kanilang pamilya,” wika ng ginoo.
Habang binubuo ni Tonyo ang mga muwebles ay naamoy niya ang niluluto ng ginang sa kusina. At dahil nga kanina pa siya hindi kumakain ay patuloy ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Nang matapos niya ang mga lamesita ay lubusan ang naging tuwa ng mag-asawa. Nagmamadaling idinisplay ng babae ang kaniyang mga plorera.
“Bagay na bagay, mahal!” natutuwang sambit niya sa asawa.
“Kumain ka na muna rito, Tonyo. Nagluto ako ng pochero,” sambit pa ng ginang. Kahit nahihiya ang binata at pinaunlakan na rin niya ito sapagkat gutom na gutom na talaga siya.
Habang naghahapunan ay nagtanong ang mag-asawa tungkol sa buhay ng binata. Doon nga niya nasabi na may sakit ang kaniyang ina na nasa probinsiya ngayon.
“Maaari kitang matulungan diyan,” wika ng matandang lalaki. “Isa akong retiradong doktor at ang asawa ko naman ay dating guro. Ang anak ko naman ngayon na nasa ibang bansa ay doktor rin. Maaari kitang irekomenda sa kaniya at sa iba pang mga espesiyalista kung nanaisin mo. Sa gayon ay maipapagamot mo na ang iyong nanay ng wala gaanong iniintindi,” sabit ng ginoo.
Laking tuwa ni Tonyo sa kaniyang narinig. Magiging malaking tulong ito sa kanilang pamilya kapag nagkataon. Matapos maghapunan ay aalis na rin si Tonyo. Bago lumabas ng pinto ay tinawag siya ng mag-asawa.
“Iuwi mo na ang mga ulam na ito, hijo, para bukas ay may almusal ka,” wika ng ginang.
“Nais naming magpasalamat sa iyo sapagkat alam naming lampas na ito sa iyong tungkulin. Ngunit pinaunlakan mo pa rin ang mga matatandang tulad namin. Tunay na busilak ang iyong puso,” dagdag pa niya.
Maya-maya ay may iniabot na sobre naman ang ginoo sa binata. Hindi na ito binuksan ni Tonyo ngunit sa labas ng sobre ay may nakasulat na “salamat”. Nang makasakay ng dyip si Tonyo pauwi ay laking tuwa niya na may uulamin na siya kinabukasan. Nang silipin niya ang sobra ay lalo niyang ikinagulat ang tatlong libong piso na ibinigay sa kaniya ng mga asawa.
Napaiyak na lamang siya sa galak sapagkat ang nais lamang niya ay tumulong sa dalawang matanda. Hindi niya akalain na malaki pala ang magiging balik nito. Sa wakas ay hindi naa siya paaalisin sa kaniyang tinutuluyan at may ekstra pa siyang panggastos. Ngunit ang pinaakamahalaga sa lahat ay tutulungan siya ng mag-asawa na ipasuri ang kaniyang nanay sa espesiyalista upang maging mabilis na ang paggaling nito.
Nagtungo nga ang binata sa mag-asawang matanda upang hingin ang tulong ng mga ito sa pagpapatingin ng kaniyang ina. Naging malapit niyang kaibigan ang mag-asawa. Na-promote naman si Tonyo sa kaniyang trabaho sapagkat pagkatapos ng nangyari sa kanila ng mag-asawang matanda ay napagtanto niyang mas pagbutihan pa ang kaniyang trabaho.
Tunay nga na ikaw ay pagpapalain kung magiging taos sa puso mo ang pagtulong sa iyong kapwa.