“Sis, naamoy mo na naman ba ‘yung granada kanina?” tanong ni Friday sa kaniyang katrabaho, bigla namang itong napahagalpak.
“Hoy! Sobra ka! Hindi granada ‘yon! Hininga lang ‘yon!” sagot ni Diva saka tumawa ng mas malakas.
“Eh, parang granada, eh. Parang malalagutan ako ng hininga nang dahil sa amoy! Hindi ba siya marunong magsipilyo? Sayang naman ‘yung galing niya sa trabaho kung pagharap niya sa kliyente, bigla itong tatakbo palayo dahil sa baho ng hininga niya!” dagdag pa ni Friday, halos hindi na makahinga sa kakatawa ang kaniyang katrabaho.
“Ang tanong, uubra pa kaya ang sipilyo sa kaniya? Amoy imburnal na, eh!” dagdag naman ng kaniyang katrabaho saka hinampas-hampas ang lamesa sa kakatawa.
“Siraulo ka!” sigaw ng dalaga saka bahagyang sinabunutan ang katrabaho.
“O siya, balik na ako sa trabaho!” pamamaalam niya.
“Goodluck! Katapat mo pa naman ang imburnal!” sabi ng kaniyang katrabaho sabay takip sa kaniyang ilong.
“Oo nga, eh. Malas ko talaga, araw-araw ako nagtitiis doon!” tugon niya sabay kamot sa kaniyang ulo. Nagtawanan muli sila ng kaniyang katrabaho. Mayamaya, dumating na ang kanilang boss dahilan upang mataranta siyang bumalik sa kaniyang lamesa.
Kilala bilang “Mga Dilang Mapanghusga ng Opisina” ang dalawang magkaibigan. Lahat kasi ay kanilang pinapansin at nilalait. Madalas hindi nila sadyang napapahiya ang ilan nilang katrabaho dahil sa kanilang mga biro.
Sa katunayan pa nga, muntik nang matanggal sa trabaho ang dalawa nang minsan nilang tawaging “baboy” ang kanilang matabang boss. Narinig kasi sila nito, buti na lamang mabait ito at naawa nang minsan nilang idahilan ang kanilang pamilya.
Ngunit imbes na matuto, lalo pang lumala ang pangungutya ng dalawa. Ang puntirya naman nila ngayon, ang kanilang katrabahong si Facie, na sabi nila, mala-imburnal at granada raw ang hininga.
Agad na nagtungo si Friday sa kaniyang lamesa nang makita ang kanilang amo. Sa isip-isip niya, “Ayan na naman ang matabang hukluban, nakakainis! Hindi na naman kami makakapag-usap ni Diva!”
Ngunit pagkaupong-pagkaupo niya, agad na bumungad sa kaniya ang mabahong amoy mula sa bibig ng kaniyang kaopisina. De-aircon pa naman ang silid at kulong, kaya langhap na langhap niya ang nakakasulasok na amoy.
Sisigawan niya na sana ito ngunit narinig niya na may kausap ito sa cellphone. Dahil nga numero-uno ring tsismosa, tiniis niya ang amoy at nakinig sa usapan. Sakto namang naka-loud speaker ang cellphone nito dahilan para pati sinasabi ng kausap nito, marinig niya.
“Ayos lang po, nanay. Hindi ko po talaga kinain ‘yan, alam ko pong wala kayong kakainin, eh,” sagot ni Facie.
“Naku, ayos lang naman ako, anak. Palagi ka na lang pumapasok sa trabaho na walang laman ang iyong sikmura. Tapos ngayong tanghalian, ayaw mo pang kumain,” tugon ng isang matandang boses sa kabilang linya.
“Saktong pamasahe na lang kasi nanay ang pera ko, huwag niyo po ako alalahanin, ayos lang po ako. O pano, ‘nay, baba ko po muna, ha? Magtatrabaho na po ako,” tugon naman ng dalaga, tila parang may mabigat na tumama sa puso ni Friday nang marinig ang pag-uusap na iyon.
Naisip niya, kahit kailan, hindi niya nakayanang hindi kumain at malipasan ng gutom. Bukod pa doon, kahit kailan rin, hindi nagawang mag-alala ng kaniyang ina kung nakakain na ba siya dahil nga sa may edad na siya. Magkahalong awa at inggit ang naramdaman niya dahilan upang pumuslit siya muli at magtungo sa opisina ng kaibigan.
Doon niya ikinuwento sa kaibigan na marahil kaya ganoon na lamang ang amoy ng hininga ng dalaga ay dahil nagpapalipas ito ng gutom o kung minsan, hindi na talaga kumakain. Lubos naman itong nalungkot at nakaramdam ng pangongonsensya dahil sa kanilang pang-aalipusta dito.
Upang makabawi, napagdesisyunan nilang bilhan ito ng pagkain, labis naman ang pagkagulat nito nang iabot nila ang isang paper bag may lamang pananghalian.
Simula noon, araw-araw na nila itong niyayayang kumain dahilan upang lubos nila itong makilala. May kabaitan ito at malapit sa Diyos. Minsan silang binahagian nito ng mga salita mula sa bibliya at doon sila lubusang natauhan. Napagtanto nilang mali lahat ng kanilang ginagawang pangungutya at nagdesisyon silang tigilan na ito.
Lumipas ang isang buwan, ang dating mga dilang mapanghusga, ganap na ngayong mabubuting dilang pilit binago ang sarili upang hindi na muli makapagbaba ng tao.
Napansin ng kanilang boss ang pagbabago sa kanilang kilos at pananalita dahilan upang i-promote sila nito at bigyan ng dagdag na sweldo na labis naman nilang ikinatuwa.
Hindi ka kailanman matutulungan ng iyong mapanghusgang dila. Subukan mo itong gamitin sa kabutihan, tiyak mag-uumapaw ang mga biyayang iyong matatanggap.