Inday TrendingInday Trending
Sakripisyo Para Sa Pamilya

Sakripisyo Para Sa Pamilya

“Papa, huwag ka na po kaya mangibang-bansa? Dito ka na lang po magtrabaho sa Pilipinas, para po makasama ka rin namin ni mama,” pakiusap ni Shawn, na noon ay labing limang taong gulang pa lamang.

“Shawn, anak, kailangan, eh. Mas malaki ang pera doon. Kapag do’n ako nagtrabaho, malaki ‘yung tiyansa mong makapagkolehiyo. Isa pa, makakaalwan tayo sa buhay kahit paano. Ayokong makita kayong nahihirapan ni mama mo,” paliwanag ni Mang Danilo sa kaniyang anak na malapit nang umiyak, isang oras na lamang kasi at kailangan nang pumasok ng lalaki sa loob ng airport.

“Pe-pero papa, ayoko na po magkolehiyo kung malalayo ka naman sa amin!” sagot ng binata saka tuluyan nang humagulgol, labis na lamang ang higpit ng kaniyang yakap sa kaniyang ama.

“Shawn, kailangan mo ‘yun. Hindi habambuhay ay nasa tabi mo kami. Siyempre kapag nasa tamang edad ka na, bubuo ka na ng pamilya. Anong ipapakain mo sa kanila kung wala kang natapos? Hahayaan mo ba silang magutom?” tanong ni Mang Danilo, umiling-iling naman ang kaniyang anak.

“O, ganon rin si papa, kaya isipin mo na lang, ginagawa ko ito para sa inyo ni mama, ha? Huwag ka na malungkot, babalik pa naman ako,” sambit niya pa, kahit pa ang sakit sakit na para sa kaniya ang nangyayaring pagmamakaawa ng kaniyang anak, pilit niya itong nilabanan at pinatatag ang loob upang sa ganoon, matupad niya ang kaniyang pangako sa sariling iaahon niya sa kahirapan ang pamilya.

Dali-dali na siyang pumasok sa airport at maya-maya pa, nakalipad na bitbit-bitbit ang kaniyang pangarap para sa pamilya.

Laki sa hirap si Mang Danilo. Bata pa lamang siya nang mawala ang kaniyang ama kaya bilang panganay sa magkakapatid, siya ang pumalit bilang haligi ng tahanan. Hindi niya nagawang makapag-kolehiyo dahil sa kakulangan nila sa pera. Ito rin ang naging dahilan upang magtrabaho siya sa murang edad bilang isang construction worker, matustusan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya at pambaon ng dalawa niya pang kapatid.

Dahil sa pagsasakripisyo niyang ito, nagawa niyang mapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga kapatid. Sumubok pa siya ng ibang trabaho dahilan upang matustusan niya ang pag-aaral sa kolehiyo ng mga ito. Ngunit sa kasamaang palad, may edad na siya noong matapos ang mga ito sa pag-aaral, dahilan upang hindi niya na muling ipagpatuloy ang pag-aaral.

Bukod pa dito, buntis na rin noon ang kaniyang nobya na ngayo’y asawa na niya. Lumipas ang ilang mga taon at tila nabaliktad na ang mundo. Dahil ang dating mga kapatid na tinutulungan niya, ang siya nang tumutulong sa kaniya.

Sila rin ang nagpadala kay Mang Danilo sa ibang bansa upang doon magtrabaho bilang construction worker. Ngunit tila nilalapirot ang kaniyang puso dahil sa lubos na pagkalungkot ng nag-iisa niyang anak na sobrang lapit sa kaniyang puso.

Upang hindi na ito labis na umiyak, nagpakuha na lamang sila ng litrato tapos noon, agad na siyang pumasok sa airport. Tila labis na rin kasi ang kalungkutang nararamdaman niya.

Naging maayos naman ang kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa ngunit lumipas lamang ang dalawang buwan, tila lumabas na ang tunay na ugali ng kaniyang amo doon. Tinanggalan siya nito ng cellphone, dahilan upang hindi niya makamusta ang kaniyang pamilya, kaya naman tanging ang nag-iisa nilang family picture ang lagi niyang sinusulyapan sa tuwinang nalulungkot at nais kamustahin ang kaniyang mag-ina.

Ngunit pati ito, kinuha at pinunit ng among hapon sa kaniyang harapan.

“Wala ka talagang puso! Alam mo bang ‘yan na lang ang tanging alaala ng mag-ina ko? Tinanggalan mo na nga ako ng cellphone, pati ba naman ang family picture namin na wala namang kasalanan sa’yo, ipagkakait mo sa akin? Pauwiin mo na ako! Hindi ko na kaya! Akin na ang sweldo ko!” tila sumabog na galit ang lalaki, hindi siya maintindihan ng hapon ngunit ramdam nito ang kaniyang galit dahilan upang ipabugbog siya sa iba niyang mga katrabaho.

“Para sa pamilya ko, sige! Saktan niyo ako! Pero hindi ito makatao!” iyak niya habang sinusuntok at tinatadyakan siya ng mga trabahador

Nagising na lamang siyang sobrang sakit ng kaniyang katawan at nasa ospital na. Labis niyang ikinagulat nang marinig ang boses ng kaniyang bunsong kapatid.

“Bunso? Ikaw ba ‘yan?” sigaw niya upang makuha ang atensyon ng dalagang nakatikod habang kausap ang isang doktor. Agad itong lumingon at tila ganon na lamang ang pag-agos ng kaniyang luha ng malamang kapatid niya nga ito.

Agad siya nitong nilapitan at niyakap. Doon pinaliwanag nito na labis silang nag-alala nang hindi siya nangangamusta dahilan upang tawagan nila ang kompanyang may hawak sa kaniyang kuya. Ngunit walang sumasagot dito kaya napagdesisyunan nitong puntahan na lamang siya.

Sabi pa nito, “Alam mo ba kuya, saktong-sakto ang dating ko doon! Kitang-kita ko kung paano ka pagtulungan ng mga iyon! Buti na lang nagpasa ako sa mga pulis, kaya ayun, yung amo mong hapon, nasa kulungan na ngayon. Hindi ko papalampasin ito! Ang kuya kong dahilan ng pag-angat ko sa hirap, ibababa nila masyado? Hindi maaari! Lalaban tayo!” ‘ika ng bunso niyang kapatid, bakas sa boses nito ang pagkainis at galit.

Katulad ng sinabi nito, inilaban nila ang kaso ni Mang Danilo, sa kabutihang palad naman, nanalo sila sa kaso ito at tuluyan ng naipasara ang kompanya at naikulong ang may-ari.

Masaya namang umuwi sa Pilipinas ang lalaki kasama ng kaniyang kapatid. Labis na lamang ang iyak ng kaniyang anak ng makita siya. Agad nitong tinanong kung bakit siya binugbog ng kaniyang amo. Agad siyang sumagot, “Pinunit niya kasi ang family picture natin,” dahilan upang lalong umiyak ang binata. Doon niya lalong naramdaman ang pagmamahal ng kaniyang ama.

Simula noon, hindi na muling sumubok mangibang-bansa ang lalaki. Nagtayo na lamang siya ng maliit na negosyo sa tulong ng kaniyang mga kapatid dahilan upang maipasok niya sa kolehiyo ang kaniyang anak na hindi naman kalaunan, naging isang ganap na inhinyero.

Kapag pagmamahal talaga ang itinanim, pagmamahal rin ang iyong aanihin.

Advertisement