“Boss, baka naman po pwede niyo akong ipasok bilang kargador niyo, kailangang-kailangan ko po kasi talaga ng pera. Nasa peligro po ‘yung buhay ng mag-ina ngayon,” pagmamakaawa ni Tasyo sa may-ari ng isang sikat na panaderya habang nag-aayos ito ng mga paninda.
“Nako, hijo, sa iba ka na lang pumasok ng trabaho. Marami na kaming tauhan ngayon,” sagot nito saka bumalik sa kaniyang ginagawa.
“Sige na po, boss. Kahit isang linggo lang po, kailangang-kailangan ko lang po talaga ng pera. Buhay po ng mag-ina ko ang nakataya ngayon,” pagpupumilit ng lalaki, ngunit tila bahagyang nainis sa kaniyang ang may-ari.
“Ay, Diyos ko! Huwag mo na ako abalahin, pwede? Marami akong ginagawa! Saka tingnan mo nga ‘yang sarili mo, wala ka man lang suot na tsinelas? Paano ka pagkakatiwalaan ng mga customers ko kung ganyan ang itsura mo? Lakad, humanap ka ng tsinelas at bibigyan kita ng trabaho!” iwka nito, tila naantig siya sa pinagdadaanan ng lalaki.
“Ka-kaso po, wala po talaga akong tsinelas. Wala rin po akong pera ni singko pambili,” daing ni Tasyo dahilan para mag-albutoro ang may-ari.
“Hindi ko na problema ‘yon!” sigaw nito sabay pasok sa naturang panaderya.
Bunsod ng kahirapan, hindi nagawang makapag-aral kahit pa hayskul si Tasyo. Sa murang edad, nabatak ang kaniyang katawan sa iba’t-ibang uri ng trabaho. Huli siyang nakapagtrabaho sa isang karinderya malapit sa pinapantasya niyang paaralan ngunit isang taon pa lamang siya doon, tinanggal na siya. Ito ay dahil nalaman ng kaniyang amo na siya pala ang ama ng pinagdadala ng unica hija nito.
Parehas silang pinagtabuyan ng ginang. Sa katunayan nga, sa loob ng ilang buwang pagbubuntis ng dalaga, sa barung-barong lamang sila namalagi. Dahilan upang kumayod ng doble ang binata. Ngunit tila lagi siyang nasisisante dahil sa kadungisang mayroon siya.
Dumating ang araw ng panganganak ng kaniyang nobya ngunit tila wala pa rin siyang trabaho dahilan upang magmakaawa na siya sa may-ari ng isang panaderya ngunit kung minamalas nga naman, gusto nito na magsuot siya ng tsinelas, na kahit kailan hindi siya nagkaroon.
Pagkatapos siyang sigawan ng may-ari ng panaderya, dahan-dahan siyang naglakad palayo dito. Halos pasan niya ang buong mundo sa bigat ng kaniyang kinakaharap na pagsubok.
Napadaan siya sa isang kainan, pinagmasdan niya ang mayayamang taong masayang kumakain dito. Ngunit tila nadagdagan lang ang kaniyang hinanakit sa mundo kaya napagdesisyunan niyang umalis na.
Pero pagtalikod niya, may isang kahong umagaw ng kaniyang atensyon. Nakapatong ito sa isa sa mga kotseng naka-park sa harap ng naturang kainan. Agad niya itong pasimpleng kinuha, saka binuksan.
Halos lumuwa ang kaniyang mata sa ganda ng isang pares na sapatos na bumungad sa kaniya. Halata sa kalidad nito na nagkakahalaga ito ng libo-libo. Ngunit kahit pa ganoon, hindi naisip ng lalaki na ipuslit ito o suotin man lang para makapasok na sa trabaho, bagkus nag-isip siya ng paraan upang matunton ang may-ari ng naiwang sapatos.
“Kahit na mabigat ang problema, hindi solusyon ang pagnanakaw para maibsan ‘yon,” pangungumbinsi nito sa sarili.
Kinuha ni Tasyo ang plate number ng sasakyan kung saan niya natagpuan ang sapatos at nagdesisyong pumasok sa naturang kainan upang hanapin kung sino ang may-ari nito. Ngunit ayaw siyang papasukin ng guwardiya dahil sa kaniyang itsura.
Hanggang sa may humahangos na lalaki ang lumabas sa kainan at tila tumigil sa sasakyan kung saan niya natagpuan ang sapatos. Agad niya itong nilapitan at nagtanong, “Sir, ito po ang hinahanap niyo?” nagulat naman siya ng bigla siyang yakapin nito at nagtutumalon sa tuwa.
“Naku, maraming salamat! Daang libo ang halaga nito! Marami talagang salamat!” mangiyakngiyak na ‘ika nito saka siya niyayang kumain sa loob.
“Hindi na po, sa katunayan po, nasa peligro ang buhay ng mag-ina ko ngayon, hindi ko rin po maeenjoy ang pagkain d’yan,” kamot ulong sagot ni Tasyo at doon na nang-usisa ang may-ari ng sapatos.
Sa kabutihang palad naman binigyan siya nito ng pera na sakto sa pambayad niya sa ospital. Sabi pa nito, “Bibigyan kita ng trabaho, puntahan mo ako dito bukas ng tanghali,” doon niya nalamang ito pala ang may-ari ng sikat na kainan na ito. Labis ang tuwa ng lalaki at nagmadaling pumunta sa ospital.
Matagumpay namang naisilang ng babae ang kanilang anak kahit pa hiniwa ang tiyan nito dahil nakapulupot ang pusod ng sanggol sa kaniyang leeg. Hindi matanggal ng lalaki ang ngiti sa kaniyang mga labi nang malamang ligtas pareho ang kaniyang mag-ina.
Bumalik nga kinabukasan ang lalaki sa naturang kainan. Binigyan siya ng damit at sapatos nito upang magamit sa pagtatrabaho.
“Tapat na empleyado ang kailangan ko tulad mo. Sige na, kunin mo na yung mga order nung nasa table na ‘yon,” ‘ika nito.
Unti-unting nakabangon ang lalaki sa delibyung naranasan niya dahil sa katapatang ginawa niya. Ngayon, bukod sa nakabuo siya ng pamilya, may permanente pa siyang trabaho.
Kapag katapatan talaga ang iyong pinairal, uulanin ka ng biyaya.