Kanina pa nakatingin sa kanyang laptop ang manunulat na si Rachelle subalit wala siyang maisip na isulat. Sa tabi ng laptop, makikita ang isang puswelo ng kape na naubos na niya laman. Walang pumapasok sa isip ni Rachelle.
Manunulat ng mga kuwento ng romansa si Rachelle sa isang blog site sa social media. Noong hindi pa nauuso ang social media ang mga blog sites, sa isang publishing house na gumagawa ng mga pocketbooks nagsusulat si Rachelle. Subalit lumamlam ang mga mambabasa ng pocketbooks simula nang mauso ang mga online books. Kaya minabuti niyang magresign sa naturang publishing house at maging full-time na manunulat na lamang kahit home-based.
Talagang mahusay sa paghabi ng mga salita at pagbuo ng mga kuwento si Rachelle. Pumapatok naman sa mga mambabasa ang kaniyang mga isinusulat. Subalit sa mga nagdaang buwan ay tila nawawalan ng alab ang kaniyang passion sa pagsusulat. Kulang sa inspirasyon. Hindi niya alam kung bakit tila lagi siyang nakararamdam na may kulang sa buhay niya. Nakaapekto ito sa kaniyang pagpapasa ng manuskrito kaya lagi siyang pinagagalitan ng editor.
“Ano bang nangyayari sa iyo Rachelle? Hindi ka naman dating ganyan? Ano nang nangyari sa efficiency?” tanong sa kaniya ni Agot, ang kaniyang editor. Nagtungo siya sa tanggapan nito.
“Pasensya na po. Medyo kinakalawang tayo ngayon. Pero don’t worry po, magko-comply naman po ako. Medyo marami lang pinagkakaabalahan,” sagot ni Rachelle.
“Noong nakaraang buwan ganyan din ang sinabi mo sa akin eh. Sana naman ngayon may maipasa ka na. Nakaabang na ang mga readers mo,” turan ni Agot.
Minabuti ni Rachelle na itupi muna ang kaniyang laptop. Kinuha niya ang smartphone at nagbukas ng social media. Nagtungo siya sa solo traveler’s group. May nakita siyang nag-aaya ng solo travel patungo sa Tagaytay sa halagang 700 piso. Mamayang madaling-araw ang alis. Nakipag-ugnayan siya sa nagpost nito at nagkasundo sila. Ito ang gusto niya. Nag-empake siya ng gamit.
Alas tres ng umaga ay nasa meeting place na si Rachelle. Pito raw silang solo traveler na sasakay sa naturang van. Bago mag alas tres y media ay dumating na ang iba pang solo traveler. Nakatabi ni Rachelle ang isang gwapong lalaki na napakabango ng amoy.
Habang sila ay nasa unang itineraryo, kinausap siya nito.
“Ikaw lang mag-isa?” tanong ng lalaki.
“Obvious ba kuya?” nakangiting sabi ni Rachelle.
“Kevin nga pala,” pagpapakilala nito. Tinitigan muna ni Rachelle ang nakalahad na palad nito bago tinanggap.
“Rachelle,” sabi niya.
“Alam mo kapangalan mo yung paborito kong manunulat sa blog site na fina-follow ko. Ang galing niya kasi eh. Parang totoong-totoo yung mga sinusulat niya. Maganda rin ang twist ng mga kuwento kaya nakakahook,” sabi nito.
Natitiyak ni Rachelle na siya ang tinutukoy ng lalaki subalit hindi na lamang siya kumibo.
“Talaga? Naiinspire ka ba sa mga nababasa mo sa kaniya?” tanong ni Rachelle.
Napasulyap sa kaniya si Kevin.
“Alam mo kasi hopeless romantic ako. Mas mahalaga sa akin ang career kaysa lovelife. Kaya iyon ang nagiging daan ko para makaramdam man lamang ng kilig. Kaya binabasa ko ang mga gawa niya,” sagot ni Kevin.
Naging magaan ang loob ni Rachelle kay Kevin. Sa buong panahon ng tour ay silang dalawa ang magkasama. Kung ano-ano ang kanilang mga napag-usapan. Subalit sa buong panahon ng kanilang pagsasama ay hindi inamin ni Rachelle na siya ang manunulat na tinutukoy nito.
Nang sila ay makabalik sa Maynila, hiniling ni Kevin na makuha ang kaniyang numero at pati na rin ang social media account. Nagpaunlak naman si Rachelle. Habang nasa daan pauwi ay magkatext at magkausap na sila.
Pagkauwi sa bahay, nakaramdam ng sigla si Rachelle. Binuksan niya ang laptop. Nagtungo siya sa kanilang blog site at inisa-isa ang mga komento ng mga readers niya sa kaniyang gawa. Puro papuri ang mga nabasa. Isa sa mga profile na naroon ang pamilyar sa kaniya. Larawan ni Kevin ang kaniyang nakita. Napangiti si Rachelle.
Napagtanto ni Rachelle na sumusulat siya araw-araw, na bukod sa kaniyang pansariling kagustuhan, ay para sa kaniyang mga mambabasa na nabibigyan niya ng sigla at inspirasyon, mula sa kaniyang mayamang imahinasyon. Simula noon, naglagablab ulit ang panulat ni Rachelle. Regular na rin silang nagkita ni Kevin at inamin niya rito na siya ang iniidolo nitong manunulat.
Niligawan siya ni Kevin at sinagot naman niya ito. Makalipas ang dalawang taon, sila ay lumagay na sa tahimik at nagkaroon ng dalawang anak.