Mabilis na sumakay si Yves sa loob ng dyip nang huminto ito sa kaniyang tapat. Dahil maluwag pa naman ang dyip, minabuti niyang pumwesto at maupo sa bandang dulo, sa likod ng driver. Mas maayos na iyon upang hindi siya makapag-abot ng bayad. Baka kasi mabitiwan na naman niya.
Nakatabi ni Yves ang isang babaeng tila kolehiyala. Katapat naman niya ay isang babaeng halos lumuwa na ang dibdib sa suot na damit. Saktong napatingin siya rito at gumalaw ang kanang mata. Hindi niya mapigilan. Hindi niya makontrol.
Akala ng katapat na babae ni Yves ay kinikindatan niya ito. Umirap ito sa kaniya at nagbaling ng tingin. Subalit sa tuwing mapapatingin ang babae sa kaniya, nasasaktuhan nito ang hindi mapigilang pagkurap ng isang mata ni Yves.
Nagsimula na ring gumalaw nang kusa ang kaliwang binti ni Yves na tila nanginginig. Tinangka niya itong pigilan subalit tila may sariling utak ito sa paggalaw. Nakakahiya dahil babae pa naman ang kaniyang katabi. Napatingin sa kaniya ang katabi.
Nang may bumaba sa kanilang hilera, mabilis na umusod palayo sa kaniya ang katabi. “Manyakis…” bulong nito. Pinandilatan din siya ng kaniyang kaharap na babae.
“Hoy kuya bakit ka kumikindat-kindat sa akin? Ang bastos mo naman!” bintang nito sa kaniya.
Dahil nakatingin na sa kanila ang mga pasahero, napilitang magpaliwanag ni Yves.
“Hindi ko sinasadya. Hindi ko mapigilan,” sabi ni Yves na ang tinutukoy ay ang paggalaw ng mga bahagi ng kaniyang katawan na hindi niya makontrol.
“Bastos! Hindi mo mapigilan ang kam*nyakan mo?” galit na sabi sa kaniya ng babaeng kaharap.
Mabuti na lamang at malapit nang bumaba si Yves kaya tahimik na lamang syang bumaba mula sa dyip at naglakad patungo sa kaniyang trabaho.
Bata pa lamang si Yves ay suliranin na niya ang hindi makontrol na pagkurap ng kaniyang kanang mata at paggalaw ng kaliwang binti na tila nanginginig. Tourette Syndrome daw ang tawag dito.
Ayon sa kaniyang pananaliksik, ang Tourette Syndrome ay isang kondisyon kung saan hindi mapigilan o makontrol ng isang tao ang paggalaw ng bahagi o mga bahagi ng katawan. Wala itong lunas subalit may gamot na maaaring inumin upang hindi mapadalas ang paggalaw ng mga ito.
Sanay na si Yves na laging napagkakamalang m*nyakis o kakaiba dahil sa kaniyang kondisyon. Madalas siyang maging tampulan ng tukso noong bata pa lamang siya. Ginagaya ng kaniyang mga kaklase ang kaniyang pagkindat-kindat.
Habang naglalakad, may tumawag ng kaniyang atensyon. Ang babaeng katabi niya kanina sa dyip.
“Kuya, kuya. Sandali lang…” sabi nito sa kaniya.
“Anong problema?” tanong ni Yves sa babae.
“Sandra nga pala,” pagpapakilala ng babae, Inilahad nito ang kanang palad at nakipagkamay sa kaniya. “Gusto ko sanang humingi ng dispensa sa ginawa ko sa iyo kanina. Akala ko kasi m*nyakis ka e.”
“Wala na iyon. Sanay na naman ako sa mga ganoon. Sobrang ayos lang miss, huwag kang mag-alala,” nakangiting sabi ni Yves sa nagpakilalang si Sandra.
“Narinig kong sinabi mo na may Tourette Syndrome ka? Ganiyan din kasi ang kondisyon ng pamangkin ko. Kaya nauunawaan kita. Pasensya ka na kanina. Akala ko kasi pervert ka. Minsan kasi ganoon ang mga pervert na nakakasakay ko sa dyip,” muling paghingi ng dispensa ni Sandra.
“Miss ayos na sa akin iyon. Nag-abala ka pang bumaba,” turan ni Yves.
“Bukod kasi sa gusto kong humingi ng pasensya sa iyo, gusto sana kitang maimbitahan sa organisasyon para sa mga kagaya ninyong may Tourette Syndrome. Naglulunsad kasi iyon ng awareness sa mga tao hinggil sa ganiyang sitwasyon. Baka kako gusto mong sumali,” sabi ni Sandra.
Dahil papasok sa trabaho si Yves, kinuha na lamang niya ang cellphone number ni Sandra upang mapag-usapan nila ang tungkol sa naturang samahan sa susunod na araw na libre ang kanilang oras.
At sa araw ng Sabado, muli silang nagkita ni Sandra. Sinamahan siya nito sa binanggit nitong organisasyon ng mga taong nakararanas ng Tourette Syndrome. Nagulat siya dahil marami pala sila. Agad siyang sumali rito. Gusto niyang makilala ang iba pang mga taong kapareho niya ng sitwasyon upang malaman niya kung paano nila nilalabanan ang panghuhusga ng lipunan patungkol sa kanila.
Unti-unti ring nahulog ang loob ni Yves kay Sandra. Hindi na rin nila ito napigilan o nakontrol, tulad ng Tourette Syndrome. Niligawan niya ito. Sinagot naman siya nito. Naging magkasintahan sila sa loob ng dalawang taon hanggang mapagpasyahan nilang magpakasal.
Makalipas lamang ang ilang buwan at nagdalantao si Sandra. Suwerte naman na wala itong Tourette Syndrome. Hindi makapaniwala si Yves na ang kondisyong kinamumuhian niya ang magiging susi upang mahanap niya ang panghabambuhay na kaligayahan.