Nagtungo sa tanggapan ng baranggay si Larry matapos makatanggap ng subpoena. Ipinatawag pala siya roon dahil gusto nang bawiin ng dati niyang kinakasama ang anak na nananatiling nasa poder niya.
“Pero kap, ako ho ang nagpalaki at nagpapaaral sa bata! At kahit naman hindi ho siya sa akin nanggaling ay mahal na mahal ko siya. Huwag n’yo sanang hayaang kunin na lang siya sa akin!” nanlulumong pakiusap ng lalaki sa kapitan ng kanilang baranggay.
Ngunit hindi pa man nakasasagot ang kapitan ay agad nang sumingit si Karen, ang dati niyang live-in partner. “Aba, bakit? Anak ko iyon, ah! Wala kang karapatan sa bata. Hindi mo kaano-ano ’yan!” sabi nito sa galit na tono.
“Bakit din? Ako naman ang naghirap para sa bata. Noong baby pa siya, ako nga ang nagpapalit ng diaper niya kahit pagod na ako galing sa trabaho. Itinuring kong tunay na anak si Nina, Karen. Huwag mo namang gawin sa akin ’to!” namunuo na ang luha sa mga mata ni Larry.
“Hindi! Basta, Kap, sa akin ho dapat mapunta ang anak ko. Ako ho ang ina. Ako ho ang mas may karapatan!” pagmamatigas ni Karen sa kapitan.
Tatlong taon nang hiwalay kay Larry si Karen simula nang makahanap ito ng bagong nobyo. Iniwan nito sa poder ni Larry ang anak na si Nina na noo’y apat na taong gulang pa lamang, dahil pareho pa silang walang trabaho ng bagong nobyong si Mike. Ngunit nitong nakaraang buwan, matapos niyang matanggap sa inaplayan niyang trabaho ay inutusan siya ng bago niyang kinakasama na bawiin na ang anak na si Nina kay Larry. Bukod kasi sa ayaw daw maiwan ng bago niyang live-in partner sa bahay ng mag-isa ay wala pa itong mautusan man lang na bumili sa tindahan sa tuwing may kailangan ito. Kaya naman mabilis pa sa alas-kuwatrong sumunod sa utos si Karen. Agad siyang nagsampa ng reklamo sa baranggay upang bawiin si Nina sa pangangalaga ni Larry.
Napabuntong-hininga na lang ang kapitan. Naaawa siya kay Larry at naiintindihan niya ang sitwasyon ng lalaki ngunit ayon sa batas ay kay Karen dapat mapunta ang bata. Wala itong magawa kundi ang ipaliwanag kay Larry na kailangan nitong tanggapin ang katotohanan. Tanging visitation rights lang ang kaya niyang ibigay dito.
Luhaang umuwi si Larry sa kaniyang bahay nang hapong iyon. Nadatnan niya ang nagmemeryendang si Nina na mukhang kauuwi lamang galing eskuwelahan. Iniwanan naman niya ito ng pagkain sa ref bago siya umalis kaya’t kampante siyang hindi magugutom ang bata kung sakaling ito nga ang maunang umuwi.
“Papa, umiiyak ka?” nagtatakang tanong ng batang si Nina kay Larry nang mapansing lumuluha ang amain.
“Bakit, papa?” muling tanong nito nang sa paghikbi ay hindi pa rin makasagot si Larry.
Bigla niyang kinabig ang anak at niyakap nang mahigpit. Humagulgol siya sa balikat nito. Pakiramdam ni Larry ay sinasaksak siya nang paulit-ulit sa puso dahil sa kaisipang mawawalay na sa kaniyang piling ang batang itinuring niya nang higit pa sa tunay niyang anak.
“’Nak, tandaan mo lagi, ha? Love na love ka ni papa,” pilit ang ngiting sabi niya sa bata. Kumunot naman ang noo nito na parang nagtataka kung bakit siya humahagulgol ng iyak.
“Bakit, papa?” muling tanong ni Nina.
Umiling lang siya at pinahid ang mga luha. “Sige na, ’nak, ubusin mo na iyang pagkain mo. Mamaya, dadalhin ka ni papa kay mama. Magbabakasyon ka roon, gusto mo ba ’yon?” Pinasigla pa ni Larry ang boses niya para ma-excite si Nina.
“Talaga, Papa? Sasama ka po ba?” tanong naman ng bata sa kaniya.
“’Nak, hindi e. May trabaho kasi si papa, ’di ba? Hayaan mo, dadalawin naman kita roon,” halos pumiyok pa ang boses ni Larry dahil sa pagpipigil niya ng iyak.
Maya-maya lamang ay mabibigat na ang kaniyang mga hakbang patungo sa bahay kung saan nakatira si Karen at ang bago nitong nobyo. Sinalubong sila ng mga ito.
“Nina, anak, lapit ka na kay mama mo, dali!” utos ni Larry kay Nina na agad namang sinunod ng bata. Humalik ito sa pisngi ni Karen at nagmano, tulad ng itinuro niya. Ganoon din ang ginawa nito kay Mike.
Nang iaabot na niya ang mga gamit ni Nina kina Karen at Mike ay parang ayaw niya pa iyong bitiwan. Nakakahiya man ay tila gusto na niyang humagulgol muli ng iyak sa harapan ng mga ito para lang huwag na nilang kunin ang bata sa kaniya.
Wala nang iba pang maisip na paraan si Larry. Nilunok niya ang lahat ng natitira niyang kahihiyan sa katawan at biglang lumuhod sa harap nina Karen at Mike at yumuko.
“Nakikiusap ako sa inyo. Huwag n’yo nang kunin sa akin si Nina. Kahit araw-araw n’yo siyang dalawin, ayos lang sa akin. Bukas ang bahay ko para sa inyo, basta’t hayaan n’yo lang na makasama ko siya,” agos nang agos ang mga luha sa mata ni Larry. Humahagulgol ang lalaki habang nakaluhod. Kulang na lang ay halikan niya ang mga paa nina Karen at Mike para lang pagbigyan ng mga ito ang kaniyang hiling.
Natigilan naman si Karen sa ipinakita ng dating kinakasama. Hindi niya alam na ganito na kalalim ang pagmamahal ni Larry sa kaniyang anak, kahit hindi naman ito sa kaniya nagmula. Ang buong akala ni Karen ay gusto lang gumanti ni Larry sa ginawa niyang pagtataksil kaya ayaw nitong ibalik si Nina sa kaniya, pero mukhang nagkamali siya.
Napagtanto niyang napakasuwerte na pala niya noon kay Larry ngunit nagawa niya pa rin itong pagtaksilan. Ano ba ang nakita niya kay Mike, samantalang napakatamad nitong lalaki? Bukod doon ay napagbubuhatan pa siya nito ng kamay.
Ngayon ay ipagkakait pa ba niya sa anak ang labis na pagmamahal na maaaring ibigay ni Larry?
“Sige na, Larry, tumayo ka na riyan. Ito na ang mga gamit ni Nina. Umuwi na kayo’t gabi na,” naluluhang sabi ni Karen na ikinagulat ni Mike. Ngunit hindi na hinayaan pa ng babae na makapagsalita ito.
“T-talaga, Karen? Salamat! Maraming-maraming salamat!” halos mapatalon si Larry sa tuwa. Muli nitong kinarga si Nina at masaya silang umuwing muli ng bahay.
Makalipas lang ang ilang linggo ay nabalitaan niya mula mismo kay Karen na hiwalay na ito at si Mike. Madalas kasi nitong dalawin si Nina sa bahay nila na labis daw na ikinagalit ni Mike kaya’t napagpasiyahan na ni Karen na makipaghiwalay na lamang sa lalaki.
Sa ngayon ay maganda na ang samahan nina Larry, Karen at Nina. Hinihilom pa ni Larry ang sugat ng nakaraan ngunit sigurado siyang hindi magtatagal at magiging maayos din ang lahat sa pagitan nila ng kaibigang si Karen.
Ano ang natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kuwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.