“Honey, doon ako matutulog kina Kim ha? Kukulutin daw kasi niya ang buhok ko at papagandahin ang mga kuko ko sa kamay,” nakangiting paglalambing ni Michelle sa asawang si Herbert.
“Ganoon ba? O sige, enjoy kayo ha? Basta siguraduhin lang ni Kim na gaganda kang lalo,” nakatawang sagot naman ni Herbert. Malaki ang tiwala niya sa kanyang misis at madalas payagan ito dahil binabae naman ang bespren nitong si Kim.
Magdadalawang taon nang kasal si Herbert at Michelle. Bago pa man sila ikasal ay bespren na nitong si Michelle si Kim, kaya naman kampanteng-kampante ang mayamang negosyanteng si Herbert na patulugin at palaging pasamahin ang kanyang misis sa beking ito.
Madalas ding maiwan si Michelle sa kanilang bahay na mala-mansyon sa laki dahil palaging kinakailangang lumuwas ng bansa ni Herbert para sa kanyang mga negosyo at business trips. Upang may makasama si Michelle bukod sa kanilang mga kasambahay, si Kim ang palaging pinapapunta ni Herbert upang samahan ang kanyang misis.
Isang araw, kinakailangan na namang umalis ni Herbert papuntang Thailand upang bisitahin ang bagong bukas niyang restawran doon.
“Honey, pupunta akong Thailand ha? Sigurado ka bang ayaw mong sumama? Para na rin makapasyal ka doon,” paanyaya ni Herbert sa asawa habang nag-eempake ng mga damit na gagamitin sa apat na araw na pananatili sa Thailand.
“Nako, h’wag na honey. Baka maka-istorbo lang ako sa’yo sa mga meeting mo roon. Mag-iingat ka ha? Chat at text na lang tayo kapag wala kang ginagawa,” sagot ni Michelle.
Nang araw ding iyon, agad na ipinatawag ni Michelle si Kim upang may makasama siya sa bahay sa loob ng apat na araw.
“Kim, ikaw nang bahala sa misis ko ha? Mag-bonding lang kayo. Kung gusto niyo’y magpa-home service kayo ng spa. Sagot ko na ang lahat. Basta palagi lang dapat masaya ang misis ko ha?” bilin ni Herbert kay Kim.
“Oo naman, papi! Magpapaganda pa kaming lalo nitong si Michelle,” sagot ng beki sabay haplos pa sa balikat ni Herbert.
Dumating na ang drayber ni Herbert na siyang maghahatid sa kanya sa airport. Nagmamadali na rin ito dahil may mga mahahalagang bagay pa raw na kailangang asikasuhin bago ang pagbubukas ng restawran niya sa Thailand. Nang makaalis si Herbert, hindi maiwasan ng dalawang kasambahay na si Vicky at Neneth na magbulungan.
“Nako, kawawa talaga si Sir Herbert, ‘no?” ani Vicky.
“Masyado kasing mabait! Kung ako ang asawa niyan? Nako! Wala na akong hihilingin pa. Ewan ko ba d’yan kay Ma’am Michelle,” sagot ni Neneth.
“Walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa sarili niyang bahay,” dugtong pa ni Vicky. Natigilan lamang ang dalawa nang bigla silang hinarap ni Michelle.
“Ano?! Magsusumbong kayo? Baka nakakalimutan ninyong ako ang naghahawak ng perang ipinapasahod sa inyo ha?! Umayos-ayos kayo kung ayaw ninyong matsugi sa gutom ang pamilya niyo,” matapang na sabi ni Michelle sa dalawa nilang kasambahay. Sa galit nito ay nagawa pa niyang itapon ang hawak na wine sa damit ng kawawang kasambahay.
“Tama na ‘yan, babe. Hayaan mo na sila. Ang mahalaga e akin ka ng buong apat na araw!” malanding sabi ng kaninang beki ngunit ngayo’y lalaking-lalaki na na si Kim. Maging sa harap ng mga kasambahay ay hindi nahihiyang magyakapan ang dalawa. Yakapang halatang may halong malisya.
Napayuko si Vicky sa galit dahil hindi na niya matiis ang nakakasuklam na lihim ng dalawa. Mabilis itong nagtungo sa kaniyang maliit na silid at kinuha ang kanyang cellphone.
Sinimula na ng dalawa ang marangyang pamumuhay dahil lahat naman ay sasagutin at babayaran ng mister ni Michelle. Nag-order sila ng kung ano-anong pagkain at nagbukas pa ng mamahaling wine mula sa koleksyon ni Herbert. Nasa kainitan ng paglalampungan si Kim at Michelle sa sala mismo ng bahay ni Herbert, nang bigla na lamang tumunog ng napakalakas ang pintuan.
Halos malaglag ang puso ng mga taksil na si Kim at Michelle nang makita ang nagpupuyos sa galit na si Herbert na naka-ambang susuntok sa pagmumukha ni Kim. Mabuti na lamang at nakapagpigil ito at tumayo lamang sa harapan ng dalawa.
“Herbert?! Bakit napabalik ka?” sigaw ni Michelle habang nagmamadaling magsuot ng kanyang t-shirt.
Kaya pala nagmamadaling tumakbo sa kwarto ang kasambahay na si Vicky kanina dahil sa wakas ay naisipan niya nang magsumbong kay Herbert. Tumawag siya rito at sinabi ang lahat-lahat nang nalalaman niya tungkol sa pagpapanggap ni Kim bilang isang beki at sa namamagitan sa dalawa.
“Ang kakapal ng mukha ninyo! Pera ko pa ang ginagamit niyo para magpasarap habang naglalandian kayo?! At sa sarili ko pang pamamahay ha?!” galit na galit na sigaw ni Herbert. Ngayon lamang nakita ni Michelle ang ganoong mukha ng asawa.
“Hindi, honey! Magpapaliwanag ako. Minamasahe kasi ako ni Kim kaya naka-bra lang ako! Ano ka ba naman? Bakit nagpapapaniwala ka diyan kay Vicky?” pagpapalusot pa ni Michelle kahit huling-huli na sila sa akto.
“Hindi ako ganoong ka-t*nga! Oo, nakalusot kayo ng maraming taon. Pero ngayon?! Sa tingin mo ay maniniwala pa ako?! Lumayas kayo! Alis!” ani Herbert habang hinahagis ang mga gamit ng dalawa.
Dahil edukadong tao si Herbert, kahit pa napakatindi ng galit niya ay hindi niya idinaan sa pisikalan ang hustisya. Ipinatawag niya ang kanyang abogado upang magsampa ng kaso laban sa nangangaliwang asawa at sa kabit nito. Naging mabilis naman ang hustisya dahil pinaboran kaagad ang agrabyadong si Herbert.
Lahat ng ari-arian ni Herbert ay naibalik sa kanya, maging ang singsing na ibinigay niya sa kanilang kasal noon na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso ay nabawi niya. Walang nahita si Michelle ni piso mula sa dati niyang asawa.
Isang taon ang mabilis na lumipas. Tila ba naging swerte sa negosyo ang pagkawala ng taksil na asawa ni Herbert dahil lalo pang lumago ang lahat ng business niya. Bukod pa roon, nakakilala rin siya ng isang binibining nakapagpabihag muli sa puso niya. Ngunit ngayon, siniguro niya munang mahal siya nitong tunay at hindi siya pakakasalan ng dahil sa pera lamang.
Habang si Kim at Michelle ay madalas pa ring mag-away nang dahil sa nangyari sa kanila.
“Tang*na mo! Bobo ka kasi! Sinabi ko na sa’yong huwag mong aawayin ‘yong mga kasambahay e. Ayan, nagsumbong!” paninisi ni Kim kay Michelle. Isang taon na ang lumipas ngunit araw-araw pa ring sinisisi ni Kim ang babae.
“Magaling ka e! E kung may pera ka noon pa, edi sana hindi ko na pinatulan at niloko iyang si Herbert! Kaya lang naman kami nagpakasal para pagkaperahan nating dalawa e, diba?! Mas bobo ka!” palabang sagot ni Michelle.
Masaya na sa buhay si Herbert at tuluyan nang nakalimot sa ginawang pangloloko ng dalawa, habang ang dalawang taksil ay baon pa rin sa utang at araw-araw na nagmumurahan nang dahil sa sinapit nila. Matindi nga naman ang karma.