Inday TrendingInday Trending
Ako o ang Anak Mo?

Ako o ang Anak Mo?

Sa pisikal na hitsura? Check! Poging-pogi ang mala-artistang mukha ni Cholo. Para bang modelo rin ang katawan dahil sa 6-pack abs na mayroon ito sa ilalim ng t-shirt niya. Sa ugali? Check na check! Mapagmahal, maunawain, mapagbigay, at mapagkumbaba ang lalaking ito. E sa wallet? Check din! Isang lisensyadong engineer si Cholo kaya naman malaki na ang kita nito.

Kaya naman nang ligawan ni Cholo ang katrabaho niyang si Mikaela, makalipas lamang ang halos dalawang linggo ay agad sinagot ng babae ang binata. Hindi itinago ng lalaki na mayroon siyang anak sa pagkabinata. Katunayan ay binanggit niya kaagad iyon kay Mikaela noong mga unang araw pa lamang ng kanilang ligawan dahil ayaw niyang makasagabal ito sa pagtingin ng babae sa kanya.

Nang makapanganak kasi ang nobya noon ni Cholo, agad na sumama ang babae sa ibang lalaki at naiwan ang bata sa pangangalaga ni Cholo. Dahil responsable ang binata, malugod niyang tinanggap ang pagiging single father sa batang si Jasmine.

Noong una ay walang problema kay Mikaela ang pagkakaroon ng anak sa pagkabinata ng bago niyang nobyo. Ngunit nang tumagal ay napapadalas na ang kanyang reklamo.

“Babe? Sunduin mo naman ako. Nagkainan kasi kami ng friends ko ‘di ba? Wala akong makuhang taxi e. Ayoko namang sumakay ng jeep kasi nakakatakot at gabi na,” paglalambing ni Mikaela kay Cholo nang tawagan niya ito sa cellphone.

“Nako, babe! Sorry! Pinauwi ko na kasi ang yaya ni Jasmine dahil may emergency daw sa bahay. Hindi ako makakaalis para sunduin ka kasi walang maiiwan kasama ng bata,” paliwanag ng lalaki.

“K,” maiksing reply ng dalaga.

Napapadalas na ang mga ganoong pangyayari na inuuna ni Cholo ang kapakanan ni Jasmine kaysa kay Mikaela. Unti-unti nang lumalayo ang loob ni Mikaela sa nobyo nang dahil dito. Kaya para maagapan ay agad na niyang kinompronta ang lalaki.

“Palagi na lang ah? Mahal mo ba talaga ako?” panimula ni Mikaela.

“Ha? Saan galing ang tanong na ‘yan? Oo naman, mahal na mahal kita,” sagot ni Cholo na takang-taka sa biglang pagtatanong ng nobya.

“Tss! Mahal daw. Mahal ba iyong laging ipinagpapaliban?! E palaging iyang anak mo na lang ang bida e!” sabi ng nagseselos na dalaga.

“Ano ka ba, babe? Siyempre, alam mo namang walang nanay si Jasmine. Aalisin ko pa ba sa kanya ang karapatang magkaroon ng tatay?” paliwanag ni Cholo habang pilit na hinahawakan ang kamay ng galit na galit na nobya.

“Ganon?! O sige, mamili ka! Ako, o ang anak mo?! SAGOT!” nanlalaki na ang mata ni Mikaela sa galit. Nag-iisang anak kasi siya ng kanyang mga magulang kaya naman sanay siyang palaging nasa kanya lamang ang atensyon.

“Babe naman… ‘Wag mo naman akong pahirapan ng ganito,” nakayukong sagot ni Cholo.

“E kung ganito na lang palagi, maghiwalay na lang tayo! P*nyeta!” sigaw ni Mikaela sabay labas mula sa bahay ng binata.

Lalo pang nagpuyos ang galit sa puso niya dahil hindi man lang siya sinundan nito upang habulin.

Huminto si Mikaela malapit sa gate ng bahay ni Cholo upang mag-abang ng dumaraang taxi. Ngunit napalingon siya pabalik sa bahay ng nobyo nang marinig ang isang malakas na sigaw ng bata. Agad na nanlaki ang mata niya at tumakbo papabalik sa loob ng bahay.

“Diyos ko, Cholo! Anong ginawa mo sa bata?!” nanginginig na sigaw ni Mikaela nang makitang nakahandusay sa lapag si Jasmine at namimilipit sa sakit.

“Ah… Eh… Anak!!! Sorry, anak!!!” naghuhumiyaw na sigaw ni Cholo habang tila ba nawawala na sa sariling katinuan.

“Babe?! Anong ginawa mo sa anak mo?! Huy!” paulit-ulit na tanong ni Mikaela habang nagmamadaling tumawag ng ambulansya sa kanyang cellphone.

Mabilis na rumesponde ang ambulansya at naidala sa ospital ang bata. Walang humpay sa pag-iyak si Cholo habang hawak-hawak ang sariling ulo.

“Babe, kumalma ka na please. Anong nangyari, sabihin mo, please,” pagmamakaawa ni Mikaela.

“Hindi ko sinasadya, Mikaela. Pagkalabas mo kasi kanina, biglang lumapit ang anak ko upang magpabukas ng pencil case niya. Sa tindi ng galit ko dahil sa pag-iwan mo sa akin, hindi ko sinasadyang mapagbuhatan siya ng kamay. Parang nawala ako sa sarili! Hindi ko naman alam na tatama ang ulo niya sa sahig!” nagsimula na naman ang matinding paghagulgol ng lalaki. Ito rin kasi ang unang beses na napag-initan niya ng ulo ang sariling anak kaya’t labis ang kanyang pagka-konsensya.

“Ayokong mawala ka! Ayokong mawala siya! Kayo ang buhay ko, kayong dalawa! Mahal na mahal ko kayo!” patuloy pa nito habang nakaluhod na sa harapan ni Mikaela.

Tila ba sinuntok ng konsensya si Mikaela nang makita ang hitsura at kalagayan ni Cholo.

“Babe, sorry. I’m really sorry. Naging napaka-immature ko. Sinagot kita kahit alam kong may anak ka na dahil mahal kita, kaya patawarin mo ako kung nagkilos at aktong bata ako. Naiintindihan ko ang lahat, naiintindihan ko,” umiiyak na sabi ni Mikaela habang niyayakap ang nobyo.

Maya-maya pa ay lumabas na ang doktor.

“Nagkaroon lamang ng malakas na impact sa braso ng bata kaya labis ang naging pag-iyak niya. Pero wala ho kayong dapat ipag-alala dahil makakalabas na rin siya mamaya,” mabuting balita ng doktor.

Agad na tumakbo si Cholo sa anak upang yakapin ito ng mahigpit. Panay ang hingi nito ng tawad sa minamahal na anak.

“Sorry, anak! Hindi sinasadya ni papa. Love na love kita ha? Patawarin mo ako, anak,” iyak nang iyak na sabi ni Cholo habang nayakap sa anak.

“I love you too, papa,” nakangiting sagot ng bata.

Lumapit naman si Mikaela sa mag-ama upang humingi ng kapatawaran.

Nang dahil sa nangyaring iyon, napalapit si Mikaela sa batang si Jasmine. Hindi rin nagtagal ay halos ituring na niyang sariling anak ang bata. Tinupad naman ni Cholo ang pangakong hinding-hindi na ibubuhos sa anak ang galit sa tuwing magkakaproblema ito.

Dalawang taon ang lumipas at ikinasal na ang dalawa. Masayang-masaya ang batang si Jasmine dahil sa wakas ay may buo na siyang pamilya. ‘Di rin nagtagal at nagkaroon ng sariling anak na lalaki ang bagong mag-asawa, ngunit hindi nagbago kahit kaunti ang pagmamahal nila sa batang si Jasmine.

Advertisement