Padabog na isinara ni Lovely ang pinto nang makapasok siya sa kanilang bahay. Napaigtad pa sa gulat ang kaniyang ina dahil doon.
“Susmariyosep, anak! Ano’ng problema mo’t nagdadabog ka?” tanong nito ngunit hindi niya iyon pinansin. Dire-diretso siyang umakyat sa itaas ng kanilang bahay at pumasok sa kaniyang kuwarto upang doon magmukmok.
Galing siya sa labas. Nagwawalis-walis siya sa kanilang bakuran nang makita niyang bumaba mula sa isang magarang sasakyan si Jenny, na anak ng kanilang kapitbahay na si Aling Eva. Dalawang taon ang tanda niya rito ngunit sa edad nitong bente-dos ay maganda na ang trabaho nito. Tiyempo kasing nagka-boyfriend ito ng isang guwapo at may kaya sa buhay na binata. Ito ang may-ari ng restaurant na pinagtatrabahuhan ni Jenny bilang branch manager.
Naiinis lamang siya at nagtataka. ’Di hamak naman kasing mas maganda siya kaysa kay Jenny. Mas maputi at mas sexy pa, pero bakit puro tambay lang ang halos lahat ng nanliligaw sa kaniya. Kaya nga ganoon na lang ang pagkainis niya kanina nang makita niya si Jenny na inihatid ng boyfriend nito. Idagdag pa ang narinig niyang tsismisan ng ilan pa sa mga kapitbahay nilang naglalaba sa gilid ng poso.
“Tingnan mo ’yang si Jenny, mare. Asensadong-asensado na, ano?” sabi no’ng isa sa mataba nilang kapitbahay na si Aling Iska.
“Oo nga. Aba’y nakabingwit ng mayaman, e. Tingnan mo’t ang gara ng kotse!” sagot naman ng nangangayayat na si Aling Miling.
“Sino ba’ng mag-aakalang magugustuhan iyan ng gwapo’t mayamang binata? E, napakasimpleng bata niyang si Jenny. Ni hindi mahilig magsusuot ng damit na pangseksi o ni maglagay man lang ng lipstek. ’Di gaya niyang anak ni Aling Perlita, si Lovely. ’Ba, e, kita na ang kuyukot no’n t’wing lalabas ng bahay, e,” pahayag muli ng tsismosang si Aling Iska na ikinaputok ng butsi ni Lovely.
Iyon ang dahilan kung bakit asar na asar siya nang pumasok kanina ng bahay. Ayaw niya sa lahat, e, ikinukumpara siya sa ibang tao lalong-lalo na kay Jenny. Sa hindi kasi malamang dahilan ay labis ang pagkainis niya rito. Siguro’y dahil lahat ng gusto niya ay kay Jenny napupunta.
“Mas maganda naman ako ro’n!”
Umabot ang inis niya hanggang gabi. Nagsawa rin siya sa pagmumukmok sa kwarto. Tumambay siya sa labas ng kanilang bahay kahit kakaunti na lang ang mga tao roon.
Nakasuot ng over-sized shirt si Lovely na tinernuhan niya ng napakaiksing shorts. Marami tuloy sa mga lalaking dumaraan ang napapatingin sa kaniyang legs habang nagyo-yosi siya. Feel na feel niya ang pagiging maganda niya, nang bigla siyang makarinig ng sigaw.
“Aswang! May aswang!” sigaw ng isa sa mga kapit-bahay nila mula sa loob ng bahay nito. Doon niya naalalang buntis nga pala si Beverly, isa sa mga kabarkada niya na maagang nag-asawa.
Nilingon niya ang bahay nina Beverly at laking gulat nang makita si Jenny na kalalabas lang mula roon at tumatakbo pauwi. Agad na nabuo ang konklusyon sa utak ni Lovely…si Jenny, aswang!
Kinabukasan ay mabilis na ipinagkalat ni Lovely ang balita. Una niyang sinabihan ang dalawa sa pinakatsismosa sa kanilang compound na sina Aling Iska at Aling Miling.
Naging tampulan ng tsismisan si Jenny matapos iyon, hanggang sa makarating na ang balitang iyon sa ina nitong si Aling Eva, at pati na rin kay Beverly.
Hindi lumipas ang linggong iyon at may nag-aabang nang tanod sa labas ng bahay nina Lovely. Kasama nito sina Jenny, Aling Eva, Beverly at maging ang guwapong boyfriend ni Jenny. Sa paligid naman nila’y nakamasid ang kanilang mga kapitbahay.
“A-ano hong kailangan n’yo?” kinakabahang tanong niya sa tanod.
“Iimbitahan ka lang sana namin sa baranggay, kasama ang mama mo,” sagot naman nito. Napalunok si Lovely dahil doon, ngunit sinikap niyang kalmahin ang sarili.
“Bakit ho? Ano hong mayroon?” tanong pa niya na agad namang sinagot ni Beverly.
“Nagmamaang-maangan ka pa! ’Di ba, ikaw ang nagkalat ng tsismis na aswang si Jenny?!”
Iiling-iling si Jenny at ang nobyo nito, samantalang bakas naman ang galit sa mukha ni Aling Eva at Beverly.
“K-kasi, nakita ko siyang tumatakbong palabas ng bahay n’yo noong sumigaw ka na may aswang—”
“Malamang! Tinutulungan niya ako no’n para sa application ng asawa ko sa restaurant nila. Nagulat na lang nga kami no’ng biglang may sumulpot na babae na nakasilip sa bintana ng kwarto ko! Sa gulat ko’y akala ko, aswang kaya’t napasigaw ako…iyon pala, nanay mo lang ’yon!” galit na sabi ni Beverly na ikinagulat ni Lovely.
“Kaya pala laging nawawala iyong mga branded kong panty sa sampayan, sinusungkit pala ng nanay mo!” dagdag pa ni Beverly.
Hindi na nakapagsalita pa si Lovely matapos iyon. Napuno ng bulungan ang paligid. Naging tampulan ng tukso si Lovely dahil sa nangyari. Lumipas ang mga araw, bihira na lang siyang lumabas ng bahay at kung lalabas nama’y balot na balot pa ng damit para ’di agad makilala ng mga kapitbahay. Hanggang ngayon kasi’y hinuhulugan pa rin ng kaniyang inang si Perlita ang mga branded na panty na sinungkit nito mula kina Beverly at sa iba pa nilang kapitbahay.
Samantala, ikinasal na si Jenny sa nobyo niya. Ngayo’y mas naging masagana ang buhay niya. Lumaki na kasi nang lumaki ang kanilang negosyo dahil sa kasipagan nilang mag-asawa. Mas naging kilala rin iyon dahil sa magandang trato ng mga ito sa kanilang mga empleyado at kostumer. Kabaligtaran ng buhay ni Lovely na hanggang ngayon ay tambay pa rin.