Madaling araw na namang umuwi ang mister ni Lyka na si Nestor. Bukod pa roo’y lasing na naman ito, gaya noong mga nakaraang araw. Ang ipinagtataka pa ni Lyka ay tila nanlalamig na naman ito sa kaniya at isa lang ang naiisip niyang dahilan… may babae na naman ito!
Napakaguwapo kasi ni Nestor. Sa katunayan ay kahit noong high school sila ay napakaraming babae na ang nagkakandarapa rito. Iyon ang dahilan kung bakit napakalapit nito sa tukso hanggang ngayong mag-asawa na sila.
Nag-aalburoto na sa inis ang babae ngunit hindi na siya nag-aksaya pa ng oras na kumprontahin ito, dahil alam naman niyang itatanggi lamang iyong muli ng asawa. Subalit, may naiisip siyang mas magandang paraan upang magtanda ito. Isang ngisi ang namutawi sa labi ni Lyka habang pinagmamasdan ang nakasalampak na asawa sa kama. Iwinasiwas niya ang kaniyang mga kamay at doo’y nagsimula nang mangyari ang kaniyang plano.
Nagising si Nestor nang tanghaling iyon na tila ang sakit-sakit ng kaniyang katawan. Mabigat ang talukap at ramdam niyang tila namamaga ang ilalim ng kaniyang mga mata. Para siyang nanggaling sa magdamag na pag-iyak. Bumangon siya mula sa pagkakahiga, ngunit ganoon na lamang ang pagkagulantang niya nang makitang katabi niya ang sariling katawan!
Gimbal na gimbal si Nestor, kaya’t napatakbo siya sa banyo. Ini-lock niya ang pinto at nagpasiyang maghilamos ng mukha… ngunit muli siyang sinalubong ng gulat nang makita ang repleksyon niya sa salamin! Mukha ng asawang si Lyka ang kaniyang nakikita!
Kinapa niya ang katawan at nakumpirmang pambabae nga ang katawang iyon. Iyon ang katawan ng kaniyang asawang si Lyka!
Napasinghap siya nang may biglang kumatok sa pinto ng banyo.
“Lyka, ano ba? Ba’t ang tagal mo riyan?” sabi ng taong nasa labas. Sigurado siyang iyon ang kaniyang boses.
Paanong nangyari ito?! Paano siya napunta sa katawan ng asawang si Lyka? Iyon ang mga tanong na tumatakbo sa utak ni Nestor.
Lalong lumawak ang ngising nakapinta sa mukha ni Lyka nang makita ang reaksyon ng asawang si Nestor. Nananatili itong tulog, ngunit sa panaginip nito’y gising na gising ito at nagigimbal sa nangyayari sa kaniya.
May lahing mangkukulam si Lyka na namana niya pa sa kaniyang lola. Matagal na niyang tinalikuran iyon at ibinaon sa limot, ngunit kailangan niyang gamitin iyon ngayon sa pagkakataong ito upang isalba ang pagsasama nilang mag-asawa. Ginamitan niya ng itim na mahika si Nestor upang mapunta ito sa kaniyang sitwasyon. Lahat ng nararamdaman niya sa tuwing nambababae si Nestor at nanlalamig ang pakikitungo sa kaniya’y mararamdaman din nito ngayon.
Samantala, habang nasa katawan ni Lyka si Nestor ay nakikita ng lalaki ang paghihirap ng asawa sa sarili niyang mga kamay. Nadarama niya ang sakit sa puso ni Lyka sa tuwing malalaman nitong may iba siyang babae. Ganoon din sa tuwing babalewalain niya ito. Nalaman niyang napakarami palang luha ang inuubos ni Lyka para sa kaniya.
“Napakasakit pala,” nasabi niya sa kaniyang sarili. “Kung maibabalik ko lang ang panahon, itatama ko ang lahat ng pagkakamali ko.”
Natuwa si Lyka sa naging realisasyon ni Nestor. Nilapitan niya ito at ginising na mula sa pananaginip.
“Nestor, mahal. Gumising ka na riyan at tanghali na. Hindi ka pa kumakain,” patay-malisyang ani Lyka.
“Lyka!” tawag ni Nestor sa pangalan niya nang tuluyan na itong magising. Pagkatapos ay niyakap siya nito nang mahigpit na mahigpit na tila ayaw na siya nitong pakawalan pa. Lumuha si Nestor sa balikat ni Lyka at humingi ng tawad sa lahat ng kasalanang nagawa nito.
“Patawarin mo sana ako sa lahat ng maling nagawa ko. Pangako, kahit kailan ay hindi na muli kita sasaktan pa,” pangangako ni Nestor sa kaniya bago siya nito hinalikan sa labi.
“Pinatatawad na kita, mahal ko,” sagot naman ni Lyka at agad na tinugon ang halik ng asawa.
Mula nang araw na iyon ay mas tumatag pa ang pagsasama nina Nestor at Lyka. Hindi na muling umuwi si Nestor nang madaling-araw. Bihira na lang din itong uminom at sa tuwing may okasyon na lamang. Mas madalas na rin itong naglalambing sa kaniya. Labis ang tuwa ni Lyka sa mga nangyayari.
Nangako si Lyka sa sarili na hindi na muling gagamit pa ng itim mahika. Ngayon ay maaari na talaga niyang ibaon sa limot ang lahat ng nalalaman niya tungkol doon, kasama na ang lihim na matagal na niyang itinatago…ang katotohanang ginayuma lamang niya si Nestor noon upang ayain siya nitong pakasal.