Inday TrendingInday Trending
Nagnakaw ng De-Lata ang Ginang na Ito sa Isang Maliit na Grocery; Ano Kaya ang Nag-udyok sa Kaniya?

Nagnakaw ng De-Lata ang Ginang na Ito sa Isang Maliit na Grocery; Ano Kaya ang Nag-udyok sa Kaniya?

“Bruno, baka naman… baka naman puwede akong makahingi ng kahit 100 piso lang… wala na kasi tayong bigas, gagawa na lamang ako ng am para sa anak natin,” nanginginig ang tinig na pakiusap ni Leslie sa kinakasamang si Bruno.

Ngunit kagaya ng dati, tila walang narinig ang kinakasama. Nakasalpak ang may sinding sigarilyo sa tuyot na mga labi nito. Abala ito sa pagsisintas ng maruming sapatos, aalis na naman. Iiwanan na naman si Leslie na noon ay kapapanganak lamang sa kanilang pang-anim na anak.

“Wala akong pera. Huwag mo nga akong mahingan-hingan baka banatan kita. Natalo ako sa sugal,” malamig pa sa nguso ng pusa na sabi ni Bruno.

“S-Sige na… 100 piso lang naman, maawa ka naman sa amin ng anak mo… kailangan ko rin namang kumain kasi wala siyang masususo sa akin,” naiiyak na pakiusap ni Leslie.

Iniangat ni Bruno ang kanang kamay at anyong bibigwasan ang lumuluhang kinakasama. Awtomatiko namang tinakpan ni Leslie ng kaniyang mga yayat na bisig ang kaniyang humpak na mukha.

“Lumayas ka nga sa harapan ko at baka hindi kita matantya. Kasalanan ko bang mabuntis ka? Kasalanan mo ‘yan. Sabi ko sa iyo huwag ka mabubuntis eh,” asik ni Bruno.

“H-Hindi mo naman kasi nilalabas kaagad kapag lalabasan ka na…”

“Kasalanan ko pa? Eh ganoon talaga eh. Hindi mapipigilan ‘yun… saka kayong mga babae, ‘yan lang naman ang silbi ninyo sa mundong ito. Paligayahin kaming mga lalaki at mag-alaga ng anak! Diyan ka na nga at baka mawala pa ang buwenas ko sa araw na ‘to,” tungayaw ni Bruno at ni hindi man lamang tinapunan ng sulyap ang sanggol na mahimbing na natutulog sa duyan na ginawa ni Leslie.

Nanghihinang napaupo na lamang si Leslie sa sahig ng kanilang giray na barong-barong. Awang-awa siya sa kaniyang sarili. Gutom na gutom na siya. Ayaw niyang pasusuhin ang bagong panganak na sanggol dahil baka makuha nito ang gutom niya.

Isa pa, natutuyot na rin ang kaniyang dibdib. Paano naman ito magkakaroon ng gatas at sustansya kung mismong siya na ina, ay walang kain at sustansya?

Matagal na niyang tanggap na walang kuwentang lalaki ang ama ng mga anak niya.

Isang taon lamang ang pagitan ng mga anak niya. Napakahilig ni Bruno subalit iresponsable naman. Halos araw-araw kung magsugal. Wala namang inuuwing pera o pagkain man lamang para sa kanila.

Bihirang-bihira.

Lagi nitong kinakatwiran na natatalo ito sa casino subalit pakiramdam niya, dinadala nito sa ibang bagay ang pera.

Marami sa mga kapitbahay ang nagpapayo sa kaniyang iwanan na niya ang kinakasama. Na mahalin at maawa naman siya sa sarili at mga anak.

Subalit wala siyang lakas ng loob. Sa tuwing naiisip niya na itatakas niya ang mga anak mula kay Bruno, natatakot siya.

Saka, paano na lamang ang mga anak niya? Wala na silang kikilalaning ama.

Sa ngayon, hindi niya alam kung nasaan ang mga anak. Hinahayaan na lamang niya ang mga ito na makipaglaro sa mga kapitbahay. Minsan, pinapakain na rin ang mga ito. Kaysa naman sa magkakasama sila ngunit pare-pareho silang gutom.

Saka dumating ang pangalawa sa bunso na si Jekjek. Hulas na hulas ang mukha nito dahil sa paglalaro sa labas.

“Mama, gutom na ako…” sabi nito.

“Bantayan mo muna saglit ang kapatid ko, didiskarte lang ako ng pagkain,” bilin ni Leslie.

Lumabas na siya ng bahay. Tila may sariling isip ang kaniyang mga paa. Alam na kung saan patungo. Sa tindahan ni Aling Mameng. Mangungutang siya kahit isang kilong bigas lamang.

Subalit naispatan pa lamang siya nito na paparating, agad na ibinaba ang tabing ng tindahan. Tila natunugan ang gagawin niyang pagdaragdag sa mahabang listahan ng kaniyang utang.

Hindi na tumuloy si Leslie. Nahiya na siya.

Kailangang may gawin siya.

Nagpalakad-lakad si Leslie. Natutuliro na siya. Nararamdaman niya ang paghilab ng kaniyang tiyan.

Namalayan na lamang niya na nasa bandang palengke na siya.

Pabalik na sana siya nang makita niya ang isang maliit na grocery. May kung anong masamang hangin ang biglang pumasok sa kaniyang isipan. Tila may bumubulong sa kaniya na pasukin ang loob nito.

Dahan-dahan siyang pumasok. May mangilan-ngilang tao. Tambak ang mga customer na magbabayad sa kahera.

Nahagip sa gilid ng mata niya na sinulyapan siya ng kahera.

Hindi alintana ni Leslie.

Pumasok siya sa kaloob-looban. Tinunton niya ang kinalalagyan ng mga delata. Kumuha siya ng corned beef. Inipit niya sa loob ng kaniyang salawal.

Sa pagbalik niya upang umuwi na, hindi niya pinalagpas ang naraanang noodles.

Palabas na sana siya nang harangin siya ng mga tindero ng grocery.

“Ma’am, pasensya na po, pero kailangan po namin kayong kapkapan,” sabi ng isa sa mga lalaki.

Namutla si Leslie. Para siyang natulos sa kaniyang kinatatayuan.

Wala na siyang nagawa nang kapkapan na siya ng babaeng kahera.

Ngunit kusang nalaglag ang delata. Gumulong-gulong ito. Napunta pa sa paa ng isang customer, na kapitbahay lamang ni Leslie.

Hindi maalaman ni Leslie kung ano ang gagawin. Halos panawan siya ng ulirat sa malaking kahihiyan.

Mabuti na lamang at naging mabait pa rin sa kaniya ang mga tauhan ng grocery dahil ipinaliwanag niya sa kanila kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon. Nag-ambag-ambag pa ang mga ito upang may maipambili siya ng pagkain para sa kaniyang pag-uwi.

Laking pasalamat niya na hindi siya ipinakulong ng mga ito. Hindi niya alam ang gagawin niya kung sakali. Kawawa naman ang mga anak niya. Paano kung tuluyan siyang nakulong?

Kaya nang makauwi siya, naabutan niya ang mga anak. Hindi niya napigilan ang pagbalong ng kaniyang mga luha. Kaagad niyang niyakap ang mga ito.

Sa kasamaang-palad, hindi na bumalik pa sa kanilang bahay si Bruno.

Ayos lang.

Kahit naroon ito, parang wala rin.

Ipinangako ni Leslie sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maitaguyod ang mga anak nang nag-iisa lamang.

Ipinasya ni Leslie na umuwi na lamang sa kanilang probinsya dahil doon, hindi mahirap ang buhay sa bukid. Makakapitas ng mga gulay kapag walang ulam. Maaalagaan ng kaniyang mga kaanak ang mga anak niya habang siya ay nagtatrabaho.

Malaki ang paniniwala ni Leslie na balang-araw, maiaahon din niya sa kahirapan ang kaniyang mga anak.

Advertisement