Inday TrendingInday Trending
Halos Nalakbay na ng Binata ang Buong Mundo, Subalit May Isang Bansa Siyang Nais Balik-Balikan; Ano Kaya ang Dahilan Niya?

Halos Nalakbay na ng Binata ang Buong Mundo, Subalit May Isang Bansa Siyang Nais Balik-Balikan; Ano Kaya ang Dahilan Niya?

Pagtapak ko palang sa loob ng eroplano ay ramdam ko na ang kaba ko. Babalik kasi kami ng aking inay para sa Bagong Taon sa Singapore, ang bansa kung saan ako ipinanganak at pinalaki. Ngunit nung ako ay nagsisimulang mag dalaga ay lumisan kami sa Estados Unidos upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Hindi ko ito ginusto nung una dahil napamahal na sakin ang bansa na nakasanayan ko. Hindi ko gusto iwan ang ang aking pamilya, kaibigan at alaala. Ngunit sinabi ng aking itay na ito ay para sa ikabubuti ko at ng aking pag-aaral. Habang nakadungaw sa bintana ng eroplano ay naalala ko ang lahat ng aking iniwan, ang aking pamilya, aso na si Bruno, at ang best friend ko na si Jian. Biglang umapaw ang kalungkutan at pag-aalala sa aking sarili, at nagsimula akong hindi mapakali. Dahil nung ako’y lumisan, hindi ko ito sinabi kay Jian, bagkus umalis nalang ako ng walang sabi at paalam. “Galit pa kaya siya saaking hanggang ngayon?” tanong sa aking sarili.

Lumapag na rin sa Singapore ang eroplano at lumabas na kami ng aking inay. Sa hangin palang ay naaamoy ko na ang dagat at mga pagkain na nasa sentrong lungsod. Tumigin saakin ang aking inay at sinabi “Alam ko ang sasabihin mo, pumunta na tayo sa bahay, pero bago iyon ay dumaan muna tayo sa templo.”. Pagkatapos kuhanin ang mga maleta ay sumakay na kami sa isang taxi at nagtungo papuntang templo. “Alam mo ma matagal-tagal na rin akong hindi nakakpunta sa templo” sabi ko. “Ako rin naman anak, di kasi uso ang mga templo sa States, mas pabor sakanila ang simbahan.” sabi ni inay. Nang matapos ang aming usapan ay saktong tumigil ang sasakyan. Paglabas ko ay ayun na nga, ang templo na pinupuntahan ko dati noong ako’y bata pa. Ito’y walang pinagbago, matingkad pa din ang mga kulay nito at marami pa rin ang bumibisita. Tinanggal ko ang aking mga sapatos at linagay sa labas, tinakpan ko rin ang aking sarili ng isang mahabang dilaw na sapin bilang respeto. Pagpasok ko ay agad akong nanalangin. “Mahal kong Diyos, salamat po at nakauwi kami nang walang pahamak. Sana ho ay maayos ang pagkikita namin mamaya ni Jian dahil ‘di na po ako makapaghintay na makita siya.”

Nang matapos kaming magdasal ay tumungo kami sa isang Chinese Noodle Shop sa may Newton Food Center, ang aking dating kinakainan pagkatapos ng klase kasama si Jian. Umorder kami ng isang stir-fry at gumamit ng chopsticks upang kainin ito. Naalala ko ulit bigla ang sinabi saakin noon ni Jian, “Ikaw talaga, sa tuwing kakain ka ng stir-fry, kailangan naka lapag yung chopsticks, huwag pataas, bad luck yun.”. Dahil dito, parati ko na siyang ginagawa. “Inay, matapos ba nito, pupunta na tayo sakanila?” tanong ko. “Oo, kaya maghanda ka na. Huwag mong kalimutan batiin ang mga Aunties at Uncles mo ha?” sabi saakin ni Inay.

Sumakay ulit kami sa isang taxi upang pumunta sa dati naming bahay, kung saan nandoon lahat ng aming mga kamag-anak at kakilala. Habang papunta ay dumungaw muli ako sa bintana at tinignan ang mga nagsisitaasan na gusali at mga malilinis na lugar. Totoo nga talaga, wala pa ring pinagbago kung ikukumpara ko ito nung huli ko itong nakita. Malinis pa rin, niisang kalat ay walang makikita, at ang paligid ay punong-puno ng mga halaman. “Na-miss ko itong lugar na ito…” sabi ko sa aking sarili. Lumiko ang taxi at huminto sa harapan ng isang malaking puting bahay. Hindi ko nakayanan ang aking sarili at agad-agad akong tumakbo papunta sa pintuan. Binuksan ko ito at…”Surprise!”. Nagsiliparan ang mga confetti at lobo sa ere, sigawan at hiyawan ang bumulabog saakin. At ayun nga sa aking harapan, lahat ng aking minamahal sa buhay. “Kamusta na ang aking pinakamamahal na pamangkin? Nako mukhang pumapayat ka, huwag ka mag-alala maraming ipapakain sayo ang Auntie mo.” sabi ni Auntie Goh, ang kapatid ng aking nanay. Marami pa ang pumunta upang bumati at magkamustahan saamin ni Inay, ngunit iba ang hinahanap ko. Mabilis ang paglipat ng aking mga mata sa lahat ng direksiyon upang kahit panandalian ay masulyapan ko ang itim na salamin na alam na alam ko. At tumigil ang mga mata ko sa malayo, at nandoon nga siya nakaupo sa may hapagkainan, si Jian.

Agad akong tumungo sa kung naroon siya, kahit busog pa ako ay kakain muli ako para lamang makatabi siya at magkaroon ng oras na makipag-usap. Paupo pa lang ako ay nagsalita na siya. “Hindi ko inakalang darating ka ng maaga, akala ko magtatagal pa kayo.” sabi ni Jian, na halatang may galit sa boses niya. “Ah oo..Napaaga nga kami. Ikaw? Kamusta ka Jian?” tanong ko. “Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan? Pero sige, sagutin ko nalang. Mabuti naman, Business student na ako.”. “Mukhang natupad mo mga pangarap mo, natutuwa ako.” Sabi ko sakanya na may kasabay na pagtawa, para maitago ang nararamdaman kong kaba lalo na’t nasa harapan ko na siya. Sa ilalim ng sampung segundo ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan naming dalawa. “Bakit..Bakit ka umalis?” tanong niya saakin. “Kinailangan kong umalis, syempre hindi ako puwedeng tumutol kay Itay, kaya kahit ayaw ko, sumunod pa rin ako.” sagot ko sakanya. “Okay lang naman yun saakin, pero ang hindi ko maintindihan…ay ang paglisan mo ng walang paalam. Bakit?”. Tinignan ko ang kababata ko sa kanyang mga mata, kita ko na ang mga luha na unti-unting sumasapaw. Mahuhulog na sana ang kanyang mga luha nang pumasok ang aming mga kamag-anak sa hapag-kainan. Tumingin ako kay Jian, at pinupunas niya ang kanyang mga mata, ang mga luha ay nawala, ngunit ang pula sa kanyang mga mata ay nanatili.

Linapag ang Yusheng o Lo Hei sa gitna ng mesa at lahat ay nagtipon-tipon. Panahon na kasi para gawin ang Prosperity Toss, kung saan itataas-baba namin ang Lo Hei para sa suwerte ng susunod na taon. Tumayo kami Jian at nakisali, kahit kakagaling lang namin sa isang seryosong usapan. “Isa, dalawa, tatlo!” at sa senyas ng aking Auntie ay nagsimula na kami. Di ko mapigilang maging masaya ng panandalian dahil narito na ulit ako, sa lugar kung saan ako komportable, ang lugar na pamilyar na pamilyar ako. Hindi ako makapaniwala na, matapos ang ilang taon ay hindi pa rin nagbabago ang saya na aking nararamdaman sa tuwing kasama ko ang aking pamilya at mahal sa buhay. Kahit pala lumayo ako ay nanatili pa rin ang karamdaman na iyon. “Guys, nagsisimula na ang fireworks! Tara labas na tayo.” sabi ng aking Uncle. Sabay kaming lumabas ni Jian sa balkonahe upang manood.

“Ang ganda diba? Walang kupas. Mas pipiliin ko pa rin talaga ang New Year’s dito kesa sa States, iba ang feeling.” sabi ko habang pinapanood ang mga nagsisisabugan na pulang fireworks sa langit, ang kulay ng kasuwertehan. “Oo, alam ko. Iba ang pakiramdam kapag kasama mo ang pamilya mo.” sabi ni Jian. Tumingin ako sakanya ng panandalian, ngunit mabilis rin akong tumingin pabalik sa langit. Ayokong makita niya na apektado ako sa kung anuman nangyari kanina. Hinawakan niya ako sa kamay, “Alam mo nakakatawa ka.”. Tumingin ako sakanya at nagtaka, “Bakit naman? Ang sama mo ah.”. “Hindi ako galit, nalungkot lang ako kanina. Napagtanto ko na kakalimutan ko na yun, dahil ang importante ay magkasama na ulit tayo, dito, kung saan tayo lumaki.”. At sa mga salitang binitawan ni Jian ay nawala ang lahat ng aking kaba. Tumungin muli ako sa langit at hinigpitan ang paghawak sa kanyang kamay, “Oo, yun ang importante, magkasama na muli tayo.”

Advertisement