Halos Lumusot sa Butas ng Karayom ang Babaeng Ito sa Tindi ng Hirap na Pinagdaanan; May Malaking Plano Pala ang Tadhana Para sa Kaniya

Malinaw na malinaw pa sa mga alaala ni Sarah ang kahapong tila ba hindi na mabubura. Sampung taong gulang lamang siya noon nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang. Walang pag-aalinlangan silang iniwan ng kaniyang ama upang sumama sa kabit nito. 

Dahil sa pangyayaring iyon, namuo ang galit sa puso ni Sarah. Hindi man maintindihan sa murang isipan, ngunit nagsiklab ang labis na pagkamuhi niya para sa ama na inabandona sila na para bang wala silang halaga. Sa murang edad, namulat siya sa mapait na reyalidad ng buhay.

“Darating ang araw, maisasampal ko rin ng harap-harapan sa mukha mo ang pinakamalaking pagkakamaling ginawa mo. Maipapamukha ko rin sa’yo na hindi namin kailangan ang isang katulad mo sa buhay namin,” nagngingitngit na kaloobang bulong ni Sarah sa sarili.

Dahil hindi kayang buhayin ng ina, napagpasyahan ng ale na dalhin muna si Sarah noon sa pangangalaga ng mga lolo’t lola. Sa probinsiyang halos bente kuwatro oras na layo siya nagtungo.

“Dito ka na muna kila lolo at lola mo ha? Ipangako mo sa akin na magbabait ka. Babalik si nanay kapag may pagkakataon, okay?” bilin ng ina ni Sarah bago ito muling bumalik sa Maynila.

“N-nanay… ‘wag mo akong iwan!” hagulgol pa ni Sarah. “Nay!!!”

Masakit man sa kalooban, pikit-matang tumalikod at umalis ang ginang upang mamasukan bilang kasambahay sa Maynila. Ito lamang ang paraan upang masuportahan niya ang anak. Panatag naman ang kaniyang loob dahil alam niyang hindi pababayan ng kaniyang mga magulang ang bata habang nasa probinsiya.

Bagamat maraming mabibigat na pinagdadanan, pilit na binigyang pansin ni Sarah ang pag-aaral. Ibinuhos niya ang atensyon at oras para sa pag-aaral. Tanging edukasyon ang siyang naging sandalan niya upang mapagtakpan ang lungkot na nadarama. Ito rin ang nakita niyang paraan upang makaahon sa kahirapan.

Advertisement

Hindi madali ang naging buhay ni Sarah sa probinsiya. Malayong-malayo ito sa buhay na kinamulatan sa Maynila. Isa o dalawang beses lang sa loob ng tatlong buwan niya kung makapiling ang ina, dahil hindi ito madalas na nakakauwi.

“Apo, galing kami ng lolo mo sa bayan kanina. Ibinili ka namin ng munting regalo na magagamit mo sa pag-aaral. Nakikita kasi namin kung gaano ka kapursigido, sana ay mapasaya ka namin dito at makatulong ng malaki sa’yong pag-aaral,” saad ng lola ni Sarah.

“Wow! Lola, lolo, maraming salamat po!” ligayang-ligayang sabi naman ng bata. Niregaluhan siya ng de bateryang flashlight ng dalawang matanda.

Walang kuryente noon ang kubo na tinitirhan ng mag-asawang matanda kaya’t tanging ang flashlight na regalo ng mga ito kay Sarah ang ginagamit ng bata upang makapag-aral ng mga aralin noon.

May mga pagkakataon na kapos din sa pagkain si Sarah. Minsan ay pumapasok siya sa paaralan na kumakalam ang sikmura.

“Hindi na baleng pumasok nang gutom, basta lalabas akong busog ang utak,” pagkumbinsi ng bata sa kaniyang sarili upang ‘wag indahin ang hapdi ng sikmurang nadarama. 

Lahat ng pagod at gutom ay kayang tiisin ng bata para lamang sa pag-aaral. Sagad na sagad man ang pamumuhay, naging masaya naman si Sarah dahil pinuno siya ng pagmamahal ng mga lolo at lola. Masaya na sila minsan sa kamoteng kahoy, nilagang saging o kaya nama’y ginadgad na mais. Bonus na lamang kung may maisasaing na bigas at karimpot na ulam minsan.

Sadya yatang pinanganak si Sarah upang tikman ang pait ng buhay. Pumanaw ang lola niya dahil sa sakit sa baga. Dalawang linggo lamang ang lumipas, sumunod naman ang kanyang lolo dahil sa atake sa puso. Halos magunaw na ng tuluyan ang mundo ng bata.

Advertisement

“Mahal na mahal ko kayo, lolo at lola. Salamat sa pagmamahal at pag-aalaga ninyo,” lumuluhang sabi ni Sarah habang nakaupo sa puntod ng pinakamamahal na lolo at lola.

Dahil hindi pa rin kayang suportahan ng ina. Dinala si Sarah ng kaniyang nanay sa ilang malapit na kamag-anak. Ngunit hindi inaasahan ang mga ginawa nito. 

Nakaranas si Sarah na pagmalupitan at alipustahin ng sariling mga kadugo. Hindi siya itinuring na kapamilya, bagkus trinato pa siyang masahol pa sa hayop.

“Ano ba Sarah? Napakakupad mo naman! Palamunin ka nga rito, wala ka pang silbi!”

“Wag ka nang mag-aral, wala ka na rin naman mararating e!”

“Kung ako sa’yo, mangatulong ka na lang din gaya ng nanay mo paglaki o ‘di kaya nama’y mag dancer ka na lang sa beer house!”

Ilang ang mga iyan sa masasakit na salitang natatanggap ni Sarah mula sa mga kamag-anak. Kapalit ng kapirasong pagkain at pangakong pag-aaralin ay ginawang alila at katulong si Sarah ng sariling mga kadugo sa murang edad. 

Kahit na napakahirap ng pinagdaanan, hindi pa rin nagpatinag si Sarah. Ilang beses siyang pilit na hinihila pababa, ngunit pinatunayan niyang may ibubuga siya. Tinapos niya ang Elementarya at hayskul na may pinakamataas na parangal. 

Advertisement

Nang makapagtapos sa hayskul, nilisan ni Sarah ang probinsiya at nagtungo sa Maynila upang makapiling na ang ina. Dahil salat pa rin sa buhay, akala ng dalaga ay hindi na siya makakatuntong ng kolehiyo, subalit dahil sa taglay na talino at sipag, natanggap si Sarah na isklolar sa isang pampublikong unibersidad.

Naging mas matindi ang kapit ng dalaga sa kaniyang pananampalataya sa Diyos. Habang parami nang parami at dumarating na pagsubok, patindi rin nang patindi ang kapit niya sa kaniyang paniniwala. 

“Hindi ako pababayaan ng Panginoon,” determinadong sabi ni Sarah sa kaniyang sarili. 

Naging maganda ang takbo ng pag-aaral ng dalaga. Ngunit isang masamang balita ang dumating sa kanya.

“Wala na ang iyong tatay, anak. Pumanaw na siya. Ipinaabot sa akin ng pinsan niya ang balita kanina lang,” malungkot na sabi ng ina ni Sarah.

“Ah, ganoon po ba?” malamig na tugon naman ng dalaga.

“H-hindi mo ba siya bibisitahin kahit sa huling sandali?” tanong ng ginang.

Hindi makakibo si Sarah. Kahit gustuhin niyang malungkot, bigla sumiklab muli sa puso niya ang galit na humina ang ningas sa lumipas na mga taon. Paano ba niya haharapin ang isang bagay na kay tagal niyang iniwasan?

Advertisement

Kahit na nag-aalab ang galit at sama ng loob, nagtungo si Sarah sa lugar kung saan nakaburol ang ama. Unti-unting bumigat ang paa niya habang naglalakad patungo sa puting kabaong. Nang makalapit ay pinagmasdan niya itong mabuti.

Pumuti na ang ilang buhok ng ama. Bakas na rin sa balat at mukha nito ang pagtanda. Walang kahit na anong buhay ang maaninag pa.

“Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala. Ang sakit ng ginawa mo sa amin noon. Napakahirap ng pinagdaanan ko. Gusto ko pang may patunayan, pero bakit hindi ko matanggap na wala ka na ‘tay? Bakit hindi ko magawang tanggapin na sa pagkakataong ito, tuluyan mo na kaming nilisan?” hagulgol ni Sarah sa harap ng walang buhay na katawan ng ama.

Ang sama ng loob at pagkamuhing nadarama ay unti-unting napalitan ng pagmamahal, lungkot, pagsisi at higit sa lahat, pagpapatawad.

“Paalam, tatay. Hindi ko man narinig galing sa’yo at hindi mo man hiningi, nais kong malaman mong pinapatawad na kita. Dalangin ko ang kapayapaan mo,” bulong ng dalaga bago tuluyang umalis.

Mas naging maluwag ang pakiramdam ni Sarah pagkatapos noon. Para bang isang malaking tinik ang nabunot mula sa kanyang dibdib. Ang pagpapatawad na ginawa ay naging daluyan pa ng malaking pagpapala sa kaniyang buhay. 

Gumamit ang Diyos ng napakaraming tao na gagabay kay Sarah. Kung dati ay gulong-gulo siya kung bakit labis-labis ang paghihirap na kanyang dinanas, ngayon batid na niyang paraan pala iyon ng Diyos upang patatagin siya.

Sa tulong ng matinding pagnanais na magtagumpay, natapos ni Sarah ang kolehiyo na tangan ang isa na namang mataas na karangalan.

Advertisement

Tunay ngang walang imposible sa Panginoon sa buhay na ito. Dahil sa presensiya at patnubay Niya, nagkaroon ng kapatawaran si Sarah sa kanyang puso. Higit sa lahat, Siya ang naging pundasyon para maabot ng dalaga ang lahat ng kaniyang pangarap.

Isa na ngayong kilalang journalist at broadcaster si Sarah sa isang malaking TV network sa Pilipinas. Tinitingala at nirerespeto ng mga tao. Nabigyan niya ng maganda at maginhawang buhay ang ina. Ipinakita niya at ipinamukha sa mga taong nang-api na kaya niyang bumangon at kaya niyang tuparin lahat ng kanyang pangarap kahit hadlangan pa ito ng kahirapan o ng kung anuman.