Inday TrendingInday Trending
Binubugbog ng Bading ang Kanyang Ina, Nang Magkasakit Siya ng Walang Lunas ay Doon Niya Nakita ang Halaga Nito

Binubugbog ng Bading ang Kanyang Ina, Nang Magkasakit Siya ng Walang Lunas ay Doon Niya Nakita ang Halaga Nito

Disi otso anyos si Ismael at kung tutuusin dapat ay nag-aaral na siya sa kolehiyo pero mas pinili niyang huminto. Willing naman ang kanyang nanay na igapang ang kanyang pag-aaral, siya itong may problema dahil kuntento na siya na sumali sa mga beauty pageants kaysa pumasok sa eskwela.

Bading siya, tanggap naman iyon ng kanyang ina pero malayo pa rin ang loob niya sa babae. Ewan niya ba, basta naiinis siya rito. Naiinis siya sa pangungulit nito kung uuwi ba siya, naiinis siya kapag naglalambing ito sa kanya lalo na pag pinagsasabihan siya nito tungkol sa pagpili ng lalaki.

“Anak, masaya akong masaya ka. Pero piliin mong mabuti, ayaw ko lang na nasasaktan ka.” sabi ng kanyang ina minsang ma-tyempuhan siya nito na nag-aayos ng gamit. May beauty contest kasi siyang dadayuhin sa probinsya, malapit na kasi ang eleksyon kaya pasikatan na naman sa mga programa ang mga kandidato.

“Humingi ba ako ng pera sayo pambigay sa mga lalaki ko? Tumahimik ka nga dyan, ang OA mo.” sabi niya rito at sinundan pa iyon ng irap. Nagsisimula na naman siyang mainis, nakikialam kasi ito sa diskarte nya.

“Ang sinasabi ko lang, iyong boyfriend mong si Charles ba iyon? Nakita ni Mareng Linda na nakatambay doon sa parlor sa kabilang barangay, at nilalandi daw si Ricky, yung may ari ng parlor. Baka kasi niloloko ka lang ni Charles, pinagsasabay kayo.” mahabang sabi nito.

“O ano ngang pakialam mo? O kung pineperahan ako, ano naman sayo? Kung pinagsasabay kami, ano naman sayo? Wag ka ngang mambasag ng trip ko. Kung inggit ka, manlalaki ka rin.” sabi niya at tinalikuran na ang ale na pinipigil lang pala ang luha kanina pa. Ang puso at isip nito ay gulung gulo na kaiisip kung saan ito nagkamali, bakit nagkaganito ang nag-iisa nitong anak?

Samantalang pumara na ng tricycle si Ismael, mabuti pang maaga nalang siyang umalis. Mabubwisit lang siya sa nanay niyang pakialamera.

Hindi iyon ang huling beses na nag-away sila ng nanay niya dahil sa panlalalaki niya. Isang gabi ay lasing na lasing siya, doon sila nag-inuman sa bahay nila. Nagulat ang nanay niya dahil nang bulagta na ang anak ay ninanakawan na ito ng dalawang lalaki, hawak na ng isa ang wallet niya habang ang isa naman ay tinatanggal na ang sim card ng cellphone nya.

“H*yop kayo ah!” bulyaw ng ginang, kinuha ang baso at ibinato iyon sa dalawa. Dahil nabasag ang baso ay nagising si Ismael.

“Ano ba?!” bulyaw niya sa ina.

“Ninanakawan ka ng mga gagong ito!” sabi ng ginang at akmang susugurin ang dalawa pero nagulat ang babae dahil hinawakan ng mahigpit ni Ismael ang kanyang braso at ibinalya sya sa pader, dahilan upang mapaupo siya sa sahig. Ang sakit ng balakang ng ginang at halos di makatayo.

“A-anak, aray ko.” sabi ng ginang. Di pa nakuntento si Ismael at sinipa pa ang tagiliran nito.

“Ang sabi ko kasi sayo wag kang makikialam!”

Pinahid ni Ismael ang luhang tumulo sa kanyang mga mata, kung maibabalik niya lamang ang panahon. Labinlimang taon na ang nakalipas, matagal na ring pumanaw ang nanay niya.

Mula nang pangyayaring iyon ay di na nawala ang sakit sa balakang ng ginang at nagsimula na itong manghina, kung ano ang ikinamatay nito ay ni hindi niya nalaman. Hindi niya naman kasi ito napacheck-up, masyado siyang abala sa paggasta ng pera sa kanyang luho at mga lalaki.

Ni hindi niya nabigyan ng maginhawang buhay ang nanay nya.

Ngayon ay narito siya sa banig ng karamdaman, kung nakinig lamang siya ay hindi sana ganito ang buhay niya. May AIDS siya at tuluyan na noong tinatalo ang katawan niya.

“Nay, patawarin mo ko nay..” paulit-ulit na sabi niya sa pagitan ng paghikbi at pag-ubo. Humpak ang pisngi niya at nangingitim ang ilalim ng mga mata. May kung anong kati-kati rin ang tumubo na sa katawan niya. Nakuha niya ito sa pakikipagtalik sa iba’t ibang lalaki.

Kung nakinig lang sana siya.

“Anak, Ismael ko,”

Pumitlag ang puso niya nang marinig ang boses na iyon, “Nanay?” sabi niya. Sinubukan niyang tumayo pero hindi na kaya ng katawan niya.

“Anak ko, hindi na ako galit sayo. Magpahinga na tayo..”

Napangiti si Ismael, sa wakas ay nakuha niya na ang pagpapatawad na matagal na niyang minimithi. Kasunod ng pagngiti niya ay ang pagpikit, tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Kahit na kailan ay hindi maghahangad ng masama ang mga ina sa kanilang anak. Maaaring akala natin ay hinahadlangan nila ang magpapasaya sa atin, pero ang totoo, hinahangad lamang nila kung ano ang mas makabubuti.

Advertisement