Binangga ng Aleng Taga Iskwater ang Isang Mukhang Mayamang Mag-asawa; Nawalan Siya ng Bahay at Lupa Dahil Dito
Dalawang taon nang nakatira ang pamilya ni Sita sa iskwater, ang bahay nila ay pinagtagpi-tagping kahoy, yero at plastic. Ang kanyang asawa ay umeekstra-ekstra sa construction, at mayroon siyang dalawang anak.
Kung tutuusin ay isa siya sa pinaka-may kaya sa iskwater dahil mayroon siyang sari-sari store. Pakiramdam niya ay mas mataas na siya sa lahat.
“Hindi ba sinabihan na kita Hogan na wag kang makikipaglaro sa mga bata dyan, ang dudumi ng mga yan,” pintas niya habang nakakamay silang kumakain ng kanin at lutong ulam.
“Nay, saan naman po ako maglalaro? Ang init-init dito sa bahay, tumatagos sa yero natin.” tapat na sabi ng bata, totoo naman iyon. Sa tanghali ay parang pugon sa kanila, maging ang hangin na ibinubuga ng luma nyang electric fan ay ubod ng init.
“Aba hoy, wag ka ngang magsasalita ng ganyan, tignan mo nga ang bahay ng ibang mga nakatira rito. Ang papangit, pinakamaganda na itong sa atin. Yung mga nasa dulo, lutang tubig pa,” sabi niya at inirapan ang bata.
Hinihiling niyang i-award na sa kanila ng gobyerno ang lupa, pero lingid sa kaalaman niya ay hindi iyon mangyayari kailanman dahil hindi naman pag-aari ng gobyerno ang kinatitirikan ng bahay nila, isa itong private property.
Isang hapon ay napansin ni Sita na may nakaparadang motor sa tapat ng kanyang tindahan. Aba, at tila niyayabangan siya ng mga kapitbahay na nakabili ito ng motor! Lumabas siya, bitbit ang walis tingting at tinanong ang mga tambay kung kanino ang motor na nakaparada.
“Kanino ito?! Kanina paba to dito?!” bulyaw niya. Isa isa namang nagpulasan ang mga tambay, ayaw madamay sa pagbubunganga niya.
“Dun po sa mag asawang naka-pormal na damit.” sabi pa ng isa bago umalis.
Gigil na naghintay si Sita sa tapat ng tindahan niya, malaman niya lang kung sino ang naglagay nito ay humanda talaga sa kanya. Maya-maya pa ay may natanaw siyang mag asawang may edad na, halatang hindi taga roon ang mga ito dahil di pamilyar sa kanya ang mukha. Bukod pa roon ay maganda ang suot ng mga ito at makinis ang balat ng babae, lalong naasar si Sita.
“Inyo to?” mataray na sabi niya nang makalapit ang dalawa.
“Ay oho, pasensya na ho, maputik na kasi doon sa loob at walang maparadahan,” sabi ng babae. Inirapan niya ito at tinignan mula ulo hanggang paa.
“Sino ba kayo? Kung magbabahagi kayo ng salita ng Diyos dito ay walang makikinig sa inyo,” sabi niya. Ganoon kasi ang alam niya sa mga nag-aalok ng bible study sa lugar nila, mga naka-pormal na damit.
Di pa man nakakasagot ang mag asawa ay nagtuloy na siya sa pagsasalita, “Tsaka bakit nyo ipinaparada sa tapat ng tindahan ko yang motor nyo? Pag-aari ko ang lupang to kaya dapat nagsasabi kayo. Ay, kahit pala magsabi kayo ay hindi rin pwede. Wala bang nag-abiso sa inyo na ayaw kong may taong nagkakalat at humaharang sa tapat ng bahay ko?” taas noong sabi niya, akala mo naman ay mansyon ang sinasabi niyang lupa.
Nagkatinginan ang mag-asawa, nagwika ang lalaki sa kanyang misis, “Sabi sayo, hindi lahat sila ay karapat-dapat.” iyon lang at sumakay na sa motor ang dalawa at umalis na.
Makalipas ang isang linggo at nagising si Sita sa sigawan ng mga kapitbahay, pagsilip niya sa labas ay ganoon na lamang ang gulat niya nang may mga construction worker na at mga pulis na nag-aakay sa mga tao upang umalis na sa lugar na iyon.
Karamihan sa mga kapitbahay niya ay malumanay na umalis naman habang ang ilan ay nanlaban. Isa na si Sita doon, bigla siyang sumigaw sa mga pulis, “Ano ang karapatan nyong paalisin kami? I-aaward sa amin ng gobyerno ang lupa!” sabi niya.
“Ma’am, hindi ho gobyerno ang may ari nito kaya kahit na ano’ng hiling nyo ay hindi nila maia-award sa inyo ito. Private property po ito, at gusto na ng may-ari na patayuan ng hotel.” sabi ng pulis.
Ilang diskusyon pa ang sumuko na rin si Sita dahil inakay na siya ng mister niya palayo. Habang pinanonood niya ang bahay na ginigiba ay narinig niyang nagkwentuhan ang mga kapitbahay.
“Nagpunta raw dito yung mag-asawang may ari nung isang Linggo. Ang bali-balita, may nagpakita raw ng kagaspangan. Bale ba ay nais na raw ng asawang babae na ibigay sa atin ito. Naka-motor lang daw eh, dahil nanghiram lang sa tauhan ng motor kasi hindi kasya rito ang magara nilang kotse. Grabe, kung sino man iyong nagpakita ng kagaspangan ay kasalanan niya kung bakit wala tayong bahay ngayon.” sabi ng babae.
Nagbulungan pa ang mga ito pero di na niya narinig pa ang mga sumunod dahil okupado na ang isip niya ng unang sinabi ng babae. Sigurado siyang siya iyon, kung hindi lang sana siya naging mapagmataas, edi sana may bahay silang lahat.
Siya ang may kasalanan kung bakit sa kalsada matutulog ngayon ang kanyang pamilya.
May ibang tambay na sumigaw. “Aling Sita, hindi ho ba sa tapat ng tindahan niyo may motor na nakaparada noong nakaraan? At galit na galit kayong nagbubunganga?”
Nataranta si Sita nang may isang nakakilala sa kaniya at naka-alala ng ginawa niya sa mag-asawa. Narinig naman ng mga kapitbahay ang sinabi ng lalaki at akmang susugurin si Sita at pamilya niya. Dali-dali siyang hinablot ng asawa niya at nakayukong tumakas mula sa komusyon.
Hindi lang nawalan ng bahay at lupa si Sita, nawalan din siya ng dangal.