Dahil Naniwala sa Hula ay Ilang Ulit Nabigo ang Babae sa Mga Naka-Relasyon, Hanggang sa Di Niya Akalaing Matagal na Pala Niyang Nahanap ang Kanyang Tunay na Pag-ibig
“Makakatuluyan mo ang isang lalaking matanda sayo ng apat hanggang limang taon. Siya na ang hinihintay mong makasama sa buong-buhay.”
Tuwang-tuwa si Layla nang marinig ang hula sa kanya ng isang batikang manghuhula sa Quiapo. Noon ay hindi siya naniniwala sa mga hula pero simula nang may makatuluyang mayaman at gwapong lalaki ang kanyang kaibigan na umayon sa hula nito ay nainggit siya’t nakigaya na rin sa kaibigan.
Kaya naman lahat ng nanliligaw o makakarelasyon niya ay binabase niya sa hinula sa kanya ng matanda. Kung hindi mas matanda sa kanya ang lalaki ay hindi niya sasagutin. Hanggang isang navy ang manligaw sa kanya.
“Ilang taon ka na?” unang tanong niya dito.
“30 years old,” sagot naman ng lalaki.
Napangiti si Layla, at binulong sa isipan ang”Mukhang siya na nga.”
Ilang araw niya lang pinatagal ang panliligaw ng lalaki at sinagot na agad ito. Tumagal sila ng ilang buwan at kinailangan nang bumalik sa duty ang nobyo niyang navy. May tiwala siya dito at may tiwala siya sa hula sa kanyang ito na nga ang makakatuluyan. Kaya walang pag-aalalang nagpaalam siya sa nobyo.
Noong una’y nagtatawagan pa sila ng nobyo ngunit nang lumipas ang mga araw ay bigla nalang itong hindi nagparamdam sa kanya. Hanggang sa mabalitaan niya nalang na may bago na palang nobya ito. Iyak siya nang iyak noon at hindi matanggap na hindi pa pala ang lalaki ang tinatawag na destiny niya.
Ilang taon ang lumipas at nakakilala naman siya ng isang businessman na ilang taon rin ang agwat ng edad sa kanya. Pero hindi tulad noon ay hindi niya muna sinagot ang lalaki. Kinilala niya muna itong maigi. At nang mapatunayang mabait naman ito ay sinagot niya na agad ang binata.
Tumagal sila ng isang taon at saktong anibersaryo pa nila nang makita niya itong may kalampungan sa isang mall. At mas masakit niyon ay kapwa pa nito lalaki ang kaakbay nito. Sampal ang inabot sa kanya ng nobyong bakla pala.
Simula noon ay hindi na naniwala sa hula si Layla. Halos isumpa niya nga ang matandang nanghula sa kanya.
“Hi, Layla!” rinig niyang boses ng matalik niyang kaibigan, si AJ.
“Oh, ano na namang kailangan mo?”
“Wala, binabati ka lang. Masama ba?”
“Ewan ko sayo,” kahit matalik na kaibigan ay mainit talaga ang dugo niya sa binata. Mapang-asar kasi ito at palaging siya ang pinagdidiskitahan.
“Pwede bang manligaw?” seryoso ito, malayong-malayo sa awrang mapagbiro noon.
“Huwag mo nga akong pagtripan!” inis na turan niya sa binata.
“Seryoso ako, Layla. Mahal kita.”
Ngunit hindi agad siya naniwala dito. Kahit todo-tanggi siya ay pinilit pa rin nitong suyuin siya. Nakita niya naman ang sinseridad sa mga kilos ng binata.
“Birthday ko na ngayon, Layla.”
“Oo nga pala no? Ilang taon ka na ba?”
“28.”
Simple niyang binilang ang agwat ng edad nila. 24 na siya ngayon. Bigla niyang naalala ang hula sa kanya noon.
“Makakatuluyan mo ang isang lalaking matanda sayo ng apat hanggang limang taon. Siya na ang hinihintay mong makasama sa buong-buhay.”
Hindi siya makapaniwala. Sa hinaba-haba ng panahon ay kung saan-saan siyang lumilingon upang mahanap ang lalaking nakalaan para sa kanya. Hindi niya inasahan na buong buhay na pala niya itong kasama at pinagkakatiwalaan.
Ngunit hindi gaya ng ginawang mabilisang pagsagot sa mga lalaking dumaan sa buhay niya, matagal bago niya sinagot ang matalik na kaibigan. Hindi dahil hindi niya ito mahal pero sa ngayon ay nais niyang manigurado. Hindi na niya hahayaang mawala pa ito sa kanya. Kinilatis niya kung kakayanin ba nitong maghintay. Hindi naman siya binigo ng lalaki.
Sinagot niya ito ng matamis na oo. Napakaswerte niya dahil ang lalaking inilaan sa kanya ay ang lalaking pinagkakatiwalaan niya at siguradong mahal na mahal siya.