Nagtinda ng Pastilyas ang Binatilyong Ito Upang Makapagtapos ng Pag-aaral, Huli Niya na Nalaman ang Pagkilos ng Panginoon sa Kanyang Buhay
Third year high school si Jeff nang biglang mawalan ng trabaho ang kanyang ama dahil sa pagbagsak ng kumpanyang pinapasukan nito. At dahil na rin sa katandaan ay wala nang may gustong tumanggap dito para makapagtrabaho muli. “Jeff, baka tumigil ka muna sa pag-aaral. Hindi ko na kayang pag-aralin ka. Pagbigyan mo muna si Jenna na makapagtapos ng elementarya,” tukoy nito sa nakababata niyang kapatid. Malungkot na tumango ang binatilyo, “Okay po Pa.” Papasok na sana sa eskwela si Jeff upang magpaalam sa kanyang guro’t mga kaklase na titigil na siya sa pag-aaral. Hanggang sa isang matandang lalaki ang nakita niyang nagtitinda sa tabing-kalsada. Nilapitan niya ang matanda. “Manong, ano pong tinitinda niyo?” “Pastilyas, hijo. Bumili ka na, para may kitain naman ako ngayong araw.” Bumili siya ng isang balot sabay tanong dito kung paano gawin iyon. Tinuruan naman siya ng matanda at doo’y isinulat niya ang mga dapat niyang gawin sa paggawa ng pastilyas. Tuwang-tuwa siyang pumasok. Hindi na rin siya nagpaalam sa mga guro’t kaklase na titigil na siya sa pag-aaral. Nang makauwi siya ay agad niyang sinubukang gumawa ng pastilyas gamit ang mga rekado na binili niya sa palengke. “Anong ginagawa mo, anak?” “Pa, hindi na po sana ako titigil.” Nagulat ito sa sinabi niya, “Anong ibig mong sabihin? Wala na nga akong ipangpapaaral sayo.” “Nakahanap po ako ng paraan, Pa. Magtitinda po ako ng pastilyas.” “Sa tingin mo ba’y sasapat iyan para matustusan ang pag-aaral mo?” Hindi siya nakasagot sa halip ay pinagpatuloy niya nalang ang paggawa, “Basta Pa, pipilitin ko pong makapagtapos.” Kinabukasan ay maaga siyang nagising upang ilako ang pastilyas sa palengke. Maganda naman ang naging takbo ng benta niya dahil halos maubos agad ito ng mga tao. Nang makarating pa siya ng school ay nagsibilihan rin ang kanyang mga kaklase. “Jeff, magpaiwan ka mamaya dito. Kailangan kitang makausap,” ika ng guro niya sa kanya. Kinahapunan ay ganoon na nga ang ginawa niya, “Bawal magtinda ng kung ano-ano dito, Jeff.” Napayuko siya, “Gusto kong itigil mo iyang pagtitinda mo at magfocus nalang sa pag-aaral mo.” Naluluha na si Jeff, “Hindi ko po ba talaga pwedeng abutin ang pangarap ko?” “Ano?” naguluhan ang kanyang guro sa sinabi niya. “Kung hindi po kasi ako magtitinda at tutustusan ang pag-aaral ko ay patitigilin ako ng papa ko sa pag-aaral.” Kinuwento niya dito ang nangyari sa kanyang pamilya. Naawa naman ang guro at nangakong tutulungan siyang magsabi sa principal ukol sa pagtitinda niya. Pumayag naman iyon sa huli at tuwang-tuwa siyang nakapagtinda muli sa loob ng paaralan. Sa pamamagitan noon ay nakaipon siya ng pantustos sa kanyang pag-aaral. Nakakapagbigay pa siya sa kanyang ama para sa gastusin sa bahay. Hanggang sa makapagtapos siya ng pag-aaral. Binalikan niya ang matandang nagturo sa kanya noon kung paano gumawa ng pastilyas. Ngunit wala na iyon doon kaya naman tinanong niya sa isang tindero ng prutas kung nasaan na ang matanda. “Wala namang nagtitinda dito ng pastilyas, hijo. Baka nagkakamali ka. Matagal na akong nagtitinda dito nang mag-isa lamang.” Sa kabila ng pagtataka ay taimtim na nagdasal si Jeff at nagpasalamat sa pagsasalba sa kanyang buhay noon. Hindi man niya sigurado kung ano o sino yung matanda, ang sigurado niya lang ay tinulungan siya nitong magkaroon ng pag-asa sa buhay.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.