Inday TrendingInday Trending
Kataka-takang Matapos Umorder ay Pina-take out Agad ng Matanda ang Pagkain Niya, Nakamamangha Pala ang Binabalak Niya Para Dito

Kataka-takang Matapos Umorder ay Pina-take out Agad ng Matanda ang Pagkain Niya, Nakamamangha Pala ang Binabalak Niya Para Dito

“Miss, bigyan mo ako nito, at saka nito at ito,” sunod-sunod na turo ng matandang customer niya sa listahan ng menu. Halos hindi magkandaugaga ang waitress sa mga sinasabing order ng matandang lalaking nakaamerikanong suit pa. Kasabay ng paglilista ay natatakam rin siya sa bawat pagkaing inoorder ng matanda. Sa isip isip niya, “Someday, makakaorder rin ako nang ganito karami at kasarap na mga pagkain.”

Ngumiti si Debbie at inulit ang order nito. Kinumpirma nito ang order at nang papaalis na siya ay may pinahabol pa ito, “Miss, isang basong tubig pala.”

Nakangiting tumango siya sa matanda, “Yes, Sir!”

Siya na rin ang nagserve ng sankaterbang order ng matandang lalaki. Napalunok siya nang mapagmasdan kung gaano kasarap ang mga inorder nito. Kung sa picture ay masarap na kung titignan ang mga ito, paano pa kaya kung nakikita niya na ang mga ito nang harapan?

“Sana makakain rin ako ng ganito kasasarap na pagkain,” sa isip-isip niya habang naglalaway sa sarap ng mga pagkaing sineserve sa mesa.

Gutom na rin kasi siya dahil mula pa siya kaninang umaga hindi kumakain. Opening kasi siya sa restaurant kung kaya napakaaga niyang pumasok kanina. Tinitipid niya rin kasi ang pera niya dahil bibilhan niya pa ng pagkain ang mga kapatid at ina sa bahay mamayang uwian niya. Isang kain na lamang ang ginagawa niya sa tuwing papasok siya. At ito ay sa tuwing lunch break niya lang.

“Miss!” nagtaka siya nang bigla siyang tawagin ng matanda. “Pakibalot na ito.”

Takang-taka at nanlaki ang parehong mga mata niya sa sinabi ng matanda. Wala kasi itong nakain ‘ni isa sa mga masasarap na pagkaing inorder nito. Sa halip ay isang basong tubig lang ang naubos nito.

“Lahat na po ito, Sir?” takang-tanong niya pa rin dito.

Ngumiti ito sa kanya, “Oo at babalikan ko nalang mamaya.”

Ginantihan niya ito ng ngiti, “Sure po, Sir.”

Kinuha na nito ang bill at saka nagbayad. Tiningnan muna nito ang balot ng pagkain at saka inabot muli sa kanya at pinaiwan. Sinsero pa siyang nginitian ng matanda bago tuluyang lumabas ng restaurant.

Ngunit ilang oras ang lumipas ay nag-alala na siya dahil hindi pa rin bumabalik ang matanda. Pauwi na rin siya dahil malapit na siyang mag-out sa trabaho, “Asan na kaya si manong? Pauwi na ako mahirap ibilin ito sa iba dahil baka hindi mabantayan maigi. Sayang naman itong inorder niyang pagkain mapapanis lang lang ito malamang.”

Nang maglinis na siya ay kinuha niya ang balot ng pagkain ng matandang customer nila kanina. Ibibigay at ihahabilin niya sana ito sa isang kaclose niyang waitress din. Ngunit nagulat siya nang may malaglag na maliit na papel mula doon. Binasa niya ang nakasulat. Halos maluha siya sa mababait na salitang nabasa sa isang maliit na papel.

Miss,

Gusto ko lang makatulong sa isang tao ngayon araw at ikaw ang napili ko. Sana mabusog ka at ang pamilya mo sa inorder kong pagkain para sa inyo.

P.S.

Pakiinit nalang para masarap pa rin kapag kinain niyong pamilya. Alam kong gabi na kayo nakakauwi mula sa trabaho. God bless, hija.

Tuluyan nang napaluha si Debbie sa nabasa. Hindi niya lubos-akalaing may mabuting loob pa pala sa mundong ito tulad ng matandang customer nila kanina. At hindi rin niya inakalang siya ang maswerteng maaambunan nito ng grasya. Taimtim siyang nagdasal at nagpasalamat sa napakasarap na biyayang natanggap niya ngayong araw.

Tila ba sinadya ng Panginoong Diyos na siya ang matulungan dahil kanina pa nga kumakalam ang sikmura niya sa gutom. Bukod doon ay kanina niya pa rin iniisip kung kanino mangungutang ng pera pambili ng kaunting pam-pancit dahil kaarawan ngayon ng kanyang mahal na ina. Sa isip isip niya’y agad na dininig ng Panginoon ang kanyang dalangin.

Dahil doon ay masaya siyang umuwi ng bahay at buong-pusong ipinamahagi ang inuwing pagkain sa naghihintay niyang pitong kapatid at ang kanyang minamahal na ina.

“Wow ang sarap naman ng uwi mo ate!” bulalas ng kanyang kapatid.

“Sahod mo na ba anak? Hindi ba masyadong marami ‘ata itong binili mo para sa amin?” nag-aalalang tanong ng ina.

Hinawakan niya ang kamay nito, “Nay hindi ko po binili ang mga ‘yan. May mabuting loob po na nagkaloob sa atin ng grasyang ito. Kaya kumain kayo ng marami, Nay. Masaya po akong makita kayong busog ng mga kapatid ko.”

Advertisement