Inday TrendingInday Trending
Nagkunwari ang Mayamang Lalaki na Naghihirap Upang Malaman ang Tunay na Damdamin ng Nobya Para sa Kanya

Nagkunwari ang Mayamang Lalaki na Naghihirap Upang Malaman ang Tunay na Damdamin ng Nobya Para sa Kanya

Iyak nang iyak si Noemi, nobya ni Jello, nang makita siyang nakaratay sa hospital bed ng isang pribadong ospital. Natutuwa naman siya dahil nakikita niyang may pakialam naman sa kanya kahit papaano ang kasintahan sa kanya. Nang patawagan niya ito sa nurse upang sabihin na naospital siya, ay taranta itong nagtungo sa ospital kung saan naroon siya. Napapangiti siya sa isip. Mukhang papasa na ang nobya niya ngayon upang yayain niyang magpakasal. Tinitignan niya kasi ang magiging reaksyon nito sa sasabihin ng kanyang kapatid na paparating na anumang oras. Hindi niya masisisi ang kapatid na magsuhestiyon ng ganitong ideya dahil ilang beses na nga naman siyang nasaktan dahil sa kaalamang pera lang ng pamilya nila ang tanging motibo ng mga babaeng nakakarelasyon niya. Hindi naman kasi siya ganoon kagandang-lalaki kung kaya madalas ay hinuhuthutan lang siya ng pera ng karamihang mga babae. “Kuya, kamusta ka na?!” Kinabahan siya nang biglang dumating ang kapatid niya. Tila alalang-alala pa ito sa kanya. Sa isip-isip niyang napakagaling talagang umarte ng nakababatang kapatid na si Jigs. Niyakap siya nito nang mahigpit. Agad naman iyong pinigilan ni Noemi, “Saglit lang Jigs, dahan-dahan sa pagyakap sa kuya mo. Baka kung mapano ‘yan.” Lalong kinilig si Jello sa narinig mula sa nobya. Talagang mahal nga siya nito, hindi lamang dahil sa pera ng pamilya niya. “Bakit mo naman kasi sinabi kila Mommy’t Daddy yun, kuya?” nag-uumpisa na ang kapatid niya sa drama nila. Agad niyang napansin na nacurious ang girlfriend niya sa sinabi ng nakababatang kapatid. Ngunit hindi ito nagsalita at nagpatuloy lang sa pakikinig. “Eh ‘yun ang gusto ko, wala na silang magagawa dun!” kunwa’y inis na sabi niya. Napakamot pa ng ulo si Jigs, “Ayan tuloy ang napala mo, napalayas ka ng bahay! Tinanggalan ka pa ng mana!” Nanlaki ang mga mata ni Noemi. Kitang-kita ang pagkabigla sa mukha nito. Hindi na tuloy nito napigilang sumingit sa usapan, “Anong ibig sabihin nun, Jello? Anong ginawa mo?!” Halata ang inis sa mukha ng dalaga. Pinagdarasal niya na sana’y mali ang kutob niya ukol dito. “Paano kasi ‘yang si kuya sabi niya bubukod na daw siya ng tirahan at magsasariling-negosyo! Ayan tuloy napala niya nabato siya ni Daddy ng bat. Napalayas pa siya at tinanggalan ng mana.” Doon na tuluyang sumabog ang dalaga. Tumayo ito at binato ng unan si Jello, “Napakairesponsable mo naman, Jello! Paano mo namang nagawa ‘yun nang hindi naiisip ang future ko, este ang future natin!” Napakuno-noo si Jello. Tuluyan nang nasaktan nang makilala ang totoong pagkatao ng nobya. Isa na naman palang bangungot ito para sa kanya. “Ganoon ang gusto ko, Noemi. Ayaw ko nang umasa sa kanila.” Lalong sumimangot ang babae, “Papaano naman ‘yung mga gusto ko? Paano mo mabibigay lahat ng iyon?!” Malungkot siyang ngumiti sa nobya. Nang araw at oras na iyon ay tinanggap niya nang wala na ito sa buhay niya. Nakumpirmang niyang pera nga lang ng pamilya niya ang minahal nito. Hindi na rin siya nahirapang makipaghiwalay dito dahil ito na mismo ang nakipag-break sa kanya. Umiiyak siyang kinausap ng kanyang kapatid, “Hayaan mo na ‘yun kuya. Ang importante’y nalaman mo ang totoong motibo niya sa relasyon niyo. Huwag kang mag-alala, makakahanap ka rin ng babaeng tanggap ka at mahal ka kung sino ka talaga at hindi kung anong meron ka.” Ilang taon ang lumipas at tila nagdilang-anghel ang kapatid niya. Dahil habang namamalengke siya sa probinsya kung saan nagdesisyon siyang mamuhay munang mag-isa ay dumating sa buhay niya si Layla. Inakala nito noong una ay kargador siya dahil mukha siyang gusgusin at napawisan na sa pagbubuhat. Sa kabila noon ay totoo pa rin itong nakipagkaibigan sa kanya. Niligawan niya sa huli, naging sila at niyaya niyang magpakasal kahit hindi nito alam ang maalwang estado niya sa buhay. Tinanggap siya nang buong-buo ng babaeng pinakamamahal niya. Doon napatingala sa langit si Jello. Isip-isip niya, di baleng ilang beses siyang nasaktan, tingin niya’y pinagkaloob ng Panginoon na pagdaanan niya ang lahat ng sakit sa pag-ibig upang mas maging handa siya sa tamang taong nakatadhana para sa kanya. Isang babae na mamahalin siya kung sino siya at hindi dahil sa kayamanang angkin niya. Ipinangako niya sa sarili na ibibigay niya ang lahat na naisin ng babaeng pinakamamahal niya. Ibibigay niya ang mundo dito. Mundong lahat ng babae ay nanaisin na magkaroon. Mundong gagawin niya itong reyna. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement