Inday TrendingInday Trending
Tayo na Lang Dalawa

Tayo na Lang Dalawa

Malalim na ang gabi ngunit patuloy pa rin sa pag-inom ang magkakabarkada sa bahay ng kanilang kaibigan na si Josh. Masayang inuman na nauwi sa malalim na usapan.

“Hindi ko talaga alam kung ano bang mali sa akin eh,” patanong na sabi ni Josh.

“Bakit naman p’re?” tanong naman nitong si Patrick.

“Paano ba naman, ‘yong may gusto sa’kin, hindi ko naman gusto. ‘Yong gusto ko, hindi naman ako gusto,” sagot ni Josh.

“Alam mo ba pare kung bakit ganon? Ibig sabihin niyan ay hindi pa sila yung tamang tao,” biglang pabidang sagot naman ni Marco habang lahat ay tumatagay ng alak.

“Ano ba naman ‘tong mga lalaki na ‘to! Malalaki nga ang katawan pero daig pa ang mga babae sa dramahan,” singit ng kaibigan nilang si Dominique.

“Nako, nandiyan na naman ang babaeng maangas pa sa lalake,” pabirong sabi ni Patrick.

“Ay grabe siya,” sagot ni Dom habang umiinom ng chaser.

“Dapat kasi, hindi tayo nagmamadali. ‘Pag wala, edi wala. Pag mayroon, edi mayroon,” dagdag ni Dom, na tila ba ay sinesermunan ang mga lalaking kaibigan niya.

“Dom!” sigaw ng mga kabarakda pa nilang babae na nasa may pool.

“Dom, balik ka na rito. May ichi-chika kami sa iyo,'” sigaw pa ni Mae.

Agad naman umalis sa inuman si Dom at dumiretso sa pool, at agad din naman siyag pinag-usapan ng mga kaibigang lalaki.

“Josh, si Dom. Hindi mo ba siya gusto?” seryosong tanong ni Patrick.

“Pat, tinanong ko na rin ‘yan sa sarili ko mismo. Kasi si Dom, lagi siyang nandiyan. Bespren ko ‘yan eh. Wala pa ata ang mundo, nakatakda na maging magkakilala kami para maging matalik na kaibigan,” sagot ni Josh.

“Oh, diba pwede naman yon? Kasi kung ako pre, kung gusto ko ng pang matagalan na relasyon, doon ako sa kilala ko. Sa kilala na ako. Sa alam na lahat ng maganda ang panget sa akin, para alam ko na tanggap ako,” sagot ni Patrick.

“Oo nga p’re. Pero mahirap kasi ipaliwanag, na may parte sa isip ko na ayaw ko subukan kasi ayaw ko dumating yung araw na magkakasakitan kami at mawala siya sa akin,” seryosong sagot ni Josh.

“Ayie, edi gusto mo nga si Dom?” pabirong tanong ni Marco.

“P’re, gusto ko siya kasi siya si Dom eh. Mahalaga siya sa’kin. Pero iba kasi ‘yong gusto na gusto mong maging girlfriend,” depensang sagot naman ni Josh.

Lumalalim na ang usapan at ang tanging tumataktak kay Josh ay ang huling sinabi ni Patrick.

“P’re, ‘yon na nga yung ‘di mo ma-gets eh. Kaya ka naiiwan, kasi maling tao ang pinipili mo. Yung nayustuhan mo dahil crush mo siya o maganda siya, ay ibang-iba sa nagustuhan mo siya kasi nagustuhan mo lahat ng tungkol sa kanya. Mas magiging matatag, ‘pag kilala mo na talaga yung tao. Hindi yung kikilalanin mo lang yung tao kasi gusto mo siya,” ani Patrick

Napatahimik si Josh. Paulit-ulit niyang naririnig sa kanyang isip ang sinabi ni Patrick at napasagot na lamang siya ng…

“Eh paano p’re, kung ayaw naman niya?” sagot ni Josh.

“Pano mo malalaman ang sagot kung hindi mo susubukan?” sagot ni Patrick.

Nagpatuloy ang kasiyahan hanggang sa inabot na ng umaga. Lahat ay napagod na. Si Josh na lang ang natitirang gising pa dahil kailangan niyang magligpit ng bahay.

Habang nagliligpit ay nakita niya si Dom na mahimbing na natutulog sa may kubo malapit sa pool. Malaking ang barkada nila Dom at Josh. Simula hayskul pa lang ay sila na ang magkakasama. Kaya simula noon ay magbestfriend na sila hanggang ngayon na nagtatrabaho na sila.

At sa loob din ng maraming taon, ay ngayon niya lang tinitigan si Dom. ‘Di lang bilang isang kaibigan kundi bilang isang babae.

“Babae man nga sa paningin, pero maton pa rin,” pabirong sabi ni Josh na parang inaasar si Dom habang tulog.

“Hay Dom, higa mo pa lang magaslaw na. Paano ka maliligawan niyan? Ang lakas mo pa maghilik, ‘yong tawa at boses mo pa panglalaki. Malakas ka pa nga ata sakin eh,” pabirong sinabi ni Josh habang kinakausap ang natutulog na si Dom.

Habang patuloy niyang inaasar si Dom habang ito ay tulog, paulit-ulit pa din niyang naiisip ang sinabi ni Patrick sa kanya.

“Paano pag siya pala talaga? Pano pag ‘di ko lang napapansin kasi alam ko magkaibigan kami? Pano ‘pag gusto ko na pala talaga siya?” tanong ni Josh sa kanyang sarili.

“Paano pag yug ‘gusto’ na meron ako kay Dom, ay may mas malalim pa palang kahulugan?”

Ilang linggo na ang nakakalipas at patuloy pa rin ang pagiging matalik na magkaibigan ni Josh at Dom. Ngunit sa pagkakataon na ito ay, unti-unti nang naliliwanagan si Josh kung ano nga ba si Dom sa kanya.

“Si Dom. Si Dominique Santos. Siya yung babaeng para sa akin. Siya yung babae na hindi ko kayang makita na nasa piling ng iba. Siya yung babae na gusto kong makita sa umaga at sa gabi bago ako matulog. Ako ay ako, pag siya yung kasama ko. Walang pagpapanggap. Walang tinatago. Siya yung babae, hindi ko kayang makita na masaktan. Na sa mundong ito, madami man ang dumaan na babae sa buhay ko, kay Dom ko lang napakita ang totoong ako,” malalim na nag-iisip si Josh.

Hindi niya alam kung paano at kung ano ang dapat niyang gawin. Pero, bigla niyang naisip na si Dom iyon. At sa lahat ng lalaki sa mundo. Siya lang ang lubos na nakakakilala sa kanya.

Dali-daling tinawagan ni Josh si Dom.

“Hoy Dom, nasaan ka?” bati nito sa unang hello ni Dom sa telepono.

“Pauwi pa lang ako, nasa office pa,” sagot ni Dom.

“Pwede ba tayong magkita? Kakain lang. Sabado naman bukas at walang pasok,” pag-aaya ni Josh kay Dom.

“Uy sige! Gusto ko ‘yan! Galing mo talaga makaramdam,” masayang sagot nito.

Sinundo ni Josh si Dom sa kaniyang opisina. Hindi alam ni Dom kung saan sila kakain at lalabas ni Josh, at sa sobrang pagod na rin sa trabaho ay nakatulog ito sa biyahe.

Nagulat na lang si Dom nang gisingin siya ni Josh, at hindi niya sukat akalain na sa Tagaytay pala sila kakain.

“Taray mo naman Josh! Pumunta pa tayong Tagatay para sa hapunan ha!” pabirong sabi ni Dom.

“Ida-date talaga kita sana ngayon. Yung may kandila pa at pa-background music. Pero naalala ko si Dom ka nga pala, hindi ka mahilig sa mga ganoon. Kaya dito na lang tayo sa bulalo-han. Pwede pa tayong tumambay sa may veranda katapat ng Taal pagkatapos,” sagot ni Josh.

“Ay iba rin! May pa-date siya oh. Sige kunwari gerlpren mo ako ngayon,” pabiro pa din sabi ni Dom.

Pero sa loob-loob nito ay gulat ang kanyang naramdaman. Na tila ba ay may kakaiba sa kaibigan.

“Halika na! Kumain na tayo. Dalawang oras din pala tayong nagbiyahe. Pasalamat ka tulog ako at hindi ko naramdaman ang dragon sa tiyan ko, kundi na ko makakakita ka ng dragon kanina,” pang-aasar niya kay Josh.

Kumain na ang dalawa. Simpleng hapunan pero masayang-masaya si Josh dahil kasama niya si Dom. Mahahabang kwentuhan at malalakas na tawa ang pinagsaluhan nilang dalawa. Maya-maya ng matapos na kumain ay niyaya niyang lumabas si Dom sa may veranda ng lugar. Doon ay abot tanaw mo ang malawak na langit.

Habang nakatingin ang dalawa sa langit ay bigla nagsalita si Josh.

“Dom, hindi ko alam paano ko ‘to sisimulan. Dom, sa lahat ng babaeng nakilala ko, sayo lang masaya ng tunay yung puso ko. Alam ko magkaibigan lang tayo pero sa tagal na panahon, ngayon ko napagtanto yung halaga mo sa akin. Ngayon, alam ko na kung sino ka sa buhay ko Dom…” mabagal niyang sinasabi ang salitang ito na tila ramdam niya ang bawat linya,

“Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman mo ngayon, pero ako sigurado na ako. Ikaw, Dom, ang babaeng ipagdadasal ko na mailakad sa simbahan papuntang altar para ipangako ang pag-ibig na walang hanggan,” seryosong sabi ni Josh.

“Mahal kita, Dom,” pahabol nitong sinabi.

Tahimik. Napuno ng pansamantalang katahimikan ang lugar. Na parang huminto ang lahat at inaabangan ni Josh ang sagot ni Dom.

“Josh, nauntog ka ba?” pabirong sagot ni Dom.

“Hindi kasi ako makapaniwala na sasabihin mo ‘yan. Hindi ko alam kung naramdaman mo ba o nakarating na ba sa iyo sa wakas yung pagmamahal na matagal ko nang binibigay sa’yo,” mahinhin na sinabi ni Dom.

Hindi makapaniwala si Josh sa naririnig.

“Alam ko kasing magkaibigan lang tayo eh. Ilang babae na ba ang dinate mo? Hindi ba marami na? Kaya hindi na ko nagtangka pa na sabihin sa’yo noon pa na gusto kita. Masaya na ako na magkaibigan tayo, handa na nga akong mahalin ka sa malayo eh,” naiyak na sinabi ni Dom.

Kung si Josh ay kamakailan lang napagtanto ang pag-ibig niya kay Dom. Si Dom ay matagal na. Matagal na niyang minamahal sa malayo ang kaibigan. Kaya ‘di niya sukat akalain na maririnig niya ang salita na mahal kita mula kay Josh.

“Mahal kita, Josh,” pahabol na sinabi niya ito.

Nagkatinginan ang dalawa. Parehas na gulat pero nakangiti ang mga mata.

“Tayo na lang dalawa? Tayo naman pala talaga e,” ani Josh.

Tahimik lang si Dom, at niyakap si Josh. Hudyat ng pagtanggap sa pag-ibig nilang dalawa. Hindi man sigurado ang hinaharap, pero sigurado sila na ang isa’t isa ang nais nilang makasama sa hirap at ginhawa. Kaya ano man ang kaharapin nilang pagsubok ay tiyak na kakayanin basta’t sila ay magkasama.

Advertisement