Inday TrendingInday Trending
Hindi Akalaing Pagmamahal

Hindi Akalaing Pagmamahal

Laki sa hirap si Bella. Hindi man nakapagtapos ng pag-aaral, marunong naman siya sa buhay. Todo kayod ang dalagita, kung minsan ay nagtatawag ng pasahero sa jeep, o kung minsan naman ay nagrerepack siya ng uling kila Aling Bebang.

Bukod sa kilala siya bilang raketera, kilala rin siya dahil sa taglay niyang kagandahan. Idagdag mo pa ang balingkinitang hugis bote niyang katawan. Kaya naman maraming nahuhumaling sa kaniyang mga taga-barangay nila.

“Ay naku Junjun, tigilan mo ako. Sa hirap ng buhay, gusto ko mayaman na mapapangasawa ko. Ayokong habangbuhay na maging raketera. Sige na, alis na. Iwan mo yung tsokolate dyan ha.” pagtataray ni Bella.

Dahil nga sa nabansagan na siyang raketera, isang araw ay pinuntahan siya ng dati niyang kamag-aral na nagtatrabaho sa isang golf company.

“Bes, sige na. Magpapayong ka lang naman ng mga matatandang amoy lupa doon. Yun lang. Gusto kasi nila nang may itsura at balingkinitan. Eh sobra sobra ka pa sa qualifications nila bes!” pagkukumbinsi ng kamag-aral niya.

“O, magkano ba swelduhan dyan?” pagtataray ni Bella habang nilalabhan ang mga panloob ni Aling Bebang.

“Aba malaki bes! Tapos kapag nagustuhan pa ng customer yung serbisyo mo, may tip pa. Dollars ang bigayan don. Ewan ko ba sayo bakit ka pa nagdadalawang isip!” inis nang sabi nito.

Dahil nga sa laki nang kita, pumayag na rin kalaunan si Bella. Ayos naman ang gawain, hindi gaanong nakakapagod, init at bola lang talaga ang kalaban.

Noong minsa’y natamaan ng bola itong si Bella, agad-agad siyang nilapitan nang isang matandang lalaki. Dito niya nakilala ang may ari ng golf company na ito. Si Mr. Alcantara. Agad itong nahumaling kay Bella, kaya naman bago siya umuwi, may iniabot itong tip at maliit na papel kay Bella. Niyaya siyang kumain ng hapunan sa isang sikat na restaurant.

“Naku bes ha, sunggaban mo na yan. Mayaman gusto mo diba? Hindi naman amoy lupa yang si Mr. Alcantara. Mabango pa yan sa isang bagong silang na sanggol. O sige na, lumarga kana. Lalo kang gumanda noong naligo ka.” biro ng kamag-aral ni Bella habang kinukulot ang kanyang buhok.

Pumunta nga si Bella sa nasabing tagpuan. Doon niya mas lalong nakilala si Mr. Alcantara. Palabiro ito, mabait, galante, maginoo. Masaya si Bella sa kanilang pag-uusap, halos nakalimutan na niyang mas matanda nga pala nang limangpung taon itong si Mr. Alcantara kaysa sa kanya.

Nasundan pa nang nasundan ang paglabas ng dalawa hanggang sa nanligaw na nga si Mr. Alcantara sa kanya, sinagot naman ito agad ni Bella.

“Bella, huwag ka sana mabibigla ha, gusto ko na kasi kitang pakasalan. Alam mo naman medyo matanda na talaga ako, wala na akong gustong gawin sa buhay kundi ang sumaya..” sabi nito kay Bella.

Natawa si Bella pero nagulat siya sa ika ni Mr. Alcantara. Tunay iyonh maginoo, na kahit narito na lahat ng paraan para makuha si Bella, nagtatanong pa rin ito na para bang isang binatilyong hinihingi ang kamay niya sa kanyang mga magulang.

Dumating nga ang araw na pinakasalan ni Bella si Mr. Alcantara. Kitang-kita niya kung paano umiyak ang isang bilyonaryo habang naglalakad siya patungo dito.

“Napakaganda mo. Bakit ngayon ka lang kasi dumating?.” biro nito.

Wala nang mas sasaya pa kay Bella at Mr. Alcantara noong araw na iyon. Doon nalaman rin ni Bella na siya pala ang kauna-unahang naging karelasyon nitong si Mr. Alcantara. Pihikan daw kasi ito noong kabataan at subsob sa trabaho.

Umalwan ang buhay ni Bella at ng pamilya niya. Kasabay ng paglipas ng taon, nadadagdagan ang pangamba ng babae sa pagkawala ng asawa kaya naman sinisigurado niya na bawat segundo, naipaparamdam niya na totoong mahal niya ang matanda.

Hindi niya iniintindi ang mga tsismis na kanyang naririnig kapag napapadako siya sa barangay kung saan siya nakatira dati para magbigay ng pera sa pamilya niya, dahil alam niya sa sarili niya na hindi pera ang habol niya sa matanda, kundi pagmamahal.

Dumating na nga ang kinakatakutan ni Bella. Nadatnan niya na lang ang asawa niya sa upuan nito sa opisina, nakasubsob sa lamesa, may hawak na rosas, napansin niyang may maliit na papel na may nakasulat, “Para sa pinakamamahal kong si Bella.”

Nawala man ang taong bumago sa buhay ni Bella, nakatatak naman ang kabutihang loob nito sa kanyang puso’t kaluluwa.

Tunay ngang walang pinipiling edad ang pagmamahal. Madalas kung sino pa ang hindi mo akalaing mamahalin mo, siya pa ang pupukaw nang iyong puso. Hindi mo kailangang magmadali, kusa itong dadarating. Kusa nitong patitibukin ang natutulog mong damdamin..

Image courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement