Inday TrendingInday Trending
Pangalan ni Papa Para sa Pera

Pangalan ni Papa Para sa Pera

Labis-labis ang paluluksa ng mga naiwang kaanak ni George dahil sa kanyang biglaang pagkawala.

“Condolence Aira,” malungkot na wika ng mga taong nakikiramay sa kanila.

“Grabe, hindi namin lubos maisip ang pagkawala si manong George, biglaan talaga ang lahat.”

“Kami nga din po, nagulat sa lahat ng pangyayari.” malungkot na sagot ni Aira at nilingon ang kabaong kung saan nakahimlay ang ama.

“Sige, dito na kami Aira. Pakatatag ka,” bilin pa ng mga ito sa kanya na tanging malungkot na ngiti lamang ang kanyang itinugon. Pagkaalis ng mga taong kumausap sa kanya ay saka naman siya nilapitan ng kanyang ina.

“Aira, nagtext sa’kin si Joyce. Ang sabi niya’y pupunta daw siya dito,” anito.

Si Joyce ay ang kanyang half sister. Anak ito sa unang asawa ng kanyang ama. Hindi sila gano’n ka-close dahil hindi naman sila sabay na lumaki.

“Mas maigi po,” ang tangi niyang sagot. “Mas mabuting pumunta siya sa huling pagkakataon ni Papa sa mundong ito. Matutuwa na po siguro ang kaluluwa niya kapag nakita ang anak niyang pumunta dito.” wika niya at tanging tango lamang ang itinugon ng ina.

Malalakas na hagulhol ang maririnig aa buong paligid ng dahan-dahan ng ibinababa ang kabaong ni Goerge. Nag-iiyakan ang mga naiwan nito. Nang matapos ang libing ay agad siyang nilapitan ni Joyce at kinausap.

“Sis, baka bukas ay uuwi narin ako.” wika nito.

“Mag-iingat ka sis. Salamat din pala dahil nakapunta ka, tinulungan mo kaming magbantay at magpuyat ng ilang araw.”

“Wala ‘yon. Para kay Papa,” malungkot itong ngumiti.

Makalipas ang isang buwan

Tunog ng kanyang cellphone ang nagpagising kay Aira. Antok na antok pa ang kanyang diwa at pakiramdam niya’y kakapikit pa lamang ng kanyang mga mata. Batid niyang hindi iyon ang tunog ng kanyang alarm, kaya kinuha niya ang cellphone sa bag upang tignan kung sino ang tumatawag sa kanya ng dis-oras ng gabi. Bahagya pa siyang nagtaka sa nakitang numerong naka-rehistro, dahil hindi iyon galing dito sa Pinas, galing iyon sa ibang bansa.

“Hello?” bungad niya sa kabilang linya.

“Hello Aira? Ikaw ba ‘to, ang bunsong anak ni George?”

Biglang nagsalubong ang kilay niya dahil hindi siya pamilyar sa boses ng babae sa kabilang linya. “O-opo, ako nga po ito.”

“Ako nga pala si Irene, ang tiyahin ni Joyce. Kapatid ako ng Mama niya, may itatanong lang sana ako sa’yo. Nais ko lang mabatid ang totoo,” anito.

Sa sinabi nito ay nababatid niyang mukhang mahaba ang magiging pag-uusap nila kaya nag-desisyon siyang umupo upang hindi mangalay.

“Ano po ba iyon?”

“Nais ko lang malaman kung sino ang gumastos sa paglibing ng inyong amang si George? Si Joyce kasi, nanghingi siya sa’kin noon ng pera dahil sabi niya ay nasa morgue palang ang katawan ng Papa niyo at hindi iyon mailalagay sa ataul kung hindi siya darating.

Sa labis na pagkahabag ko ay pinadalhan ko siya ng two hundred dollars. Tapos noong nandiyan na siya’y nanghingi siyang muli dahil wala raw kayong makain sa lamay ni George, ultimo noodles ay pinagsasaluhan ninyong lahat. Pinadalhan ko ulit siya ng pera at ngayon naman ay nanghihingi siya ulit para daw sa forty days ng Papa ninyo.”

Kung may sungay ang tao ay masasabi niyang kanina pa umangat ang kanyang sungay sa ulo dahil sa sinabi nito. Ano bang kasinungalingan ang pinagsasabi ni Joyce?

“Sa lahat po ng sinabi niya’y wala pong katotohanan ni isa man lang. Nasa kabaong na po ang Papa ko bago paman siya dumating rito at ni minsan po mula noong nakalamay si Papa ay hindi kami kumain ng noodles sa kadahilanang may sinusunod kaming pamahiin. Kahit isang sentimo ay hindi kami nanghingi kay Joyce, hindi dahil may pera kami at kaya namin ang gastos.

Kundi dahil wala naman siyang inaabot at ayaw ko narin siyang hingan. Kung maniniwala kayo sa’kin ay mabuti, kung hindi naman ay mabuti parin. Huwag niyang gamitin ang pagkamatay ng Papa namin para makahuthot siya ng pera sa’yo. Atsaka, gano’n na ba kami kahirap para pabayaan si Papa.

Aaminin ko po, mahirap lang po ang pamilya ko mahirap lang po ang pamilya namin. Kung hindi kami kakahig ay wala kaming tutukain, pero minsanman ay wala kaming inagrabyadong tao. Marangal kaming namuhay, hindi katulad niyang mahilig humabi ng istorya para lamang magka-pera.”

“Salamat Aira, iyon lang ang nais kong malaman. Nagdududa na kasi ako sa mga sinasabi niya. Kaya nga gumawa ako ng paraa para makuha ang numero mo at matawagan ka para ikaw mismo ang tatanungin ko. Sa ginawa niya ay wala ng magtitiwala sa kanya. Ang perang naibigay ko sa kanya ay nauubos, pero ang tiwala kong sinira niya ay hindi na maibabalik.” wika nito saka nagpaalam sa kanya.

Tama, ang pera ay mabilis maubos. Pero ang tiwalang nasira na ay mahirap ng ibalik pa. Huwag tayong manggamit ng iba o manira ng iba para lamang magkapera. Maghanap buhay at kumita ng marangal.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement