Mahigit Apat na Dekada nang Nagtutungo ang Matanda sa Lugar na Iyon sa Eksaktong Oras; Hindi Nila Akalain Kung Sino ang Hinihintay Nito

“Mang Siso, sabi po ng bagong may-ari nitong lugar ay hindi na raw po kayo pwedeng tumambay dito. Gagawin na kasing isang sosyal na restawran ito at hindi daw po pwede ang mga katulad niyo sa paligid,” saad ni Lorenz, matagal nang guwardiya sa lugar.

“Hindi naman ako pulubi, Lorenz. Pakisabi naman na baka pwede pa nila akong bigyan ng kaunting oras. Hindi naman ako magiging balakid dito,” pakiusap naman ng matanda.

“Ano po ba talaga ang ginagawa niyo rito, Mang Siso? Wala po ba kayong pamilya? Araw-araw na lang po ay narito kayo. Napaka-init pa ng suot niyo. May hinihintay po ba kayo?” muling pagtataka ng binata. 

Sandaling natigilan si Mang Siso.

“Pakiusap, Lorenz, baka pwedeng sandaling panahon na lang. Nakikiusap ako,” sambit muli ng matanda. 

Laking pagtataka ng lahat kung ano nga ba ang tunay na ginagawa ni Mang Siso sa lugar ito. Araw-araw kasi ay nagtutungo siya sa eksaktong lugar habang gayak na gayak at may bitbit ng isang plastik ng ensaymada. Mula alas kwatro hanggang alas-siyete ng gabi ay naroon ang matanda.

Sa loob ng apat dekada ay paulit-ulit na ginagawa ito ng matanda ng walang mintis. Marami ang napagkakamalang namamalimos ang matanda. Marami ring nag-aakalang nasisiraan na ito ng bait. Sa tuwing tinatanong naman ito ay matipid ang kaniyang mga sagot.

Nang tuluyan nang magawa ang nasabing restawran ay mariing iginiit ng may-ari sa guwardiya na linisin ang tapat nito mula sa mga pulubi. Ilang beses mang paalisin si Mang Siso ay matigas pa rin ang ulo nito.

Advertisement

“Mang Siso, kagagalitan po ako ng may-ari nito. Baka mamaya ay mawalan pa ako ng trabaho. Baka pwedeng umalis na po muna kayo. Lalo pa at dagsa ang tao sa ganitong oras,” pakiusap ni Lorenz.

Ngunit tila walang narinig si Mang Siso. Patuloy pa rin siyang nakatayo sa lugar na iyon na tila hindi nakakaramdam ng ngawit.

Isang araw ay labis na lamang ang inis ng may-ari kaya kinausap na nito nang direkta ang matanda. 

“Kung hindi po kayo aalis ay mapipilitan akong ipapulis kayo! Hindi bagay ang mga katulad niyo sa lugar na ito! Abala kayo sa mga parokyano ng restawran ko! Ang akala ng marami ay nasisiraan na kayo ng bait kaya ilag sila sa inyo. Kaya kung maaari lang ay umalis na kayo!” pagtaboy ng ginoo. 

“Nakikiusap ako. Kahit dalawang linggo na lang. Pagbigyan niyo na ako. May hinihintay lang ako. Ayokong mabalewala lang ang mahigit apat na dekadang paghihintay ko,” pakiusap pa ni Mang Siso. 

Dahil sa pakiusap na ito ng matanda ay pinagbigyan siya ng may-ari sa pangakong makalipas ang dalawang linggo ay lilisanin na niya ang kaniyang pwesto at hindi na muling babalik pa.

Doon ay lalong umigting ang pagnanais ni Lorenz na malaman ang katotohanan.

“Mang Sino, sino po ba ang hinihintay niyo? Sa tingin niyo po ba ay darating pa siya? Kayo na rin ang nagsabi na apat dekada na kayong naghihintay. Sa tingin niyo ay naalala niya pa na kailangan niyong magkita sa lugar na ito kung sino man siya,” tanong ni Lorenz.

Advertisement

“Basta. Basta alam kong isang araw ay darating siya,” sambit ng matanda.

Lumilipas ang mga araw at wala pa rin ang hinihintay ni Mang Siso. May mga gabi na umuulan ngunit hindi ito inalintana ng matanda.

Dahil sa awang nararamdaman ni Lorenz ay kinuhaan niya ng litrato ang matanda at saka niya ipinost sa social media.

Hindi akalain ng binata na magiging viral ang post niyang ito. Sino ba naman kasi ang hindi maaantig sa istorya ng isang matandang naghihintay sa loob ng apat na dekada? Lahat din ay nagtataka kung sino nga ba ang hinihintay nito. 

Huling araw na ng kasunduan at maging si Lorenz ay nawawalan na ng pag-asa. Siya ang nalulungkot para sa matanda sapagkat mawawalan na ng pagkakataon na magkita sila ng kaniyang hinihintay.

“Boss, baka naman pwedeng dagdagan pa natin ang araw. Dahil din naman kay Mang Siso kaya dinarayo itong restawran mo,” pakiusap ni Lorenz sa amo.

“Hindi na magbabago ang isip ko. Wala akong pakialam sa mga ‘yan! Ang nais ko ay matupad ang kasunduan!” giit ng ginoo.

Malapit nang matapos ang gabi at nakatingin sa malayo si Mang Siso. Inaayos ang kaniyang damit at sinisilip ang dala niyang ensaymada. Hanggang sa isang babae ang bumaba lulan ng isang sasakyan.

Advertisement

Lahat ay natahimik nang kausapin nito si Mang Siso.

“Patawad po at ngayon lang ako nakarating. Hindi ko alam na totoo ang sinasabi ng mama ko,” saad ng babae.

“Ako po si Mary, anak po ako ni Cielo. Matagal na panahon na niyang ibinilin sa akin na pumunta ako sa lugar na ito sa ganitong oras. Ang sabi niya sa akin may naghihintay sa kaniya at ihingi ko siya ng tawad. Kaya ng makita ko ang post sa social media at nakita kong kahawig ito ng ikinukwento ng aking ina ay agad akong nagtungo rito,” pahayag pa nito. 

“Nasaan na si Cielo? Nais ko siyang makausap. Nais kong ibigay itong paborito niyang ensaymada. Sabi niya ay hintayin ko siya sapagkat nangako siyang darating siya kahit ano ang mangyari,” wika naman ni Mang Siso habang nangingilid ang mga luha nito. 

“Matagal na pong yumao ang aking ina. Nagkaroon siya ng tumor sa utak may dalawang dekada na po ang nakararaan. Noon ay lagi niyang sinasabi sa akin na kung bibigyan siya ng pagkakataon ay uuwi siya dito at pupuntahan ang lugar na ito upang magpaliwanag sa isang taong malapit sa kaniya.

Akala ko ay talagang ginugupo na ng kaniyang sakit si mama kaya kung anu-ano na lamang ang kaniyang sinasabi. Ngunit habang binabawian siya ng buhay ay mariin niyang ibinilin sakin na tumungo sa lugar na ito upang sabihin na patawad at hindi niya nagawang makarating,” wika pa ni Mary.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Mang Siso. Sa loob ng mahigit na apat na dekada pala ay wala siyang ibang ginawa kung maghintay sa pagdating kaniyang kasintahang si Cielo. Pilit kasi silang pinaghiwalay ng mga magulang nito.

Pumunta sila sa ibang bansa at pinilit na mapangasawa ang isang anak ng malapit na kaibigan. Kahit na nagkapamilya ay hindi pa rin naalis sa puso ni Cielo si Mang Siso. Hanggang sa huling hininga nito ay ang dating kasintahan pa rin ang tinitibok ng kaniyang puso.

Advertisement

Sa wakas ay natuldukan na rin ang paghihintay ni Mang Siso. Kay lungkot lamang isipin na sa mahabang panahon ay naghihintay pala siya sa wala. Ngunit masaya na rin ang kaniyang kalooban nang malamang pinilit ni Cielo na puntahan siya. At walang laman ang puso nito kung hindi siya. 

Labis ang kaniyang pasasalamat kay Lorenz sa ginawa nito.

Ilang araw lamang ang nakalipas ay binawian na rin ng buhay si Mang Siso. Mapayapa itong lumisan habang siya ay natutulog. Baon niya ang pag-ibig na nag-uumapaw para sa dating kasintahan. 

Hiling ng lahat na sana’y sa langit ay muling magtagpo ang landas ni Mang Siso at ni Cielo.