Pinilit ng Ginang na Magtrabaho sa Ibang Bansa ang Mister; Bandang Huli ay Nabuking ng Mister ang Kaniyang Ginagawa

“Greg, kulang na naman ang pambayad sa kuryente at budget sa groceries. Hindi ko na alam kung paanong pagtitipid pa ang gagawin ko para lang mapagkasya ang binibigay mo sa akin. Siyempre may mga anak tayo at may pangangailangan din sila. Hindi ko na nga magawang bumili ng gusto ko. Kailan ba kasi giginhawa ang buhay natin?” napabuntong hininga na lamang si Catherine habang sinasabi ito sa kaniyang asawa. 

“Pasensiya ka na, mahal. Ginagawa ko naman ang lahat para umayos ang buhay natin. Lahat din ng pagtitipid ay ginagawa ko na. Hindi ko na alam kung saan talaga ako kukuha ng pera. Ilang beses na nga rin akong bumale sa opisina. Baka kung babale na naman ako ay wala na akong sasahurin,” wika naman ni Greg.

“Bakit kasi hindi mo pa patusin ‘yung alok ng kaibigan mong si Matthew? Tingnan mo, nagtatrabaho siya sa ibang bansa. Nakabili ng bahay at lupa at may kotse pa! Tapos ‘yung asawa niyang si Minda ay nabibili ang lahat ng nais niya. Ganung buhay ang gusto ko, Greg. ‘Yung hindi na ako namomrobela pa sa pera para sa kakainin ng pamilya natin o kung may iba pang gastusin,” sambit muli ng ginang. 

Labis na napapaisip na lamang itong si Greg sa tunay na katayuan ng kanilang pamilya. Madalas kasi siyang sabihan ng asawa na kulang ang kaniyang ibinibigay gayong lahat naman ng sahod ay napupunta sa kaniyang asawa. Alam niyang hindi kalakihan ito ngunit sasapat ito para sa lahat ng gastusin sa bahay.

Dahil na rin sa sulsol ng asawa ay napilitang mangibang-bansa itong si Greg. Katulad ng dati ay lahat ng kaniyang sahod ay ipinadadala niya sa kaniyang asawa. Ngunit laking pagtataka niya na mas malaki na nga ang sinasahod niya ngayon ay ang dami pa ring hinaing ng ginang. 

“Sa totoo lang ay hindi na ako magkandaugaga sa bahay na ito, Greg. Marami rin naman akong nais na gawin. Mas mainam pa kung ikuha mo ng kahit isang yaya itong dalawa nating anak nang sa gayon ay mag katu-katulong ako sa pag-aalaga sa kanila,” saad ni Catherine sa asawa. 

“Bakit kailangan mo ng yaya? Hindi ba nasa bahay ka lang naman? Mahirap ang kumuha ng yaya ngayon. Saka dadagdag pa rin iyan sa gastusin natin. Mas mainam na ikaw na lang ang mag-alaga ng mga bata,” saad naman ni Greg. 

“Hindi ba sabi ko sa’yo ay may negosyo kaming papasukin nila Mareng Minda? Uuwi na nga si Pareng Matthew para sa negosyong ito. Kapag nagtagumpay ‘to, Greg, ay hindi na ako hihingi sa iyo. Ako pa ang magbibigay!” naiinis na sambit ng ginang. 

Advertisement

“Pero paano ako makakatutok sa negosyong ito kung laging kabuntot ko ang mga bata?” saad pa ni Catherine. 

Labag man sa kalooban ni Greg ay napilitan siyang kumuha ng yaya para sa dalawang anak. Kinuha niya ang dalagang si Rhea na anak ng dating naglalabandera sa kanila.

Naging maayos naman ang pag-aalaga nito sa dalawang mga anak ng mag-asawa. Naiiwan sa kaniyang pangangalaga ang anak sa tuwing umaalis si Catherine. 

Sa paglipas ng mga araw ay napansin si Greg na napapadalas ang pag-alis nito. 

“Sinundo po dito ng kumpare niyo. Pag-uusapan daw po ‘yung tungkol sa negosyo,” wika ni Rhea sa amo. 

Doon pa lamang ay may nakukutuban na si Greg sa ginagawa ng kaniyang asawa ngunit ayaw niyang husgahan ito. Baka kasi kasama rin ang kanilang kumareng si Minda sa mga transaksyon. 

Hanggang sa isang araw ay napapansin na lang ni Greg na madalang na niyang makausap ang kaniyang asawa. Madalas din ay si Rhea na lang ang kaniyang nakakausap at madalas na nasa labas ang mga ito kasama ang mga bata.

“Hapon na riyan, Rhea. Ipasok mo na ang mga bata sa loob ng bahay. Baka mamaya ay magkasakit pa ang mga iyan,” tagubilin ng ginoo.

Advertisement

Hindi naman makasagot si Rhea. Maya-maya ay narinig na lamang niya ang kaniyang anak.

“Nando’n pa ba sina Mama at Tito Matthew sa bahay? Gusto ko na pong umuwi. Nilalamok na po ako, yaya!” saad ng isang anak ni Greg sa dalaga. 

Pilit na pinaamin ni Greg ang yaya sa kung ano ang tunay na nangyayari sa kanilang bahay. Doon ay sinabi nito na madalas na dumadalaw doon si Matthew at inuutusan ang yaya na lumabas muna kasama ang mga bata upang maayos daw silang makapag-usap sa negosyo.

Nang tanungin ni Greg kung kasama ang asawa ni Matthew ay nagulat siyang mag-isa lamang daw ang kanilang kumpare at malimit itong mangyari.

Pag-uwi nila Rhea at mga bata ay agad na kinagalitan ito ni Catherine.

“Hindi ba sabi ko sa inyo ay alas-sais pa kayo uuwi dito sa bahay? Bakit umuwi na kayo kaagad?” naiinis nitong sambit.

“Nagyaya na po kasi ang mga bata, madam,” tugon naman ni Rhea.

“Ikaw ang mas nakakatanda kaya ikaw ang dapat nagdedesisyon! O siya, dalhin mo na sa mga silid nila ‘yang mga ‘yan. Linisan mo na at pakainin,” saad pa ng ginang.

Advertisement

Tapos nito ay tinawagan ni Catherine ang kaniyang asawa. Sinagot naman ito ni Greg na tila wala siyang kaalam-alam sa mga ginagawa nito.

Nagpatuloy si Catherine sa ganitong gawain. Hanggang sa isang araw ay laking gulat na lamang niya ang biglang pag-uwi ni Greg sa kanilang bahay.

Imbis na matuwa ay nagalit pa ito sa asawa.

“Ang ibig mong sabihin ay hindi ka na babalik ng ibang bansa? Ayos na nga ang buhay natin tapos ay gusto mo na naman bumalik sa nagigipit tayo!” sambit ng ginang.

“Hindi ba dapat masaya ka dahil narito ako? Hindi mo ako na-miss?” tanong naman ni Greg sa misis.

“Masaya ako, Greg. Pero hindi tayo mapapakain ng kasiyahan na ito. Bakit ka nagresign sa trabaho mo!” saad pa ni Catherine.

“Aaminin ko na sa iyo ang lahat. Narito ako para makipaghiwalay sa iyo at para kuhain ko na ang mga bata. Alam mo bang alam ko na ganito ang magiging reaksyon mo kapag nakita mo ako? Ngunit hindi ako t@nga, Catherine. Alam ko ang ginagawa mo sa akin kapag nakatalikod ako,” saad ng ginoo. 

Natigilan sandali ang ginang dahil sa sinabing ito ng kaniyang asawa.

Advertisement

“Alam ko na ang lahat, Catherine. Alam kong binibilog mo lang ang ulo ko! Kailan ka pa nagkaroon ng relasyon kay Matthew? Grabe kayong dalawa, kailan niyo pa plano na g@guhin ako?” sambit muli ni Greg ng buong pagtitimpi. 

“Negosyo ang inaatupag ko, Greg, tapos ay paghihinalaan mo ako ng ganiyan! Para sa pamilya natin ang ginagawa ko!” sigaw pa ni Catherine.

Ngunit laking gulat niya nang magpakita ng bidyo si Greg. Halata ang panginginig ng katawan ni Greg sa galit.

Lingid sa kaalaman ng ginang ay inutusan ni Greg ang kanilang yaya na maglagay ng isang maliit na CCTV sa kanilang kwarto. Alam niya kasing itatanggi ng asawa ang m@laswa nitong ginagawa.

Doon nalaman ni Greg na matagal na palang may relasyon itong si Matthew at Catherine. Kaya pilit ang pagsulsol nito sa pag-alis nito patungong ibang bansa ay para malaya silang magsama at ang malala pa rito ay sila ang nakikinabang sa perang ipinapadala ni Greg para sa kaniyang pamilya.

“Hindi ko akalain na magagawa mo sa akin ‘to, Catherine. Wala akong hinangad sa pamilyang ito kung hindi ikakabuti lamang. Isinakripisyo ko ang lahat para sa inyo. Tiniis ko ang maging malayo sa inyo para lang mabigyan ko kayo ng magandang buhay tapos ay ganito lang ang gagawin mo?!” 

“Pagmasdan mo ang sarili mo sa bidyong iyan at isipin mo kung paano mo sinira ang pamilyang ito! Simula ngayon ay wala ka ng karapatan sa mga anak natin at sa pamamahay na ito!” 

Tuluyang nakipaghiwalay si Greg sa kaniyang asawa. Kinasuhan din niya ang mga ito. Ibinigay niya ang pangangalaga ng mga anak sa kaniyang ina habang bumalik si Greg sa ibang bansa para magtrabaho. Si Rhea pa rin ang yaya ng mga ito.

Advertisement

Nang makaipon si Greg ay muli siyang bumalik ng Pilipinas upang tuluyang makasama ang kaniyang mga anak. Mula nang maghiwalay silang mag-asawa ay wala na siyang naging balita pa rito. 

Napakalungkot lamang ng kinahantungan ng pagsasama nilang mag-asawa. Halimbawa ito ng mapapait na sinasapit ng ating mga kababayan na umaalis patungong ibang bansa para magtrabaho. Hindi akalain ni Greg na mauuwi lamang sa ganito ang lahat gayung ang tanging hangad lamang niya para sa pamilya ay mabigyan ito ng magandang kinabukasan.