Pinili ng Isang Boss ang Mababang Trabaho sa Ibang Bansa Upang Doon Manirahan; Bandang Huli ay Naabot Niya ang Pangarap

“Mahal, sigurado ka na ba sa gagawin mong ito? Ayos naman ang buhay natin dito. Ayos din naman ang trabaho mo. Bakit kailangan mo pang pumunta sa ibang bansa?” tanong ni Lydia sa kaniyang asawang si Jong.

“Mataas ang pangarap ko sa pamilya natin, Lydia. Alam mo naman matagal ko nang pangarap na manirahan tayo sa ibang bansa. Kung hindi ko gagawin ito ay hindi ko malalaman kung anong naghihintay sa atin doon,” sambit naman ng mister. 

“Hindi kasi madali ang mawalay sa iyo lalo na at lumalaki na ang mga bata. Sana nauunawaan mo ako sa parteng ‘yan.” saad pa ng ginang.

“Kaya nga mas nais kong mapabuti ang buhay natin. Kaunting tiis lang naman ito, pasasaan din at matutupad na ang mga pangarap natin,” wika pa ni Jong. 

Maganda ang trabaho at kita ni Jong bilang isang consultant ng isang kumpanya dito sa Pilipinas. Ngunit kahit ganun na ang kaniyang posisyon ay nangangarap pa rin siyang matupad ang pinangarap niya para sa kaniyang pamilya — ang manirahan sa New Zealand.

Tatlo ang kaniyang anak sa asawang si Lydia. Lahat ng mga ito ay menor de edad pa kaya naisipan niyang pumunta na ng ibang bansa ngayon dahil mas madali niyang maisasama ang kaniyang pamilya kung palarin siya.

Handa niyang talikuran ang lahat para sa pangarap na ito.

Tuluyan na ngang umalis patungong New Zealand si Jong. Baon ang pag-asa na isang araw ay magkakasama-sama din sila ng kaniyang pamilya sa ibang bansa. 

Advertisement

Ngunit hindi naging madali ang kaniyang buhay doon. Kahit kasi isang consultant si Jong sa Pilipinas ay kailangan niyang magsimula ulit sa ibaba. Pumasok siya bilang isang farmer. Ayos naman ang sweldo ngunit nagsara ang kumpanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. 

“Umuwi ka na lang dito, Jong. Maraming kumpanya ang kukuha sa iyo ulit sa husay at galing mo. Naaawa na ako sa kalagayan mo riyan,” saad ni Lydia sa asawa.

“May isang Pilipino rin na nagpatira sa akin dito. Tinutulungan niya ako hanggang sa makapaghanap ako muli ng trabaho. Konting kapit pa, mahal. Konting tiis pa,” wika naman ni Jong. 

Habang naghihintay ng permanenteng trabaho ay pumasok si Jong bilang tagalinis ng mga bahay. Maganda din ang naging kita niya rito dahil kada oras ang sweldo. Hindi rin naging mabigat ang trabaho. Ngunit hindi palagi ay may nagpapalinis.

Sapat lang ang kaniyang kinikita upang mabayaran ang renta sa bahay at iba pang gastusin. Ngunit hindi na siya nakakapagpadala muna sa kaniyang pamilya sa Pilipinas dahil mahal talagang mabuhay sa ibang bansa.

Labis itong pinapangambahan ni Lydia.

“Umuwi ka na lang dito, Jong. Dito ay boss ka samantalang diyan ay naglilinis ka ng kubeta. Iwan mo na ang pangarap mo na diyan tayo lahat tumira. Baka hindi talaga para sa atin ang manirahan sa New Zealand. Baka may ibang plano ang Diyos para sa atin,” sambit ni Lydia sa asawa. 

“Kailangan kong ipaglaban ang pangarap kong ito, Lydia. Napakainam na magpalaki ng mga bata dito sa New Zealand. Saka hindi ba, pareho nating pangarap ito? Ngayong narito na ako ay gagawin ko ang lahat para madala rin kayo dito at tuluyan na tayong magsama-sama,” tugon naman ni Jong.

Advertisement

Hanggang sa isang araw habang naglilinis siya ng bahay ng isang lokal doon ay napansin nito ang sipag at pagiging tapat ni Jong nang kahit isang sentimo na nakakalat sa bahay ay hindi niya pinag-iinteresang kunin. Maayos din ang pagkakalinis ng bahay at hindi ito naniningil ng higit sa oras na kaniyang ginugol sa trabaho.

Dahil dito ay inirekomenda ng babae na ito si Jong sa isang kaibigang nagtatrabaho sa isang malaking depatment store doon. Lubhang nagalak si Jong dahil sa wakas ay mayroon na siyang permanenteng trabaho.

“Magtuluy-tuloy lang talaga itong trabaho ko, mahal, mas malaki na ang maiipon natin at makukuha ko na kayo papunta rito,” masayang ibinalita ni Jong sa asawa. 

“Basta, mahal, kung sa tingin mo ay nahihirapan ka na at mapagdesisyunan mong umuwi na lang ay susuportahan kita,” wika naman ni Lydia.

Tila likas sa mga Pilipino na kahit saan mo dahil ay talagang gagalingan ang trabaho. Sinipagan nang husto ni Jong. Maaga pa lamang ay natatapos na niya ang kaniyang gawain kaya mas marami siyang nagagawa. 

Ngunit hindi lahat ng taong nakapaligid sa kaniya ay masaya sa ginagawa niyang ito. May isang lokal doon na kaniyang katrabaho at labis ang inis sa ginagawang ito ng ginoo. Sa tingin niya ay nagpapakitang gilas itong si Jong. Sumisipsip sa kanilang boss upang maging paborito. 

Kinausap ng ginoong ito ang lahat ng kaniyang mga katrabaho at pinakalat ang ganitong balita sa mga ito na labis ding kinainisan ng iba pang kasama. Madalas ay makararinig siya ng mga patutsada na talagang dumudurog sa kaniyang puso. Ngunit pilit na lang niya itong binabalewala.

“Anong magagawa nila kung ganito talaga akong magtrabaho? Nahihiya ako sa amo namin na maayos ang pagpapasahod ngunit gusto nila ay trabahong tamad. Halos ipagawa na nga sa akin nila lahat ang mga gawain.

Advertisement

Minsan nga sa tuwing nagbubuhat ako ng mga muwebles, iniisip ko kung bakit nga ba pinapahirapan ko ang sarili ko dito. Samantalang diyan sa Pilipinas ay boss ako. Pero kapag iniisip ko kayo ay lalo akong ginaganahan,” paghahayag ni Jong ng saloobin sa kaniyang asawa. 

“Basta, mahal, gawin mo lang kung ano ang alam mong tama. Makikita ng Diyos ang lahat ng dedikasyon mo at siya ang magbibigay sa’yo ng pabuya. Magaling ka at alam kong uunlad ka pa sa trabaho mong iyan,” sambit naman ng asawa.

Nagpatuloy ang pang-aapi ng ibang kasamahan kay Jong. Madalas ay itinatambak na lamang nila sa ginoo ang kanilang trabaho.

Ang hindi nila alam ay nakikita sila ng kanilang amo. At alam niya kung paano nagpupursige itong si Jong.

Kaya nang mayroong bakanteng posisyon para sa isang supervisor ng department store na iyon ay naalala niya agad ang pangalan ni Jong. Alam niya na hindi siya nito bibiguin dahil sa sipag at pagiging tapat nito sa kaniyang trabaho.

Agad na na-promote si Jong. Lalong nagtaas ng kilay ang mga dating kasamahan. Ngunit ngayon ay wala na silang magagawa pa dahil mas mataas na ang posisyon sa kanila ng ginoo.

At dahil isa nga itong consultant sa Pilipinas ay ipinamalas din niya ang kaniyang galing sa paghawak ng negosyo. Lubhang napahanga ang mga banyagang may-ari ng kumpanya at naging tuluy-tuloy ang pag-asenso nitong si Jong. 

Hanggang isang araw ay masaya siyang tumawag sa asawa upang sabihin ang isang magandang balita.

Advertisement

“Nakabili na ako ng bahay dito sa New Zealand. At aprubado na rin ang mga papeles ninyong mag-iina kaya sa lalong madaling panahon ay makakapunta na kayo dito at magsasama-sama na rin tayo!” buong galak niyang sambit kay Lydia. 

Napaluha sa tuwa ang ginang. Labis siyang napahanga sa dedikasyon at tibay ng loob ni Jong sa pag-abot nito ng kaniyang pangarap.

Labis ang kanilang pasasalamat sa Diyos sapagkat sa wakas ay natupad na ang matagal na nilang minimithi.