Inday TrendingInday Trending
Isang Misteryosong Bata ang Nagturo sa 16-anyos na Mangingisda Kung Saan Maraming Isda; Nakakapanindig Balahibo Pala ang Kwentong Nasa Likod Nito

Isang Misteryosong Bata ang Nagturo sa 16-anyos na Mangingisda Kung Saan Maraming Isda; Nakakapanindig Balahibo Pala ang Kwentong Nasa Likod Nito

16-anyos pa lamang ang binatilyong si Norman, pero kinailangan siyang tumigil sa pag-aaral dahil hindi sila kayang pagsabay-sabayin ng kanilang mga magulang na pag-aralin. Naka-graduate na siya ng high school kaya pagbibigyan niya na muna ang kapatid niyang sumunod sa kanya na ito na muna ang mag aral. Sa ngayon ay tumutulong siya sa kanyang amang mangingisda.

“Kapag mga ala-una na ng hapon, hindi na kate ang tubig. Ibig sabihin, palalim na. Mas madali nang mamangka kasi hindi na gegewang-gewang. Pag mababaw kasi yan ay mas mahirap ang balanse.” hirap na sabi ng kanyang ama, mataas kasi ang lagnat nito at nakahiga ngayon sa papag.

“Tay, medyo ninenerbyos ako eh. Paano kung lumubog ako? Wala pa namang motor ang bangka nyo,” sabi niya. Nananagwan lang kasi sila ng kanyang ama, hindi tulad ng ibang mangingisdang nakaaangat sa buhay na may pambili ng motor.

“Meron iyan dati, nung nakautang ako sa coop. Sira ang karborador eh sabi ni Pareng Nato 1500 raw ang isa. Ano ka ba! Marami namang nakakakilalang anak kita, hindi ka pababayaan ng mga mangingisdang masasalubong mo.” sabi ng kanyang ama. Ito ang ikaapat na araw nyang mangingisda, pero ang pagkakaiba, siya lang mag-isa ngayon dahil sa sakit nito.

Gustuhin nya mang umatras ay wala namang kakainin ang kanyang pamilya kaya nilakasan nya na lamang ang loob niya. Tama ito, maya’t maya naman ay may nasasalubong silang mangingisda, ano man ang mangyari ay may mahihingan sya ng tulong. Maya-maya pa ay tinawag na siya ng kanyang ina.

“Norman, ito ang thermos at baso mo para sa kape. May tinapay rin na pan de coco ha, tapos mag-jacket ka.” bilin ng babae at iniabot na ang kanyang bugong. Bumuntong hininga naman si Norman, kaya niya ito.

Pagdating sa tulay kung saan naka-parada ang bangka ay naroon si Mang Nato, ang kumpare ng kanyang ama.

“Ingat ka To ha, medyo mataas ang tubig ng ilog ngayon. Tinanghali ka yata? Nasaan si pare?” tanong nito.

“Naku, Mang Norman, eh nilalagnat ho. May mga kubo naman akong matitigilan diba sa kalagitnaan?” tanong niya, ang tinutukoy ay ang maliliit na kubong itinatayo ng mga mangingisda sakaling may abutin ng gabi at doon na matulog.

“Mayroon, tandaan mo iyong palaging pinupuntahan nyo ng tatay mo ha? Pakanan lang ang sagwan, wag kang liliko sa kaliwa.” sabi lang nito. Tumango si Norman at sinimulan nang mag sagwan, buti nalang, naituro na ng kanyang ama kung saan dapat maglambat.

Dahil di pa masyadong sanay ang binata at medyo malakas ang agos ng tubig ay hindi niya na-kontrol ang kanyang bangka, imbes na kumanan siya tulad ng lagi nilang pinupuntahan ng kanyang ama at tulad na rin ng bilin ni Mang Nato, napa-kaliwa sya.

“Bahala na, pareho lang namang dagat ang lalabasan nito.” sabi ni Norman sa kanyang sarili. Mas tahimik pa rito at walang mga basura, palibhasa’y hindi dinaraanan ng mga tao. Swerte pa siya dahil makulimlim ang paligid.

“Ikaw ang ligaya ko..o giliw ko, panaligan mo..” kanta pa ng binata. Enjoy na enjoy siya sa pagsasagwan, maya-maya pa, marahil ay dala na rin ng pagod ay tumigil muna sya, itinali niya ang kanyang bangka sa kawayang nakatayo malapit sa isang kubong kulay berde. Nagulat pa sya dahil may mga lumang gamit doon, sumbrero at cooler. Baka sa ibang mangingisdang nakikipahinga.

“Makikitigil lang ho..” bulong pa ni Norman, ewan niya ba, nakasanayan niya na ang magpaalam sa lahat ng bagay dahil iyon ang turo ng nanay nya noon pa man. Kahit nga umiihi siya sa labas ay nagtatabi-tabi po siya dahil takot siya sa nuno, iyon ang kinalakhan niya.

“Hello!” napalingon siya nang sa tapat na lupa, ay may isang batang nakangiti. Aba, may bahay rin pala dito. Bato iyon at mukhang mayaman. Kita naman din sa kutis ng batang lalaki na hindi ito anak ng mangingisda, maputi pa nga ito at singkit.

“Hello,” nakangiti ring sabi nya.

“Fish?” tanong nito sa kanya.

“Ahm, yes, fishing.” pagtango niya, nakakaaliw naman ang batang ito. Nagulat pa siya nang ituro nito ang ilog, aba, at napakarami ngang tilapia! Agad niyang inilublob ang kanyang lambat at bawat akyat noon ay punong puno ng isda. Ang saya-saya ni Norman, may ulam na sila, tiyak na makakarami pa ng benta ang kanyang ina.

Ang galing naman ng bata, palibhasa dito nakatira. Kahit mayaman ay kabisado na nito ang parte kung saan maraming isda.

Hindi na niya kinailangang lumayo pa, iniliko niya na ang bangka at sinimulang mag sagwan pauwi, ngumiti pa siya sa bata at nagpasalamat.

“Thank you!” tumango naman ang bata at kumaway.

Nagulat naman si Mang Nato dahil wala pang dalawang oras ay nakabalik na ang binata, at ang dami nitong isda! Nag-uumapaw ang bangka nito. Samantalang silang mga beteranong mangingisda ay inaabot ng ilang oras lalo pa at ganitong nagkakaubusan.

“Swerte mo To ah, matutuwa tatay mo,” bati niya rito, naggagawa siya ng lambat.

“Oho, ang bait noong batang englishero. Itinuro ba naman sa akin kung saan maraming isda,” nakangiting sabi ni Norman habang sinisimulang ilagay sa timba ang kanyang mga huli.

“Batang englishero? Kailan pa nagkaroon ng foreigner na mangingisda? Pinagloloko mo ko eh.”

“Hindi ho! Si Mang Nato naman, hindi ho mangingisda, nakatira doon sa bahay na bato.” sabi ni Norman kaya lalong nagtaka ang mangingisda, bahay na bato? Sa tinagal niyang nakatira rito ay wala siyang natatandaang bahay na bato.

“Saan banda?” lito niyang sabi.

“Ah! Baka kaya hindi pamilyar ay hindi nyo nadaraanan, diba sabi nyo ay wag akong kakaliwa? Di ako marunong masyado magkontrol sa bangka, doon ako dinala ng tubig. Namahinga ako sa kubong kulay berde. Kayo talaga, sabi nyo’y delikado. Para ngang may namamahinga rin doong iba dahil may mga kagamitan.”

Para namang binuhusan ng suka ang mukha ni Mang Nato dahil bigla itong namutla.

“N-nagpunta ka roon?” takot na sabi nito.

“Oho, ang bait nga ng bata. English ang salita, di ko alam kung intsik, koreano o hapon iyon. Malaki ang bahay nila eh. Buti nga rin ho, nakasagot ako ng ingles!” natatawa pang sabi niya pero walang pagbabago sa reaksyon ni Mang Nato.

“Norman! Walang bahay na bato sa tapat ng berdeng kubo! Ang mga gamit na nakita mo ay sa mga nagtangkang dumaan at mamahinga doon! Ang parteng yon ay kilalang nangunguha ng buhay. Noong panahon ng hapon ay ubod pa ng lalim ang parteng iyon at may lumubog na barko, bata.. matanda.. maraming namatay. Kaya baka ang nakita mo ay multo ng batang hapon na kilalang nagpapakita roon..” tumataas pa ang balahibo nito habang nagsasalita.

“Imposible ho iyan! Ano ba naman kayo? Kung multo iyon at guni-guni ko lang ay bakit marami akong isda ngayon?” pinipilit niyang itago ang takot.

“Baka kaya hindi sya nagalit sa iyo ay dahil inirespeto mo ang katahimikan ng lugar. Ang mga dumaraan kasi doon na nakuha ay nag-iingay raw at nagtatapon pa ayon sa sabi-sabi, pero kahit na, walang may gustong dumaan doon..”

Nagsasalita pa si Mang Nato, nakasakay pa rin si Norman sa kanyang bangka at inililipat ang mga isda nang mapalingon siyang muli sa hindi kalayuan. Halos mapatalon siya sa kanyang nakita.

Naglalakad ang batang hapones sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanya at nakangiti ito nang nakakatakot. Bumuka ang bibig nito, malayo pa ito pero rinig na rinig niya na ang sinasabi.

“Fish?”

Advertisement