Inday TrendingInday Trending
Pakiramdam ng Panganay na Kaagaw Niya sa Lahat ang Bunsong Kapatid; Isang Trahedya ang Nagtulak sa Kanya Upang Mahalin Ito

Pakiramdam ng Panganay na Kaagaw Niya sa Lahat ang Bunsong Kapatid; Isang Trahedya ang Nagtulak sa Kanya Upang Mahalin Ito

Ganoon na lang ang pandidiri ng pitong taong gulang na batang si Lloyd nang may madikit siyang naupuan, pinahid niya pa iyon gamit ang kanyang kamay.

“Ano to?” nandidiri nyang sabi, nang amuyin nya ay glue pala. Tiyak niya na kung sino ang may kagagawan noon. Napabuntong hininga ang bata, bakit ba ang laki-laki ng galit ng kanyang kuya James sa kanya?

Si James naman ay nagtatago lang sa gilid ng kwarto at hinihintay ang reaksyon ng kapatid, ang lakas ng tawa niya nang makita ang mukha nito. Tagumpay nanaman siyang pagtripan ito!

Si James ay 12 years old na, nasanay siyang nag-iisa lamang siyang anak kaya nang dumating si Lloyd sa buhay nila pakiramdam niya ay naagaw nito ang lahat. Hindi lang nahati ang atensyon ng magulang nila, kundi dito talaga nabaling ang lahat. Inangkin nito at walang itinira sa kanya. Kaya kahit na walang ginagawa si Lloyd sa kanya ay inis siya rito.

“James, kailan ka ba magiging kuya? Wala kanang ginawa kundi paiyakin ang kapatid mo!” saway ng kanyang ina.

Nawala ang ngiti sa labi ni James dahil sya nanaman ang napagalitan. Ginawa nya lang naman iyon kay Lloyd para makaganti dahil masyadong pa-bida ang bata.

“Imbes na pagalitan nyo si Lloyd pag may ginagawa syang bad, ang sabi nyo intindihin na lang sya. Pero kapag ako sinisigawan nyo pa.” Bulong nya habang nakabusangot ang bibig.

“Aba, bumubulong-bulong kapa dyan bata ka ha.” Nangangalit ang mata ng kanyang ina at akmang papaluin na nito ang bata, buti nalang ay sumingit ang kanyang ama.

“Tigil nyo na yan, family day natin diba? Sana kahit ngayon lang wag kayong mag-away-away. Bilisan nyo na ang kilos, mauunahan tayo sa cottage.” sabi ng lalaki, bitbit na nito ang ilang gamit nila sa pagsu-swimming. Nakagawian na kasi ng pamilya na magbonding tuwing Linggo mapa-swimming man o movie, o kahit mamasyal sa mall.

Nang makarating sila sa swimming pool ay agad na nag-ayos ng mga pagkain ang magulang ng dalawang bata.

“Wow mommy! Ang laki naman ng pool!” Manghang-mangha ang batang si Lloyd, titig na titig ito sa malalim na swimming pool na may matatarik na slide, may umaagos pang tubig doon.

“Pero bawal ka pa maligo dyan dahil baka malunod ka. Doon lang kayo ng kuya James mo sa pambatang pool.” Bilin ng kanilang ina.

“Ma! Hindi nako baby para sa maligo sa maliit na pool no! Gusto ko magslide dun sa malaki.” Reklamo ni James.

“Hindi nga pwede. Baka kung ano pang mangyari sayo. At isa pa, kailangan ng kapatid mo na may magbabantay sa kanya, samahan mo naman sya anak. Kuya kana eh.” pakiusap nito.

Bakit sya kailangang mag adjust sa kakayahan ng kapatid nya? At paano naman ang kagustuhan nya? Hindi nya tuloy maikukwento sa mga kaklase nya ang tungkol sa slide dahil naiwan sya ngayong magbantay sa walang kwenta at bida-bida nyang kapatid.

Maya-maya pa ay lumusong na sila, nang mawili si Lloyd ay nakahanap ng pagkakataon si James na takasan ito. Hindi naman siguro ito mapapaano, kahit isang beses lang ay susubukan niya ang slide.

“Grabe! Ang sarap! Isa pa!” tuwang-tuwang sabi niya at umakyat pang muli, nakaapat na slide sya bago nya naisipang silipin si Lloyd pero wala na roon ang bata.

“Yung bata! Nalulunod!” nagulat siya nang may sumigaw, agad na tumulong ang lifeguard at iniahon ang kapatid niyang si Lloyd na walang malay.

Sinundan pala siya nito kanina nang makitang nasa slide siya dahil naakit ito at nais ring subukan, pero dahil di nito abot ay nakabitaw ito sa kinakapitang gilid ng pool at nalunod ang bata.

Ilang beses sinubukang i-pump ang dibdib ng kapatid niya at bigyan ito ng hangin, pero huli na.. wala na si Lloyd.

“Lloyd!” sigaw nya, napabangon siya sa kama. Nagulat pa siya ng bitbit niya pa ang glue.

Huh?

“Kuya..” naroon ang bata sa likod ng pinto ng kwarto, nagulat sa pagsigaw nya.

“Buhay ka?”

“Kanina ka pa nananaginip kuya, natakot ako kasi umuungol ka. Ano ba yang gagawin mo sa glue? Ilalagay mo na naman sa kama at bibiktimahin ako no?” sabi nito.

Hindi sya makapaniwalang panaginip lang ang lahat, para kasing totoo.

“Halika nga rito Lloyd,” sabi niya. Lumapit ang bata at medyo nagulat dahil niyakap sya ng kuya nya, ito ang first time na nangyari iyon. Masyado kasing masungit ito at galit sa kanya.

“Kumilos na raw po tayo sa ni Mommy, magsu-swimming daw tayo.” excited na sabi ng bata.

Ginulo ni James ang buhok ng kapatid, “Patawarin mo ako sa lahat ng pang aaway ko. Simula ngayon, kampi na tayo ha?” nakangiti niyang sabi at nag offer pa ng fist bump sa kapatid.

Binantayan nang mabuti ni James si Lloyd hindi lamang sa pool, kundi sa lahat. Pinanindigan niya na ang pagiging kuya dito. Dahil doon ay lumaki silang hindi lamang parang magkapatid, sila rin ang best friend ng isa’t isa.

Advertisement