Inday TrendingInday Trending
Libreng Pasakay Ng Padyak Driver!

Libreng Pasakay Ng Padyak Driver!

Sa lugar na iyon na kung tawagin ay looban, nakatira at namamasada ang padyak drayber na si Vince. Pinangarap ng binata noon na maging pulis at magsilbi sa kaniyang mga kababayan, ngunit sa hirap ng buhay ay kinailangan niyang magbanat ng buto sa mura pa lamang niyang edad.

Sapat lang ang kinikita ng bente dos anyos na binata upang kahit papaano ay may maiabot siya sa kaniyang ina, para sa araw-araw nilang gastusin, lalo at nag-aaral pa ang kaniyang dalawang bunsong kapatid.

“Inay, heto po ang three hundred fifty, oh. ʼYan po ang kinita ko mula kaninang umaga,” sabi ni Vince, habang iniaabot sa kaniyang ina ang tatlong daan at singkuwenta pesos na kinita niya, bukod pa sa isang daang pisong itinira niya sa kaniyang bulsa, bilang pangkain, sakaling abutin na siya ng gabi sa daan.

“Anak, salamat, pero itabi mo na kaya ang iba riyan? Kagabi, malaki-laki rin ang naibigay mo sa akin, dahil sabi mo, malakas ang kita dahil tag-ulan na. Baka naman wala ka nang itinitira para sa sarili mo?” may pag-aalala namang pagtanggi ng kaniyang ina.

“Huwag na ho kayong mag-alala riyan, ʼnay. Ako na ho ang bahala sa sarili ko. May itinabi naman akong isang daan dito e.”

Matapos ang pag-uusap nila ng kaniyang ina ay nagsimula nang pumasadang muli si Vince… nang libre.

Ito ang naging panata niya mula nang hindi niya matupad ang kaniyang pangarap na maging isang pulis. Kadalasan, pagkatapos niyang makapag-ipon ng sapat na kitang pambigay sa kaniyang ina ay pumapasada siyang muli ng libre sa daan, lalo na kung maulan. Marami kasing mga estudyante at matatanda sa kanilang lugar na palagi niyang nakikitang naglalakad sa tuwing siyaʼy pumapasada kaya naman naisip niyang magkaroon ng libreng pasakay. Iyon na lamang kasi ang naiisip niyang paraan upang kahit papaano ay magkaroon ng katuparan ang kagustuhan niyang makapagsilbi sa bayan, katulad ng kaniyang yumaong lolo na noon ay maagang sumakabilang buhay bilang isang bayaning pulis.

“Inang, sakay na ho. Anong kanto ho ba kayo?” tanong ni Vince sa isang matandang may dala-dalang isang timba na mukhang naglalaman ng mga paninda nitong eksakto namang naubos na.

“Naku, wala akong pambayad, hijo. Hindi ko mababawasan itong kita ko, dahil ibinenta ko nang mas mura iyong mga paninda kong isda para makauwi agad. Ang lakas kasi ng ulan,” sagot naman ng mukhang kaawa-awang matanda.

“Huwag na ho ninyong intindihin ʼyon, ʼnang. Halina ho kayo at baka kayo ay magkasipon pa,” nakangiti pang sabi ni Vince dito, kahit pa medyo hinihingal-hingal pa siya sa paghahatid din nang libre sa ilang estudyanteng magkakasabay ring naglalakad pauwi.

“Napakabuti mong bata ka. Sana, tularan ka ng karamihan. Sana ay lahat kagaya mong may awa at malasakit sa ibang tao, kahit pa hindi mo kaano-ano.”

“Ito lang po ang tanging magagawa ko para matupad ko ang pangarap kong maging katulad ng lolo ko. Isa po kasi siyang bayani. Isa siyang pulis na maagang sumakabilang buhay, dahil sa pagliligtas ng mga tao,” ang nakangiting paliwanag noon ni Vince.

Nakadaragdag sa taba ng puso ni Vince ang mga natatanggap niyang papuri mula sa mga taong kaniyang natutulungan kahit pa sa ganoon lamang kaliit na paraan. Maraming tao ang humahanga kay Vince. Halos makilala na nga siya sa buo nilang pamayanan dahil sa angkin niyang kadakilaan…

Ngunit palagi nga talagang sinusubok ang mga matatatag, dahil, ang masayahing driver palang ito, na namimigay ng libreng pasakay tuwing hapon ay may iniinda na ngayong karamdaman.

Hindi alam ng pamilya ni Vince kung saan kukuha ng pampagamot matapos malamang may malubha palang sakit sa baga ang binata. Halos manlumo naman para sa kalagayan ng kaniyang pamilya si Vince dahil hindi na siya makapagtrabaho.

Ngunit unti-unti ay may mga tulong na nagsidating. Ito ang mga taong ginawan ng mabuti ni Vince sa pamamagitan ng kaniyang libreng pasakay noon. Nagsimula sa paisa-isang tulong, hanggang sa maging sama-sama. Lumaki nang lumaki ang halaga ng tulong na kanilang natatanggap at iyon ang ginamit nila upang tuluyan nang gumaling si Vince sa sakit niya.

Talagang minahal ng mga tao si Vince dahil sa kaniyang kabutihan. Umabot pa nga sa puntong pati ang mga taga ibang lugar ay nakilala na siya dahil sa kuwento ng mga taga sa kanila. Isa raw siyang makabagong bayani. Ganoon siya kilalanin ng mga taong ginagawan niya ng mabuti.

Advertisement