Isang panibagong umaga na naman ang bumungad para sa magkapatid na Lina at Mylene. Mataas na ang sikat ng araw na siyang naaaninag ni Mylene sa sira-sira nilang dingding. Marahang tinapik-tapik niya ang kaniyang Ate Lina nang makaramdam siya ng gutom.
“Bakit, Mylene?” Kinusot-kusot ni Lina ang mata niyang medyo nanlalabo pa.
“Ate nanay, nagugutom ako,” malungkot na ani Mylene sa kaniyang ate. Agad namang dumukot ng pera si Lina at nakita ang tatlong limang piso at sampung tig-piso sa marumi niyang supot na plastik.
“Bibili lang si ate ng makakain, ha?” paalam nito. Tumayo na si Lina. Nagtungo muna siya sa maliit na lababong de yero at saka naghilamos.
Mula sa mataas na sikat ng araw ay binaybay ni Lina ang kalsada papunta sa tindahan ng mga pagkain na medyo malayo sa bahay nila. Isang balot ng pandesal at pansit na tamang sampung piso lang ang nagkasiyang pagkain sa kaniyang pera.
Bumalik na siya sa bahay nila at nakita niyang namimilipit ang kaniyang kapatid dahil na rin siguro sa gutom.
“A- Ate,” hindi mailarawan ang itsura ng kaniyang kapatid na kumikibot ang labi at handa na sa pag-iyak.
“Shhh, narito na si ate. Kumain ka na.” Kinuha ni Lina ang plato at kutsara saka inilagay ang pansit at pandesal.
Agad itong nilantakan ng kain ni Mylene. Awang-awa si Lina sa kapatid dahil tila ba isang linggo itong hindi nakakain.
Hinayaan niya muna itong makakain at naupo na lang saglit sa pinto ng kanilang bahay kung saan mapagmamasdan ang gulo ng mga katulad niyang nagdadalaga at nagbibinata na. Naglalaro ang ibang mga bata sa tambak ng basura at hindi iniinda ang peligro at init ng araw.
“Ate, namimiss mo na rin ba si mama at papa?” Hindi umimik si Lina sa tanong ng kaniyang kapatid.
Hindi niya mawari ang tunay niyang nararamdaman. Mami-miss? Magagalit? Masasaktan? Hindi na maunawaan pa ni Lina. Simula nang mawala ang kanilang mga magulang ay naiwan sa kaniya si Mylene. Tandang-tanda niya pa iyon…
“Mama, sino po siya?” tanong ng sampung taong gulang na si Lina. Nakatitig siya sa batang palinga-linga.
Lumuhod ang kaniyang ama at saka nagpaliwanag.
“Siya si Mylene. Magiging kapatid mo siya, ikaw ang magiging tagapagtanggol at taga-alaga niya. Ayos ba ‘yon?” Manghang-mangha si Lina. Sa wakas ay nagkaroon na rin siya ng kapatid. Ngunit hindi nagtagal ang kasiyahang iyon dahil naglahong parang bula ang kaniyang mga magulang. Hindi niya alam kung saan sila nagpunta. Basta ang alam niya lang ay naiwan sa kaniya ang responsibilidad na alagaan ang batang iniwan sa kaniya.
“Nami-miss? Siguro. Bakit mo naitanong?”
“Napansin ko po kasing malalim ang iniisip mo kaya siguro nami-miss mo na sila. Ako rin, ate. Kahit ‘di ko sila matandaan, parang nami-miss ko sila.” Marahang pinahid ni Lina ang pisngi niyang dinaanan ng mainit niyang luha.
“Mylene, alam mo ba ang isang pinakamasayang araw ko? Nang makita kitang hawak ni mama at papa. Ang maamo mong mukha at ngiting nakakadala ang nag-udyok sa akin na tanggapin kita bilang kapatid. Masaya ako noon.”
Anim na taong inilagaan ni Lina ang kaniyang kapatid na si Mylene. Ang hirap at pasakit ay hindi niya ininda. Kahit pa mabasa siya ng ulan, masiguro lang ang makakain nilang magkapatid. Kahit magkanda-ubo at sipon ay ayos lang. Mahal na mahal ni Lina ang kapatid, ngunit ano ang gagawin niya, ngayong may magandang buhay na naghihintay rito, nang hindi siya kasama?
“Bakit mo po sinasabi iyan, ate?” Humarap si Lina kay Mylene.
“H- hinahanap ka na kasi ng… tunay mong mga magulang,” nahihirapang sambit ni Lina. Nakatitig lang sa kaniya ang kaniyang kapatid na si Mylene. Naguguluhan, hindi maintindihan ang nais ipahiwatig ng kaniyang ate.
“Nakita ko na ang iyong mama at papa. Iyong tunay, hindi ‘yong mga magulang ko.”
Napatawa si Mylene. Hindi iyong tunay na tawa kung hindi peke.
“Matagal ko namang alam na hindi mo ako kapatid. Alam ko dahil naririnig ko sa iyo minsan kapag natutulog tayo. Wala naman akong pakialam kung hindi kita kapatid, ate. Pero bakit ganoon? Ayaw mo ba sa akin?” umiiyak na saad ni Mylene.
“Alam mo bang mayaman sila? Ang suwerte mo kasi hindi ka na magugutom pa.” Muling tumitig si Lina sa labas.
“Kukuhanin ba nila ako?” tanong ni Mylene.
“Oo, matagal ka na nilang hinahanap. Nakita ka lang naman nila mama at papa sa daan.” Napuno ng katahimikan ang magkapatid bago muling magsalita si Mylene.
“Bakit mo ako inilagaan? Bakit pinili mong alagaan ang isang tulad ko gayong hindi mo ako kadugo?”
Isang matipid na ngiti ang sumilay kay Lina.
“Dahil kahit hindi kita kadugo, mahal kita. Hindi naman sa dugo makikita ang pagmamahal. Ano mang mangyari, magkapatid pa rin tayo.” Nagyakapan si Lina at Mylene.
Kinabukasan, sinundo si Mylene ng tunay niyang mga magulang.
“Pwede po bang isama na natin si Ate Lina? Siya po kasi ang naging ate at nanay ko.” Isang tango ang isinagot ng kaniyang mga magulang.
Noong una ay nagdalawang isip pa ang tunay na mga magulang ni Mylene pero nang maglumuhod ang bata sa kanilang harapan ay napapayag na rin ang mga ito.
Dali-daling tumakbo si Mylene sa pwesto ng kaniyang Ate Lina. Isang yakap ang kanilang muling pinagsaluhan. Alam nilang iyon na ang simula ng pagkakaroon nila ng mas maayos na buhay nang magkasama.