Inday TrendingInday Trending
Ginantimpalaang Panloloko

Ginantimpalaang Panloloko

Natutuwa si Mang Roland sa kasamahan niyang si Andoy dahil lagi itong napaparangalan at kinikilala bilang tapat na empleyado sa kanilang kompanya. Sila ay mga janitor o tagalinis. Mahirap ang kanilang trabaho subalit marangal at may dignidad naman sila lalo na sa katapatan.

Talong beses nang kinilala ang katapatan sa tungkulin ni Andoy. Lagi itong nakapupulot ng mahahalagang gamit sa pasilyo, palikuran, at iba pang lugar o bahagi sa kanilang opisina. Kaya naman tuwang-tuwa sa kaniya ang kanilang boss.

Noong una, nakapulot si Andoy ng isang pitakang naglalaman ng limang libong piso. Pagmamay-ari pala ito ng isang manager. Ikalawa naman ay isang mamahaling cellphone na pagmamay-ari naman ng isang supervisor. At ito ngang huli, isang alahas naman. Isang mamahaling kuwintas na purong ginto. Ang kanilang boss mismo ang may-ari nito.

“Tularan ninyo si Andoy. Tapat. Bihira na ang mga katulad niya,” pagmamalaki ni ng kanilang boss sa kanilang lahat. Dahil diyan, laging nakatatangap ng insentibo si Andoy mula sa pamunuan ng kompanya.

Minsan, narinig ni Mang Roland na nag-uusap ang dalawa sa kanilang mga kasamahan. Pinag-uusapan ng mga ito si Andoy.

“Ang swerte naman ni Andoy. Nagsauli lang ng mga napulot niyang bagay, nabigyan na ng bonus,” sabi ng isang janitor.

“Oo nga eh. Samantalang masisipag naman tayong lahat. Saka nakakapagtaka lang na laging may napupulot o nasasauli si Andoy. Natataon yata sa kaniya,” sagot naman ng isa.

“Kahit kailan wala pa akong napulot na alahas man lamang dito,” pagpapatuloy naman ng naunang janitor bago sila umalis.

Napailing na lamang si Mang Roland. May mga tao talagang hindi nasisiyahan sa tagumpay ng ibang tao.

Isang araw, habang tahimik na naglalampaso ng sahig si Mang Roland ay nakita niya si Andoy na tila palinga-linga sa paligid. Gusto niya itong batiin kaya sinundan niya ito. Hindi siya nito napansin. Hanggang sa makarating ito sa opisina ng isa sa mga managers. Pumasok ito. May susi sila ng mga opisina dahil nga kailangan nilang linisin ito.

“Anong ginagawa nito sa opisina ni Mam Leslie?” naitanong ni Mang Roland sa kaniyang sarili. Dala ng kuryosidad, tahimik niyang nilapitan ang bintana ng opisina. Sinilip niya sa maliit na siwang nito kung anong ginagawa ni Lando sa loob. Kitang-kita ng kaniyang mga mata na kinuha ni Lando ang pitaka ni Mam Leslie at itinago sa bulsa.

Nagtago si Mang Roland nang lumabas mula sa opisina si Andoy. Nagpalinga-linga ulit ito. Naglakad na ito palabas. Hindi makapaniwala si Mang Roland sa kaniyang nasaksihan. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang magnakaw ni Andoy. Kailangang malaman ng pamunuan ang kaniyang nakita. Kailangan itong malaman ni Mam Leslie at ng kanilang boss.

Dahil nasa pulong pa ang mga boss at managers, hinintay itong matapos ni Mang Roland. Nang makabalik si Mam Leslie sa opisina nito, napansin nitong wala ang kaniyang pitaka. Sinamantala ito ni Mang Roland.

“Mam, ano pong problema” untag ni Mang Roland kay Mam Leslie.

“Nawawala kasi ang pitaka ko. Baka nahulog o nailapag ko lang sa kung saan,” paliwanag nito.

Ipagtatapat na sana ni Mang Roland ang kaniyang nasaksihan nang biglang kumatok sa pinto si Andoy.

“Mam Leslie, pwede po bang pumasok?” tanong ni Andoy.

“Pasok ka, Andoy. May problema ba?” tanong ni Mam Leslie.

“Mam, nakita ko po ang pitaka na ito sa CR ng babae. Binuklat ko po at sa inyo po yata,” sabi ni Andoy at iniabot ang pitaka ni Mam Leslie na kinuha niya kanina lamang.

Tuwang-tuwa si Mam Leslie at pinuri si Andoy, “Iba ka talaga Andoy! Maraming salamat! Isa ka talagang honest employee.

Napamaang si Mang Roland. Nasaksihan niya ang ginawa ni Andoy. Sinadya nitong kunin ang pitaka ni Mam Leslie. At ngayon, bakit sinasabi nitong napulot nito ang pitaka sa loob ng CR?

Napagtanto ni Mang Roland na ang pagiging tapat ni Andoy ay hindi totoo. Kunwari, napupulot nito ang mahahalagang gamit ng kanilang boss. Palalabasin nitong napulot at nakita niya’t isusurrender para mapuri siya’t mabigyan ng insentibo.

“Mam, hindi po totoo iyan,” hindi nakatiis na sabi ni Mang Roland.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Mam Leslie.

“Nakita ko po si Andoy kanina. Pumasok siya sa opisina ninyo at kinuha nang kusa ang pitaka ninyo. Ngayon, ibinabalik niya’t ipinalalabas na napulot niya sa CR para mapuri siya’t mabigyan ulit ng pabuya,” sabi ni Mang Roland.

Namula si Andoy at napatingin naman si Mam Leslie sa kaniya. Dumating din ang kanilang boss upang makiusyoso.

“Sinasabi mo bang sinungaling ako? Wala kang ebidensiya,” sabi ni Andoy kay Mang Roland.

“Anong wala? Sige, tingnan natin sa CCTV,” sabi ni Mang Roland sabay nguso sa bandang itaas ng opisina. May CCTV nga. Hindi siguro ito napansin ni Andoy. Namutla siya nang dahil doon.

Minabuti nilang tingnan ang CCTV footage at kitang-kita nga roon ang ginawa ni Andoy.

“Hindi ako makapaniwala sa ginawa mo, Andoy. Hindi ka nararapat sa mga pagkilalang ibinigay sa iyo. Hindi ka pala tapat. Ginagawa mo lamang ang kunwaring pagsasauli ng mga bagay upang mabigyan ka ng parangal at gantimpala. Maling gawi iyan!” galit na sabi ng boss.

Tinanggal sa trabaho si Andoy at pinasauli ang tatlong sertipiko ng pagkilala na ipinagkaloob sa kaniya. Sa halip, ibinigay ito kay Mang Roland. Binawi rin ang bonus na ibinigay sa kaniya sa pamamagitan ng pagkaltas sa huling mga sahod ng janitor. Napagtanto ni Mang Roland na ang tunay na pagtulong ay walang hinihintay na kabayaran o kapalit.

Advertisement