Inday TrendingInday Trending
Napagbintangang Magnanakaw

Napagbintangang Magnanakaw

“Hoy Marco, gumising ka na riyan!”

Bumangon ang batang si Marco dahil galit na tinig ng kaniyang tiyahing si Aling Ruweda, kapatid ng kaniyang nanay. Galit na naman ito. Linggo noon kaya nasa bahay ang kaniyang tiyahin. Nakikitira lamang sila ng kaniyang tatay at mga kapatid sa bahay nito sa Tondo dahil wala silang permanenteng tirahan.

Sinulyapan niya ang kaniyang nanay na nakaratay sa katabing banig.

“Lumabas ka na anak at baka may iuutos ang tiyang mo.”

Lumabas ng kanilang silid si Marco at bantulot na nagtungo sa kaniyang galit na tiyahin na nagsusulsi ng sirang mantel ng mesa.

“Magpunta ka nga sa palengke. Bumili ka ng pakain sa mga manok”, utos ni Aling Ruweda kay Marco.

“Huwag na huwag kang maglalakwatsa ha?! Umuwi ka kaagad. Maglalaba ka pa ng maruming damit at maglilinis pa ng bahay.”

Mag-iika-siyam na nang dumating siya sa palengke. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang ‘di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob ng palengke. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Humahangos siya sa pagbili ng patuka sa manok nang mabangga niya ang isang ale.

“Ano ka ba?” ang bulyaw ng ale. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

“Pasensya na kayo, ale” ang sabi ni Marco. “Nagmamadali ho ako, e.” “Puro na lang pasensya ang sinasabi ng mga t*ngang tulad ninyo!” galit na sabi ng ale sabay alis.

Hindi na pinansin ni Marco ang nagalit na ale. Nagtungo siya sa isang suking tindera ng mga prutas. Paborito kasi ng kaniyang nanay ang mabolo kaya’t bibili siya ng ilan upang ipakain dito.

Habang tumatawad sa tindera, naramdaman na nalamang niyang may bumatak sa kaniyang leeg mula sa kaniyang likuran. Ito ang ale na nakabangga niya sa papasok ng palengke.

“Nakita rin kita! Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!” tungayaw sa kaniya ng babae. Tiyakan ang kanyang pagkakasalita; tila ba ibig siyang lituhin sa pagsagot upang masukol siya nang buong-buo.

Hindi naman nagpasindak si Marco. Sumagot siya nang mahinahon sa aleng nambibintang sa kaniya.

“Ale, pasensya na po pero pinalaki po kaming marangal ng aking mga magulang. Kahit mahirap ang buhay namin, hindi po ako magnanakaw.”

Nagsimula nang magkagulo at makiusyo ang mga tao. May mga sumisigaw na ipapulis na ng ale ang bata.

Noon naman ay may dumaraang barangay tanod na nagroronda sa mga panahong iyon. Inanyayahan niya ang dalawa sa barangay hall upang doon mag-usap.

“Siya ang kumuha ng pitaka ko. Sigurado ako!” galit na sabi ng ale, na nagngangalang Aling Pamela.

“Misis, wala naman po kayong ebidensya sa ibinibintang ninyo sa bata. Tiyakin po muna ninyo na may ebidensya bago kayo mambintang,” turang ng barangay tanod.

“Masyado naman kayong maawain sa mga batang gaya nito. Dapat alam na ninyo ang galawan ng mga gaya niyang magnanakaw. Paano natin malulunasan ang mga ganitong salot sa lipunan?” galit na sabi ni Aling Pamela.

Sumisinghot-singhot naman si Marco sa isang sulok. Takot na takot siya sa anumang maaaring mangyari.

“Mam, sir, wala po talaga akong ninanakaw. Kahit kapkapan ninyo ako wala po kayong makukuha sa akin. Hindi po ako magnanakaw,” madiing sabat ni Marco.

“Sus, kumita na ang mga ganyang litanya. Hindi ba ganyan naman kayong mga kawatan? Pasa-pasa. I’m sure pinasa mo na sa mga kasama mo ang pitaka ko. Hindi ko palalapgpasin iyan,” gigil na sabi ng ale.

Maya-maya, isang barangay tanod ang pumasok. May dala itong isang pitaka.

“Heto po yata ang pitakang hinahanap ninyo ale. May nakapulot po kanina sa palengke,” sabi nito.

Kinuha ni Aling Pamela ang pitaka. Sinilip ang laman. Kompleto pa ang pera na laman nito na pamalengke.

“I- ito nga ang pitaka ko. Pasensya na po…” nahihiyang sabi ng ginang.

“Sa susunod po mag-ingat po tayo sa pambibintang. Kawawa naman ang batang ito. Hindi porke’t gusgusin ay may karapatan na tayong pagbintangan siya,” sabi ng barangay captain.

Humingi naman ng dispensa si Aling Pamela kay Marco. Binigyan pa niya ito ng 500 piso subalit tumanggi ang bata.

“Sobrang pagpasensyahan mo ako, ha? Hindi ko talaga sinasadya. Sana ay mapatawad mo ako, Marco. Nabigla lang talaga ako sa mga sinabi at bintang ko sa iyo. Paumanhin kung nahusgahan ko ang panlabas mong anyo,” sabi ni Aling Pamela.

Umuwi naman si Marco nang masaya sa kabila ng mga pangyayari dahil nalinis ang kaniyang pangalan sa harap ng lahat.

Advertisement