Inday TrendingInday Trending
Maliit Man Ay Malaki Rin

Maliit Man Ay Malaki Rin

“Palimos po, maawa na kayo sa akin, palimos po.”

“Palimos po, kahit kaunting pangkain, palimos po!”

Paulit-ulit na maririnig sa matandang pulubing nakapuwesto sa tapat ng simbahang iyon ang paghingi nito ng limos sa mga taong nagpupunta sa simbahan upang magdasal. Lumpo na ito dahil sa katandaan at nakasakay na lamang sa isang lumang wheelchair.

Maraming mga tao ang nagdaraan ngunit hindi man lang nagbibigay ng kahit kaunting atensyon sa matandang nangangailangan, pero ayos lang, dahil mayroon din namang mga taong nakaluluwag-luwag sa buhay ang nag-aabot ng limos sa kaawa-awang matanda.

“Palimos po, maawa na kayo! Palimos po!” muli ay maririnig na sigaw ng matanda, kahit pa parang hirap na itong magsalita.

Inabot pa ng ilang minutong paghihintay bago muling may lumapit sa kaniya upang magbigay ng limos… isa palang batang tindero ng sampaguita ang nag-aabot ng beinte pesos.

“Sigurado ka bang ibibigay mo sa akin ʼyan, Tutoy?” ang tanong ng matanda sa batang nasa kaniyang harapan.

“Opo, lolo. Pasensiya na po kayo, ha? Maliit lamang po kasi ang kita ko ngayon. Pang-meryenda ko po sana iyan, kaso mukhang mas kailangan po ninyo iyan kaysa sa akin,” ang nakangiti namang sagot ng batang tindero.

“Baka naman magutom ka niyan, hijo?” may pag-aalala pa ring tanong ng matanda sa mabuting bata na lalo pang nilawakan ang ngiti bago muling sumagot.

“Ako poʼy malakas pa naman, lolo. Bata pa po ako at maliksi. Kaya ko pa pong magtinda sa maghapon para makabili ako ng pagkain,” sabi nito.

Napangiti na rin ang matandang pulubi dahil sa talinong taglay ng bata. Ngunit pareho silang nagulat nang may isang lalaking nakasuot ng pormal at magarang damit ang biglang lumapit sa kanila, habang tatawa-tawa…

“Hoy, bata, kung ako sa iyo, ipangkakain ko na lang ʼyang bente pesos na ibinibigay mo rito kay lolo. Aba, hindi man lang iyan aabot sa tiyan nitong matanda, e. Pambili lamang ng candy ʼyan,” walang pakundangang pangungutya ng naturang lalaki sa batang tindero ng sampaguita bago ito dumukot ng isang daang piso sa sariling bulsa. “ʼLo, ibalik nʼyo na ho iyong bente pesos ng bata. Papalitan ko na lang ng isang daang piso ʼyon,” nakangisi pang baling nito sa matanda.

Napakunot naman ang noo ng batang tindero at pati na rin ng matandang pulubi. Parehas silang nainis sa inasal ng naturang lalaki.

“Naku, hindi na ho, mister. Mas gugustuhin ko nang tumanggap ng bente pesos na limos mula sa batang tinderong ito na taos puso kung magbahagi ng biyaya sa kaniya ng Diyos, kaysa tumanggap ng mas malaking halaga mula sa mga taong kagaya mo na may halong kayabangan ang pagbibigay sa iba. Sapat na sa akin ang bente pesos na ibinigay ng batang tindero.” Matigas ang naging pahayag ng matanda laban sa lalaking mapangmata. “Maliit man ito ay malaki na rin para sa akin.”

“Abaʼy paano naman ho naging mas makaki ang bente pesos na limos sa halaga ng isang daang pisong ibibigay ko sana sa ʼyo?” nakataas ang isang sulok ng labing tanong pa ng lalaking mapangmata.

“Maliit man ito ay malaki na rin, dahil, ito lamang ang mayroon siya. Isipin mong mabuti ang kaibahan, mister. Siyaʼy mayroon lamang na bente pesos ngunit ibinigay niya iyon sa akin lahat bilang tanda ng awa. Samantalang ikaw ay may isang daang pisong barya lamang sa halagang mayroon ka. May kasama pang kayabangan at panghahamak sa iba,” tagos sa pusong pangangaral pa ng matandang pulubi sa kaniya.

Tila naman tinuklaw ng ahas dahil sa naramdamang kahihiyan ang kaninaʼy mapangmatang lalaki. Dali-dali na lamang tuloy nitong ibinalik ang isang daang piso nitong pera sa bulsa, bago naglakad palayo sa kanilang pwesto.

“Ipagpatuloy mo ang pagiging mabuti mong bata, hijo. Tiyak kong malayo ang mararating mo. Magsikap ka upang makatapos, dahil sayang ang taglay mong talino. Kaawaan ka ng Diyos,” nakangiti pang basbas niya na lamang sa bata. Tumango naman ito nang nakangiti bago tumalikod upang bumalik muli sa pagtitinda ng sampaguita.

Ilang taon pa ang lumipas at muling nakita ng lalaking mapangmata ang pulubing kaniyang nilait noon, ngunit hindi na sa dating lugar kung saan ito madalas magtinda ng sampaguita. Kundi sa telebisyon, dahil isa na itong mabuti, matapang at matulunging news anchor ng bansa! Nagsumikap itong makatapos ng pag-aaral tulad ng sabi ng matandang kaniya noong tinulungan.

Tama nga ang kasabihang, “many people are educated, but not all of them were all well-mannered.” Aanhin mo nga naman ang pinag-aralan kung masama naman ang iyong pag-uugali.

Advertisement